Ang Aklat ni Mormon: Isang Espesyal na Regalo
Claudette Bybee Burt
Washington, USA
Noong Bisperas ng Pasko ng 2016, habang naglilingkod kaming mag-asawa bilang mga temple missionary sa Manila Philippines Temple, ginusto kong magbigay ng kopya ng Aklat ni Mormon sa isang tao. Sa loob ng harapang pabalat ng isang kopya, isinulat ko ang aking patotoo at nagsama ako ng isang postcard ng Manila Temple na may impormasyon kung saan malalaman ang iba pa tungkol sa Simbahan. Pagkatapos ay lumuhod ako at nagdasal at hiniling ko sa Panginoon na akayin ako sa isang taong inihanda na Niya.
Umalis ako ng aming apartment at tumawid ng kalsada. May kausap na dalawang lalaki ang isang security guard sa kalapit na missionary training center. Sumigaw siya, “Maligayang Pasko!” Naisip kong puntahan sila.
Pagkatapos kong magpakilala, nalaman ko na ang isang lalaki ay tagapag-alaga ng bakuran sa missionary training center at ang isa naman ay isang magsasaka. Nalaman namin na pareho silang miyembro ng Simbahan.
Tinanong ko kung may kakilala sila na maaaring interesadong maregaluhan ng kopya ng Aklat ni Mormon para sa Pasko. Mukhang nagulat ang magsasaka. Sabi niya, may kasama siyang kaibigan na bibisita sa bakuran ng templo sa loob ng ilang minuto. Matagal na niyang gustong bigyan ng Aklat ni Mormon ang kaibigan niya pero hindi pa siya nakakabili. Puspos ng damdamin, inilabas ko ang Aklat ni Mormon mula sa bag ko. Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa aking panalangin at ibinigay ko sa kanya ang aklat.
Inantig kaming lahat ng Espiritu, at nagpahayag ng pag-asa ang magsasaka na babasahin ng kaibigan niya ang Aklat ni Mormon at tatanggapin ang ebanghelyo. Habang naglalakad ako pabalik sa aking apartment, nagpasalamat ako sa Panginoon at nagdasal na sana’y tuparin ng kaibigan ng magsasaka ang kanyang pangakong bumisita sa bakuran ng templo.
Mga 15 minuto ang nakalipas, may tumawag sa akin mula sa security gate ng MTC. Dumating na ang kaibigan ng magsasaka. Agad akong nagpunta para makilala siya. Siya ay kapitan ng isang merchant ship na magpapalaot na pagkalipas ng dalawang araw. Pinasalamatan niya ako para sa Aklat ni Mormon at sinabi na dadalhin niya iyon sa barko. Bago kami nagpaalaman, tinitigan ko siya at sinabi kong, “Ang aklat na ito ay totoo.” Nang gawin ko iyon, pinagtibay ng Espiritu ang katotohanang ito sa akin.
Noong Paskong iyon nagbigay ako ng espesyal na regalo: isang Aklat ni Mormon at ang aking patotoo na ito ay totoo. Tumanggap din ako ng espesyal na regalo: sinagot ng Panginoon ang aking panalangin at biniyayaan ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo.