2018
Pitong Paraan para Matamo ang Diwa ng Pasko
Disyembre 2018


Pitong Paraan para Matamo ang Diwa ng Pasko

Ang kasaganaan at mga kasiyahan ay masaya, pero ang maligayang paglilingkod ang susi sa pagkakaroon ng diwa ng Pasko.

seven ways to catch the Christmas spirit

Mga paglalarawan ni Michael Mullan

“Parang hindi Pasko.”

Naisip na ba ninyo ang isang bagay na katulad niyan? Marahil ay naiisip ninyo iyan ngayon: Gaano man kayo kalakas magpatugtog ng mga kantang Pamasko o gaano man karaming Pamaskong biskwit ang kainin ninyo, hindi talaga ninyo madama ang diwa ng Pasko.

Kung parang kayo iyan, o kung nais lang ninyong mas madama ang liwanag ng Pasko ngayong taon, basahin ito!

Ginawa itong napakasimple ni Pangulong David O. McKay (1873–1970): “Ang diwa ng Pasko ay diwa ni Cristo, na nagpapainit sa pagmamahalan at pagkakaibigan natin at nag-uudyok sa ating maglingkod.”1 Sumang-ayon si Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President: “Ang paraan upang mapaigting ang diwa ng Pasko ay ang tumulong nang sagana sa mga taong nakapaligid sa atin at ipagkaloob ang ating mga sarili.”2

Ang pagpapalamuti sa mga puno at pagbibigay ng mga regalo ay mga paraan para maipagdiwang ang Pasko, pero ang susi para madama ang diwa ng pasko ay ang maglingkod sa iba. (Tingnan ang nakalipas na artikulo, “Pagmiministro tulad ng Ginawa ng Tagapagligtas,” para mas matuto pa tungkol sa pagmi-minister.)

At magandang balita! Maraming kahanga-hangang paraan para maglingkod sa iba ngayong Kapaskuhan. Subukan ang ilan sa mga ito, at saglit lang ay madarama na ninyo ang init ng Espiritu at madaramang mas napapalapit na sa Tagapagligtas—ang tunay na diwa ng Pasko!

1

1. Bisitahin ang mga nalulungkot o nag-iisa.

Isipin ang mga taong kilala ninyo na maaaring wala nang pamilya at mga kaibigan na makakasama sa Pasko. Isiping bumisita sa isang taong may-edad o isang taong kalilipat lang sa lugar ninyo. Ang pagtulong sa kahit isa lang na malungkot na tao ay maaaring lubos na nakaaantig. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Cristo ay “nagministro sa ‘mga iisa,’” sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao nang paisa-isa.3 Magagawa rin natin iyan.

2

2. Mangaroling.

Alam ba ninyo na ang propeta natin ay mahilig sa mga kantang Pamasko? Pagkanta man ng mga “kakatwang awit tungkol kay Santa” o pagkanta sa mga paborito ninyong kapita-pitagang himno tungkol sa Tagapagligtas, naniniwala si Pangulong Russell M. Nelson na ang pagbabahagi ng musika sa iba ay isang kahanga-hangang paraan para “talagang madama ang tunay na diwa ng Pasko.”4

3

3. Tingnan ang paligid ninyo bago tingnan ang inyong cellphone.

Hindi ninyo kailangang ilagay ang inyong cellphone sa bulsa ninyo nang buong araw, subalit ang pagiging naroon at nakatuon sa mga taong nakapaligid sa inyo ay isang magandang paraan para madamang muli ang diwa ng Pasko.

“Sa halip na kunin ang inyong cellphone at tingnan ang ginagawa ng inyong mga kaibigan, tumigil kayo, tumingin sa inyong paligid, at tanungin ang inyong sarili, ‘Sino ang nangangailangan sa akin ngayon?’” sabi ni Sister Oscarson. “Maaaring maging susi kayo sa pagtulong at pag-impluwensya sa buhay ng isang kabataan o sa pagpapalakas ng loob ng isang kaibigan na tahimik na nagdurusa.”5

4

4. Gumawa ng karagdagang mga gawain.

Matutulungan ba talaga kayo ng paglilinis ng bahay, pag-aalok na mag-alaga ng bata, o paggawa ng iba pang karagdagang gawaing-bahay upang madama ang diwa ng Pasko? Kung gagawin ninyo ito nang may tamang saloobin, tiyak na magagawa ninyo ito! Habang may pinupunasan o nililinis kayo, isipin ang taong pinaglilingkuran ninyo. Isipin kung gaano magugustuhan ng inyong pamilya o mga kaibigan ang regalo ng inyong kasipagan!

5

5. Maghatid ng ilang pagkaing para sa Pasko!

Habang pinag-uusapan natin ang mga pagkain para sa Pasko na kinain ninyo kanina, bakit hindi gumawa ng isang batch ng inyong paboritong mga pagkain sa Pasko! Dapat sigurong tikman muna ninyo mismo ang ilan (o higit pa), subalit ang susi sa pagdama ng diwa ng Pasko ay ang ipamigay ang mga iyon.

6

6. Magbahagi ng isang Christmas video.

Magbahagi ng mensahe tungkol sa Pasko sa social media. Tingnan ang ilang Christmas Mormon Message para sa ilang ideya. Maaari rin ninyong mapaliwanag ang araw ng isang tao sa pamamagitan lang ng pagbabahagi ng Christmas video ng Simbahan na makikita sa Mormon.org. Mapapadala ninyo ito sa isang kaibigan o maibabahagi sa inyong sariling page.

7

7. Maging malihim tungkol dito.

Gaano kaya karaming palihim na paglilingkod ang magagawa ninyo nang hindi nahuhuli? Ikaw ay makapag-iiwan ng mga grocery o mga regalo sa may pintuan ng isang tao, makapaglalagay ng isang kaaya-ayang sulat sa bulsa ng isang dyaket, makapagpapala ng niyebe, o makapagwawalis ng mga dahon—subalit tiyaking walang nakaaalam na ikaw iyon! Tandaan: magpalimos nang palihim (tingnan sa Mateo 6:4).

Pagmi-minister sa Pasko

Ang mga kumukuti-kutitap na palamuti at nakasisiyang pagtatanghal ay makapagbibigay ng paghanga at kasayahan sa inyong Kapaskuhan, pero sa pagdama sa tunay na diwa ng Pasko, masayang paglilingkod ang susi.

“Para tunay na maigalang ang pagparito [ng Panginoon] sa mundo, kailangan nating gawin ang Kanyang ginawa at tumulong nang may habag at awa sa ating kapwa,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Magagawa natin ito araw-araw, sa salita at sa gawa. Gawin nating tradisyon sa Pasko, saanman tayo naroon—na maging mas mabait, mas mapagpatawad, di-mapanghusga, mas mapagpasalamat, at mas mapagbigay sa pagbabahagi ng ating kasaganaan sa mga nangangailangan.”6

Mga Tala

  1. David O. McKay, Gospel Ideals (1953), 551.

  2. Bonnie L. Oscarson, “Christmas Is Christlike Love” (Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 7, 2014), broadcasts.lds.org.

  3. Facebook page ni David A. Bednar, video na nai-post noong Enero. 22, 2017, facebook.com/lds.david.a.bednar/videos.

  4. Russell M. Nelson, sa “Christmas Memories from Prophets and Apostles,” New Era, Dis. 2015, 10.

  5. Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 26.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Ikalat ang Iyong mga Tira” (Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 3, 2017), broadcasts.lds.org.