Digital Lamang
3 Bagay na Dapat Tandaan Kapag Pakiramdam Mo ay Nagkukulang Ka
Ang awtor ay naninirahan sa New Mexico, USA.
Lahat tayo ay nais na maging mas mabuti, ngunit mahirap malaman kung saan magsisimula.
Madalas kong iniisip kung ang mga pagsisikap ko sa pagsunod ay naaabot ang tila ba imposibleng pamantayan ng kasakdalan. Lagi akong nag-iisip ng mga bagay na maaari ko pang gawing mas mabuti, tulad ng higit na pagbabasa ng mga banal na kasulatan o pagpigil sa sarili ko kapag dinaraanan ko ang mga ice cream sa frozen food section.
Maaaring tila hindi ito malalaking problema, ngunit paano ko malalaman kung paano mas pagbubutihin ang sarili ko, lalo na kapag ang rocky road ice cream ay hindi ang pinakamalaking problema ko? At anong pagkakaiba ang magagawa sa buhay ko ng higit na pagsunod?
Ang pagsunod kay Cristo ay hindi tungkol sa paminsan-minsang pagtalon at pagtakbo ng matulin kundi sa pang-araw-araw na pag-unlad. Tulad ng itinuro ni Elder Larry R. Lawrence, “Naparito tayo [sa mundo] upang matuto at magpakabuti hanggang sa unti-unti tayong maging banal o ganap kay Cristo. …
“… Sa ating paglalakbay sa makipot at makitid na landas, patuloy tayong hinahamon ng Espiritu na maging mas mabuti at umangat pa.”1
Ang bawat pagsisikap na ginagawa natin upang maging mas mabuti ay nagpapabuti sa ating buhay. Narito ang tatlong paraan na tumulong sa akin na maging mas mabuti araw-araw.
1. Magsisi araw-araw.
Tulad ng hindi natin maaabot ang kasakdalan kung wala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala, hindi natin mapapabuti ang ating pagsunod kung walang pagsisisi. Itinuro ni Stephen W. Owen, Young Men General President, na, “Maaari nating sikaping baguhin ang ating ugali nang tayo lang, ngunit tanging ang Tagapagligtas ang makapag-aalis ng ating mga mantsa at makakapagpagaan ng ating mga pasanin, upang makayanan nating matahak ang landas ng pagkamasunurin nang may tiwala at lakas.”2 Kung nakakakita ka ng kakulangan sa sarili mo na nais mong baguhin, ipagdasal mo ito sa Panginoon.
2. Piliin ang Dapat Unahin Kasama ang Espiritu
Ang pagkilala sa sarili kong mga pagkukulang ay napakahirap—kadalasan ay hindi ko alam kung saan magsisimula. Maaari tayong magdasal upang malaman natin ang dapat nating baguhin sa ganitong sandali. Itinuro ni Elder Lawrence, “Ang Espiritu Santo ay talagang nagbibigay ng payo para sa bawat isa. Siya ay lubos na matapat na kasama at sasabihin sa atin ang mga bagay na hindi alam ng iba o hindi kayang sabihin ng iba.”3 Bagama’t hindi natin kinakailangang maghintay sa mga pahiwatig upang maging mas mabuti, matutulungan tayo ng Espiritu na unahin ang mahahalagang bagay.
3. Dagdagan ang Espirituwal na Kumpiyansa
Lagi akong nagugulat sa dami ng ibinibigay na biyaya sa akin ng Ama sa Langit habang sinisikap kong sumunod sa mga kautusan. Nakakaramdam ako ng dagdag na kapayapaan at kumpiyansa kapag sinisikap kong mas magpakabuti. Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung patuloy kayong magiging masunurin, … ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating.”4 Ang dagdag na pagsunod ay hindi ka lamang tutulungang mas magkaroon ng magandang pakiramdam sa iyong sarili at sa iyong mga desisyon, kundi bubuksan din nito ang karagdagang mga pagkakataon para mabiyayaan ka ng Panginoon sa mga paraang hindi mo inaasahan.
Alam ng Ama sa Langit ang ating mga puso, at kinikilala Niya ang bawat pagsisikap natin na maging mas masunurin. Hindi Niya tayo inaasahang maging perpekto bukas. Ang pagsisikap na maging mas mabuti araw-araw—pagbabawas man ito ng ice cream o pagdaragdag ng oras sa pagbabasa ng banal na kasulatan—ay tutulungan tayong malaman na lahat ng antas ng pag-unlad ay mahalaga at magagawa.