2018
“Gusto Ninyong Gawin Namin ang Ano?!”
Disyembre 2018


“Gusto Ninyong Gawin Namin ang Ano?!”

Michael Magleby

Direktor ng Curriculum Development

Sa paghiling ng grupo ng curriculum development ng Simbahan sa mga miyembro na subukan ang bagong kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa 2019, narinig namin nang paulit-ulit ang tanong na ito, kasama ang mga punang tulad ng: “Noong una ay naisip ko, ‘Kabaliwan ito!’ Hindi ko tiyak kung gagana ito.” Subalit ang mga naunang pag-aalalang ito ay unti-unting napalitan ng pagpapatibay na “tuluyang nagbago ang aming pag-aaral ng mga banal na kasulatan” o “Gumagana ito!”

Bakit mahalaga sa inyo ang mga karanasan nila? Dahil ang bagong kurikulum ay para sa inyo at sa inyong pamilya sa inyong tahanan at hindi lamang para sa inyong guro sa simbahan.

Sa mungkahi ng Unang Panguluhan, sisiyasatin ng isyu ng buwan na ito ang mga alituntunin sa likod ng pinakabagong yugto ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin [Come, Follow Me] na kurikulum—na sumusunod sa mga yapak ng nirebisang kurikulum para sa mga kabataan na ipinakilala noong 2013, Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [Teaching in the Savior’s Way] noong 2016, at ng kurikulum para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society na inilabas noong 2018.

Simula sa pahina 20, si Elder Jeffrey R. Holland, na nagbigay-patnubay sa gawain ng pagpapaunlad sa kurikulum, ay nagbibigay ng mga ideya na kung isasabuhay ay mababago tayo sa mga paraang taos-puso at pangwalang hanggan. Hindi lamang ito isang kurikulum kundi isang paraan sa pang-araw-araw na pag-aaral at pagsasabuhay ng ebanghelyo.

Habang pinapanood ko ang mga propeta, tagakita, at tagapahayag na pinamumunuan ang pagpapaunlad sa bagong kurikulum na ito na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan, humahanga ako sa kung paano ito naaakma sa galaw ng Simbahan tungo sa mas di-preskriptibong paraan sa pagsasabuhay ng ebanghelyo, inaanyayahan tayo na tumanggap ng mas malaking responsibilidad para sa ating personal na espirituwal na paglago. Habang ginagawa natin ito, nakumbinsi ako na tayo ay makatatanggap ng mas dakilang liwanag at katotohanan at ang ating kakayahang sundin si Jesucristo at talikuran ang masama ay madaragdagan (tingnan sa D at T 93:29–40), na magdadala ng kapayapaan sa ating mga buhay at kabutihan sa mundo.