Digital Lamang
Bakit Hindi na Ako Nagtatanong ng “Bakit?” Matapos Mamatay ng Kapatid Ko
Ang awtor ay naninirahan sa Salta, Argentina.
Kahit na hindi ko siya pisikal na kasama, nararamdaman ko pa rin ang presensya ng kapatid ko.
Nang nalaman ko ang balita na ang kapatid ko, si Sergio, ay namatay, nasa loob ako ng silid ko at nag-aaral, at si Inay ay nagbabasa ng mga e-mail niya na natanggap namin isang araw pa lamang ang nakalipas. Sinabi niya sa amin na masaya siya na nagmimisyon sa Chiclayo, Peru, at na maging kinatawan ni Jesucristo. Ibinahagi niya sa amin ang kanyang pagmamahal nang may sobrang kasiglahan na hindi namin maiwasang hindi ngumiti.
Ilang sandali bago makatanggap ng tawag mula sa kanyang mission president na naghatid sa amin ng nakapanlulumong balita, pinakinggan ko at ni inay ang isang kantang gustung-gusto ng kapatid ko. Biglang napuno ng kapayapaan ang buong kuwarto. Napakalakas ng Espiritu. Umiyak pa nga kami dahil ang pagmamahal at pakiramdam na naramdaman namin ay napakalakas na walang salitang makapaglalarawan nito. At makalipas lang ang 10 minuto, biglang tumunog ang telepono.
Nakinig si Inay at ako kay Itay na sumagot sa lahat ng tanong na itinanong sa kanya. Alam namin na kung ang mission president ang tumatawag, may seryosong nangyayari. Pagkatapos ay narinig naming sumagot si Itay, “Nagkakamali ata kayo. Hindi maaaring mangyari ito.”
Itinanong ko kung anong nangyayari. Noon sumagot si Itay sa amin, na puno ng luha ang kanyang mga mata, at paos ang boses: “Patay na si Sergio.”
Umiyak ako nang husto, tinanong ang sarili ko nang paulit-ulit, “Bakit po, Ama sa Langit? Bakit kinakailangan namin pagdaanan ito? Hindi ba ang mission ang pinakaligtas na lugar sa buong mundo?!”
Sa kabila ng pagkakaroon ng ebanghelyo sa aming buhay at pagkakaalam sa plano ng kaligayahan, tila ba walang aliw sa nararamdaman naming kalungkutan. Alam ko na tanging ang Ama sa Langit ang makatutulong sa aming sitwasyon.
Noong gabing iyon, sa isang sandali ng kalinawan, nagmamadali kong hinanap ang aking kopya ng mga banal na kasulatan dahil may naisip akong talata mula sa aklat ni Alma na ibinahagi sa amin ng kapatid ko ilang linggo bago siya pumanaw. Sinasabi rito, “O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap. … Ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa, tulad ng tinig ng kulog, ang pagsisisi at ang plano ng pagtubos. … Subalit masdan, ako ay isang tao, at nagkakasala sa aking mithiin; … Hindi ko nararapat na ipilit ang aking mga naisin sa matatag na pasiya ng makatarungang Diyos, sapagkat nalalaman kong ipinagkakaloob niya sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin, maging ito man ay sa kamatayan o sa pagkabuhay” (Alma 29:1–4).
Naintindihan ko na nais ng kapatid ko na malaman namin na buhay siya at kasama namin siya sa espiritu, ngunit nilisan niya ang buhay na ito dahil tinawag siyang mangaral sa daigdig ng mga espiritu. Nais niyang malaman namin na ang kanyang pagkawala ay karugtong ng pagtawag sa kanya sa mission—isa pang paglipat ng area, dahil gustung-gusto niya ang pagiging isang missionary, at ang pinakadakilang nais ng kanyang puso ay natupad: na maging isang “anghel” ng Panginoon. Maaari na niyang ilaan ang kanyang sarili nang mas lubos sa gawain ng Panginoon, na ipahayag sa bawat kaluluwa ang “pagsisisi at plano ng pagtubos,” ang plano ng kaligayahan.
Kahit na hindi ko siya pisikal na kasama, nararamdaman ko pa rin ang presensya ng kapatid ko. Hindi na ako nagtatanong, “Bakit po, Ama sa Langit?” dahil malinaw at malalim ang sagot: “ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” Doktrina at mga Tipan 122:8.
Bilang isang pamilya, sinabi namin ang nilalaman ng aming mga puso sa Diyos, at nakadama kami ng aliw dahil sa ebanghelyo. Alam namin na ito ay buhay ng pagsubok at walang-hanggan ang ating mga espiritu.
Sa pamamagitan ng pag-asa sa walang-hanggang pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at Ama sa Langit, alam namin na lahat ng bagay ay posible. Kung kaya’t, kahit na hindi pa rin namin maintindihan ang lahat ng bagay at sa buhay na ito ay hindi namin makita ang mga minamahal namin nang lubos, dahil sa Kanyang buhay, alam namin na ito ay isang panandalian at temporal na sitwasyon.
Mahigit apat na taon pa lamang mula nang pumanaw si Sergio. Inaamin ko na kahit ngayon may mga malungkot na araw pa rin at umiiyak pa rin ako paminsan-minsan dahil nangungulila ako sa presensya ng aking minamahal na kapatid. Ngunit napupuno ng pasasalamat ang aking puso kapag naaalala ko na ito ay hindi permanenteng sitwasyon. Ang pag-asa ko ay sa huli, isang araw, magkikita kami muli at magkakaisa kasama ang aming walang-hanggan at masayang pamilya, nang walang katapusan. Ito ay higit pa sa kahit anong dalamhati na nararamdaman ko ngayon.