2018
Blanca Solis—Asuncion, Paraguay
Disyembre 2018


Mga Larawan ng Pananampalataya

Blanca Solis

Asunción, Paraguay

Nang magkasakit ang asawa at ina ni Blanca at hindi na magawang alagaan ang kanilang mga sarili, kinailangan niyang iwan ang kanyang trabaho para alagaan sila nang lubusan. Sa pamamagitan ng pagbaling sa Panginoon, nakahanap si Blanca ng lakas na higit pa sa taglay niya.

Cody Bell, retratista

Ang pinakamahirap na mga pagsubok ng aming pamilya ay dumating noong nagkaroon ng malubhang sakit ang aking asawa. Siya ay nanatili sa intensive care ng apat na buwan. Iyon ay mga buwan ng pagdurusa! Hindi magawa ng aking asawa na alagaan ang kanyang sarili nang umuwi kami mula sa ospital. Sa panahon ding iyon, dumanas ang aking ina ng Alzheimer’s disease at kailangang lubusang manatili sa kama.

May maganda akong trabaho bilang lisensyadong nars, at sabay kong inalagaan ang aking asawa at ina. Nanghina ang aking loob dahil pareho silang nakaratay sa kama. Maraming gabing wala akong tulog dahil kailangan kong gawin ang lahat ng bagay para sa kanila. Tila dalawang sanggol sila. Sa pag-aalaga sa kanila at pagtatrabaho nang sabay, nadama ko na doble ang aking tinatrabaho. Hindi ko sila magawang alagaan nang kasing ayos ng nararapat, kaya kinailangan kong iwan ang aking trabaho.

Itinuturing ko ang mga ito bilang pinakamahihirap na araw ng aking buhay. Napakahirap para sa akin na mula sa pagiging indipendiyente ay nawalan ako ng pinagkakakitaan. Nagsimula akong mag-alala tunngkol sa pera. Hindi ko alam kung ano ang gagawin para mabayaran ang lahat ng aming gastusin. Sinimulan kong isipin kung ano ang magagawa ko. Hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong makapagtrabahong muli at mapangalagaan pa rin ang aking pamilya.

Kinausap ko ang anak kong lalaki at iminungkahi niya na gumawa at magbenta ako ng mga empanada. Natakot ako dahil hindi ko alam kung paano ito gawin, pero may isa akong bentahe. Nakadalo ako sa ilang kurso ng self-reliance ng Simbahan. Isa sa mga kursong nagustuhan ko ay ang kursong “Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo [Starting and Growing My Business].” Sa pagdalo ko, nadama ko kung ano ang haharapin ko. Ipinadala ng Panginoon ang kursong ito sa akin matapos akong humingi sa Kanya ng tulong. Humiling ako sa Kanya ng trabaho, at pinagkalooban Niya ako ng oportunidad.

Nagtrabaho ako hanggang lumalim ang gabi para masimulan ang negosyo. Umabot ng isang taon bago ito tuluyang umarangkada. Nagsimula akong magbenta ng mga empanda sa mga kaibigan at mga kapitbahay, at nagsimula akong mag-isip na tuluyan kong maibibigay ang aking sarili sa trabahong ito, para naman maalagaan ko ang aking pamilya. Masaya kami nang dumating ang oras para buksan ang isang magandang negosyo ng pamilya. Gayunman, panandalian lamang ang aming kasiyahan.

Nagsimula na rin akong magkasakit. Pumunta ako sa doktor at nasuri na mayroon akong breast cancer. Sumailalim ako sa operasyon, chemotherapy, at lahat ng iba pa para malabanan ang sakit. Nang mangyari ang lahat ng ito, kinailangan kong iwan ang aking matagal na hinintay na negosyo ng pamilya. Sa pagitan ng aking pagpapagaling at pag-aalaga sa aking kaawa-awang ina at asawa, wala na akong pisikal na lakas para patakbuhin ang negosyo.

Sa paglipas ng panahon, nagsimulang bumuti ang kalusugan ng aking asawa, at pumanaw na ang aking ina. Ngayon, inilaan ko ang aking sarili sa pagpapagaling ko.

Hindi ako nagsawang manalangin at humiling sa Panginoon ng lakas para magpatuloy. Ako ay nananalangin sa Kanya sa lahat ng oras. Ang pinagdaanan ng pamilya ko ay nakatulong sa akin na mabatid na sinamahan ako ng Panginoon sa paglalakad sa buong pagkakataong iyon. Binigyan Niya ako ng oportunidad na muling bumangon. Hindi kapani-paniwala ang napakaraming lakas na ibinigay ng Panginoon sa akin.

Hindi ko itinanong sa aking sarili ang, “Bakit ako?” Palagi kong naiisip na may dahilan para rito. Ako ay nagtiwala sa Panginoon at tinanggap kung ano ang ipadadala Niya sa akin. Tinulungan Niya ako sa pagdanas ko ng pinakamahihirap na panahon, at ako ay pinalakas.

Blanca caring for her mother

Bagamat hamon iyon na iwan ang kanyang trabaho at alagaan ang kanyang maysakit na ina at asawa, ginawa ito ni Blanca nang maluwag sa kalooban. “Nais ko ang pinakamakabuti para sa kanila,” sabi niya. “Nararapat iyon sa aking ina, at nararapat din iyon sa aking asawa.”

Blanca reading the Liahona magazine

Dumalo si Blanca sa ilan sa mga kursong self-reliance ng Simbahan para tumulong sa pagbibigay ng kabuhayan sa kanya at sa kanyang pamilya. Nagpapasalamat siya para sa kanyang natutuhan. “Ipinadala ng Panginoon ang kursong ito sa akin matapos akong humingi sa Kanya ng tulong,” sabi niya.

Blanca and husband reading scriptures

Dalawampu’t tatlong taon pagkatapos niyang sumapi at ng kanyang asawang si Anibal sa Simbahan, sinabi ni Blanca, “Simula noong aking binyag, nadama ko na nasa tamang lugar ako, sa tunay na Simbahan.”

Blanca and husband

Nagpapasalamat si Bianca na makita na bumuti ang kalusugan ng kanyang asawa. Nagpapasalamat din siya para sa oportunidad na alagaan ang kanyang ina, na pumanaw na.

Blanca sweeping kitchen

Sinabi ni Blanca na hindi niya malalagpasan ang kanyang mga hamon nang nag-iisa. “Sinamahan ako ng Panginoon sa paglalakad sa buong pagkakataong iyon,” sabi niya. “Hindi kapani-paniwala ang napakaraming lakas na ibinigay ng Panginoon sa akin.”