Sa Pulpito
Mga Desisyon at Himala: At Ngayo’y Nakakakita Ako
Nagkaroon ng panahon sa buhay ko na naantig ako ng pagmamahal at Liwanag ni Cristo. Mula noo’y nagbago na ang buhay ko magpakailanman.
Alam ko kung paano mabuhay nang wala ang ebanghelyo. Gayon ang naging buhay ko sa loob ng 30 taon. Isinilang ako sa Russia sa butihing mga magulang. … Nang magdalaga na ako, nag-asawa ako at nagsilang ng isang magandang sanggol na babae. Agad akong nakatapos sa unibersidad at nagkaroon ng trabaho na talagang gusto ko. Subalit, … malayo ako sa pagiging masaya.
… Unti-unting nawasak … ang pagsasama naming mag-asawa. … Halos hindi ako makapaglaan ng simpleng pagkain para sa amin ng aking anak. Nagkasala ako. Sunud-sunod ang nagawa kong mga pagkakamali. Ginawang miserable ng gutom, lungkot, at mga maling desisyon ang buhay ko. [Sinisi] ko ang masamang kapalaran, na hindi natatanto na sa maraming paraan ay pinagdurusahan ko ang mga likas na bunga ng aking mga kasalanan. Pero paano ko malalaman iyon? Hindi naman umiiral ang kasalanan ayon sa itinuro sa akin. …
Ipinagbawal ang relihiyon sa Soviet Union matapos ang Communist Revolution noong 1917. Itinuro sa akin mula sa kindergarten na walang Diyos at tanging ang Partido Komunista at si Lolo Lenin ang makapagpapaligaya sa mga Ruso. Ang mga relihiyosong tao ay lubhang pinahirapan sa aming lipunan. Nawalan ng trabaho ang mga nananalig, hindi sila pinayagang pumasok sa paaralan, at sinabihang sila ay “baliw.” Lahat ay kinailangang kumuha ng klase sa ateismo sa unibersidad, kung saan pinatunayan namin na walang Diyos. … Hindi ko lang talaga inisip ang Diyos. Subalit nasaktan ang puso ko tungkol sa aking mga maling pasiya. Kalaunan ay malalaman ko na ang sakit na nadama ko ay ang Liwanag ni Cristo na nagpapakonsensya sa akin na alamin ang tama at mali. …
… Ang buhay para sa akin ay parang madilim na lagusan na libingan ang nasa dulo. Nadama ko na unti-unti akong namamatay. Hindi ko alam kung paano magdasal, kaya nanaginip ako. … Nanaginip ako na isang araw ay tatakasan ko ang lahat ng miserableng bagay sa buhay ko at magsisimulang muli mula sa umpisa—masaya at masigla. Gustung-gusto kong magkaroon ng mas magandang buhay ang anak ko kaysa sa akin. …
[Pagkatapos] ay dumating ang Aklat ni Mormon sa buhay ko. Nagbasa ako ng isang kabanata tuwing umaga bago pumasok sa trabaho. Sa pagbabasa sa aklat na ito, nalaman ko na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ay Kanyang Anak, [na] naparito sa lupa para sa tulungan ang mga makasalanang katulad ko. Nang lalo kong basahin ang aklat na ito, lalo kong nakita ang agwat sa pagitan ng mga turo ni Cristo at ng paraan ng pamumuhay ko. Nalaman ko na iyon ang dahilan kaya miserable ang buhay ko. …
… Handa na ako para sa isang malaking pagbabago. Hindi ko malilimutan ang gabing iyon … na magdamag akong umiyak, na natatanto na hindi maganda ang buhay ko, na nasaktan ang mga taong pinakamamahal ko dahil sa mga maling desisyon ko. Iyon ang pinakamasakit na karanasan ko sa buhay. Buong magdamang akong lumuha at nagmakaawa. … Sa pagtatapos ng gabi, pagod na pagod ako at wala nang luha. Nang magbukang-liwayway, nadama ko ang kapayapaan at kaginhawaan. Narinig ko ang mga salitang: “Narito ang aking kamay. Aakayin kita at gagabayan. Pero kailangan mong ipangako sa akin na magbabago ka.” At ginawa ko iyon; nangako ako. Gusto ko ang patnubay at tulong na ito nang higit sa anupaman. …
Hindi ko alam, noong masaklap at masayang gabing iyon sa Russia, ang kadakilaan ng mga pangako ni Cristo. Hindi ko alam noon na sa maikling sandali ay maglalakbay ako patungong Amerika kung saan mas marami pa akong matututuhan tungkol sa ebanghelyo, at malapit na akong binyagan. … Hindi ko alam na pupunta ang anak ko sa Amerika para makisama sa aming kaligayahan. …
… Binigyan Niya ako ng napakaraming himala na hindi ako nagkaroon ng kahit maliit na pagkakataong pagdudahan ang Kanyang banal na tulong sa buhay ko. …
Lumakad na kasama ni Cristo! Humawak sa Kanyang kamay! Magpakabusog sa Kanyang salita. Damhin ang Kanyang liwanag sa bawat butas ng iyong balat, sa iyong buong kaluluwa. Sa mga panahon ng paghihirap, hindi ka maiiwan sa madilim na lagusan kundi sa liwanag ng Kanyang pagmamahal na may mas maningning na liwanag na laging naghihintay sa iyo.