Ang Regalo sa Pasko ni Carl
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
Tumingin si Carl sa paligid ng kamalig at may naisip siya bigla.
“Kapag mayroong gawaing dapat gawin, gawin ito nang may ngiti. “Gawin ang higit pa sa hinihingi sa’yo at higitan pa ang hinihingi” (Children’s Songbook, 167).
Nangatog si Carl habang itinutulak niya ang kanyang bisikleta laban sa hangin. “Gustung-gusto ko nang makauwi at mainitan,” naisip niya. “At hindi na ako makapaghintay na magbukas ng mga regalo ngayong Pasko!”
“Gumising siya nang mas maaga ng umagang iyon upang maghatid ng diyaryo. Habang itinutulak niya ang bisikleta paakyat sa matarik na burol pauwi sa kanila, naisip niya ang mga homemade cinnamon roll na gawa ng kanyang ina. Sobrang sarap ng mga iyon. Halos malasahan na niya ang matamis at makrema na frosting niyon.
Krema! Bumagsak ang mga balikat ni Carl. Nakalimutan niya na gatasan ang baka at iba pang mga gawaing-bahay na dapat niyang gawin. Kahit na Pasko.
Ipinarada ni Carl ang bisikleta niya sa harap ng bahay. Nag-unahan sila ng kapatid niya upang malaman kung sino ang mauunang makapaghatid ng mga diyaryo. Hindi niya nakita ang bisikleta ng kapatid niya, kaya nanalo siya!
Ang tanging problema lang sa pagkapanalo niya ay kailangan pa niyang hintayin ngayon ang kapatid niya bago sila makapagbukas ng mga regalo. Pagkatapos ay kailangan nilang lumabas muli at gawin ang mga gawaing-bahay. Nais sana ni Carl na manatili na lang siya sa loob ng bahay at maging masaya sa Pasko.
“Puwedeng gawin ko na ngayon ang mga gawain ko,” naisip ni Carl. “Nang sa gayon hindi ko na kailangang lumabas muli sa lamig.” Nagmamadali siyang pumunta sa kamalig.
Nang kunin niya ang timba at umupo upang gatasan ang baka, tumingin siya sa paligid. Ang lahat ng iba pang gawain ay kinakailangan pang gawin. Pagkatapos ay may naisip siya. Kung gagawin niya ang lahat ng gawaing-bahay nang mag-isa, masosorpresa niya ang kanyang pamilya at makakapagsama-sama sila sa umagang iyon ng Pasko. Ito ang magiging pinakamagandang regalo sa Pasko!
Nagmadali si Carl at ginatasan ang mga baka. Pagkatapos ay nilinis niya ang kamalig, pinakain ang mga manok, at kinuha ang mga itlog. Napangiti siya nang maisip niya kung gaano masosorpresa ang kanyang pamilya.
Bumalik si Carl sa bahay. Sumilip siya sa pinto para makita kung may tao ba roon. Pagkatapos ay pumuslit siya papunta sa kusina. Katatapos lang niyang ilagay sa loob ng refrigerator ang gatas at mga itlog nang pumasok ang kanyang ina.
“O, buti na lang nakauwi ka na,” sabi ni Inay, at niyakap siya. “Nagsisimula na kaming mag-isip kung nasaan ka.”
Tinulungan siya ni Inay na tanggalin ang coat niya. “Nang nakita siya ng mga kapatid niya sumigaw sila, “Nandito na si Carl! Magbukas na tayo ng mga regalo!” Nagtipon ang lahat sa paligid ng Christmas tree at hinintay si Itay na ibigay ang mga regalo. Gustong-gusto ni Carl na pagmasdan ang bawat isa sa pagbabahagi ng kanilang mga kayamanan.
“Ayos! sabi ni Itay. “Ngayo’y oras na para gawin ang mga gawaing-bahay. Pero bago iyan, sa tingin ko kailangan muna natin ng juice at mga cinnamon roll.”
Pumunta si Itay sa kusina at binuksan ang refrigerator. Natigilan siya at napatitig.
“Tingnan mo nga naman ito!” sabi ni Itay. “Puno na ang pitsel ng gatas, at nandito na rin ang mga itlog! Sino naman kaya ang gumawa nito?”
Bumalik si Itay sa sala. Sinubukan ni Carl na itago ang ngiti niya.
“May alam ka ba tungkol dito, Carl?” sabi ni Itay na nakangiti rin. “Mukhang tapos na ang mga gawain natin.”
“Maligayang Pasko!” sigaw ni Carl.
Inakbayan ni Itay si Carl. “Salamat, anak. Napakamaalalahanin mo. Ito na yata ang pinakamagandang Pasko natin!”
Ngumiti si Carl. Alam na niya na ito ang kanyang pinakamagandang Pasko.