2018
Gawin ang Inyong Buhay na Isang Nakakapukaw na Paglalakbay ng Pansariling Pag-unlad
Disyembre 2018


Gawin ang Inyong Buhay na Isang Nakakapukaw na Paglalakbay ng Pansariling Pag-unlad

Ang pag-aaral, pamumuhay, at pagtuturo ng ebanghelyo ay nasa sentro ng paglago natin tungo sa ating banal na potensyal.

Larawan
looking up at stars

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Napakagandang panahon ngayon na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw! Kapag iniisip ko ang mga bagong pangyayari sa kaharian ng Panginoon, kitang-kita na dinadala tayo ng Diyos sa isang nagbabagong-buhay na paglalakbay na may mga burol at mga kapatagan at mga tanawing napakaganda na hindi natin makuro hangga’t hindi pa tayo umaakyat ng kaunti pa at, hayun, naroon ang mga ito sa ating harapan.

Noong nakaraang taon lamang, nagpaalam tayo sa isang minamahal na propeta at mapagmahal na sinang-ayunan ang bagong propeta. Binago natin ang pamamaraan sa mga miting ng Relief Society at korum ng Melchizedek Priesthood, na binigyang-diin ang pagpapayuhan sa isa’t isa upang maisagawa ang gawain ng Panginoon. Sa kaparehong diwa nito, nakita natin na pinagsama ng Panginoon ang mga high priest at elder sa iisang korum at nakakita ng malaking pagbabago sa paraan ng paglilingkod ng mga priesthood holder at kababaihan ng simbahan sa mga anak ng Diyos. Kung hindi ka pa rin natitinag, isipin ang anunsyo kamakailan lamang ng Unang Panguluhan tungkol sa mga bagong sanggunian na tutulong sa personal at pampamilyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kabilang ang mga pagbabago sa mga materyal ng Primary at Sunday School—at hindi pa binabanggit ang kasalukuyang mga pagbabago sa missionary work, family history research, at temple work.

At siguradong marami pang darating. Tulad ng ipinapahayag ng ating pangsiyam na saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos”—kadalasan, iyan ang madaling bahagi. Kinakailangan ng isang espesyal na uri ng pananampalataya na “[maniwala] na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian,” at maging handa na tanggapin ang mga ito, kahit ano pa ang mga ito. Kung papayag tayo, dadalhin tayo ng Diyos sa mga lugar na hindi natin pinangarap man lamang na puntahan—bagamat mataas na ang ating mga pangarap. Ang Kanyang mga pag-iisip at Kanyang mga lakad ay higit na mas mataas kaysa sa atin (tingnan sa Isaias 55:8–9). Kung iisipin, palagay ko ay hindi tayo naiiba sa mga nasa Kirtland noon na sinabihan ni Propetang Joseph Smith, “Ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina.”1

Gusto Niyang Baguhin ang Ating mga Puso

Gayunpaman, kung babalikan natin ang nakaraan, sana’y nakikita natin ito nang higit pa sa binagong mga patakaran, bagong mga programa, at binagong mga manwal lamang. Ang gawain ng Panginoon sa huli ay palaging tungkol sa mga tao, hindi sa mga programa. Anumang mga pagbabagong pinangangasiwaan Niya sa isang organisasyon o iskedyul o kurikulum, ang nais Niya talagang mabago ay ikaw at ako. Gusto Niyang baguhin ang ating mga puso at pagandahin ang ating hinaharap.

Hindi, hindi pa natin nakikita ang mga dakila at mahahalagang bagay na nasa dako pa roon ng kurbada sa daan. Ngunit mayroon tayong ilang ideya tungkol sa huling patutunguhan:

“At hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo: ngunit nalalaman natin, na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya; sapagka’t Siya’y ating makikitang gaya ng Kaniyang sarili” (I Juan 3:2).

“Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).

“Tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin kagaya ko sa Ama; samakatwid, sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:20).

Ewan ko sa inyo, pero para sa akin, tila napakahabang paglalakbay nito—ngunit isang napakasayang paglalakbay! Ang banal na layuning tulad niyon, bagama’t mataas, ay ang nasa sentro ng nagpapaganda at nagbibigay-inspirasyon na ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa kaibuturan ng ating kaluluwa ay may isang alingawngaw—isang alaala—na nagsasabi sa atin kung bakit tayo naparito sa mundo. Ang unang dahilan kung bakit tinanggap natin ang plano ng Ama ay dahil nais natin na maging katulad Niya. Alam natin na ito ay isang mahirap na layunin na hindi madaling maisagawa. Ngunit hindi lang tayo masisiyahan sa bagay na mas mababa pa rito. Ang mga kaluluwa natin ay nilikha upang lumago, at tayo ay pinukaw noon at ngayon na gawin ang paglalakbay.

Pagkatuto at Pagkakaroon ng Kahihinatnan

Larawan
star-filled sky

Ang pagtuturo, pag-aaral, at pamumuhay ng ebanghelyo ay mga pangunahing alituntunin sa sentro ng pag-unlad natin patungo sa banal na potensyal natin at pagiging katulad ng ating mga Magulang sa Langit. Minsan tinatawag natin ang proseso na ito na walang hanggang pag-unlad. Minsan tinatawag natin itong pagbabalik-loob. Minsan pinapangalanan lang natin itong pagsisisi. Ngunit anuman ang itawag natin dito, kabilang dito ang pag-aaral. Sinabi ni Pangulong Joseph Smith, “Kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos, at maging mga hari at saserdote sa Diyos, … sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, at mula sa maliit tungo sa malaking kakayahan. …

“Kapag kayo ay aakyat ng hagdan, kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang [pa]isa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan.”2

Kaya pag-usapan natin ang tungkol sa pag-aaral. Bilang isang guro sa puso, gustung-gusto ko ang salitang ito at ang ideya nito, bagamat sa tingin ko dapat natin itong bigyang kahulugan nang mas mabuti kaysa kadalasang ginagawa natin. Kung ebanghelyo ang pag-uusapan, hindi ko ibig sabihin na pagtitipon lamang ng kaalaman, bagamat bahagi ito nito. Hindi ko rin ibig sabihin na walang pasubaling pakikinig lamang sa isang lecture o pagsasaulo ng mga katotohanan. Ang ibig kong sabihin ay ang pag-aaral ng tungkol sa paglago at pagbabago, ng pang-unawa na humahantong sa pagiging mas mabuti, kung saan tayo ay mas inilalapit sa Diyos ng lahat ng katotohanan.

Pinag-ugnay ni Pangulong Nelson ang pag-aaral at nagpapabagong-loob na pagbabagong ito ng puso nang itinuro niya na habang “ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo sa isang masigasig na tagahanap ng katotohanan,” pinapaunlad nito ang pananampalataya, na “nagtataguyod ng pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.” Ibinabaling tayo ng mahahalagang sangkap na ito ng pagbabalik-loob “mula sa mga landas ng mundo patungo … sa mga landas ng Panginoon,” na “nagdadala ng malaking pagbabago ng puso.”3

Hindi ito tungkol sa pag-alam sa mga pangalan ng labindalawang tribo ng Israel o pagbalangkas sa alegorya ng mga puno ng olibo, kahit pa mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang uri ng pagkatutong ito ay may kinalaman sa pagbabago ng ating sarili, sa pagiging iba (mas mabuti) dahil mas alam natin ang mga bagay na alam ng Diyos.

Makikita ninyo na ang uri ng pag-aaral na sinasabi ko ay masyadong malaki para magkasya sa isang silid-aralan o pagkasyahin sa isang 45-minutong lesson. Ang mga banal na kasulatan, propeta, magulang, sikat ng araw, maulang mga araw, espirituwal na pahiwatig, at pang-araw-araw na kurikulum ng buhay mismo ay nagbibigay ng pagkakataon sa atin na matuto tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano, sapagkat siguradong “lahat ng bagay ay nagpapatotoo” sa Kanya (Moises 6:63). Kalaunan ay malalaman natin na nais Niya tayong turuan hindi lang sa simbahan kundi sa kahit saang lugar at kahit anong oras—sa mga di-pormal na pagkakataon na pakikipagkita natin sa ating mga anak at kaibigan, mga kapitbahay o katrabaho, ang lalaki o babaeng nakikita natin sa bus o sa empleyadong tumutulong sa atin sa palengke—kahit saan at kahit kailan na handa tayong matuto.

Ngunit ang lahat ng mga katotohanang ito na itinuturo ng Diyos sa atin ay mga binhi lamang na itinatanim sa mabatong lupa o sa mga tinik na masusunog o masasakal maliban na lamang kung susundin natin ang payo ni Alma na palaguin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsubok sa salita, o tulad ng sinabi ni Santiago, na maging tagagawa ng salita at hindi tagapakinig lamang (tingnan sa Marcos 4:1–20; Santiago 1:22; Alma 32:27–43). Habang natututuhan natin ang katotohanan at pinipiling sundin ito, lumalago ang ating patotoo (tingnan sa Juan 7:17). Pagkatapos, kapag ginawa nating bahagi natin ang katotohanan sa pamamagitan ng patuloy na pagsasabuhay nito sa kabila ng mga pagsubok, babaguhin tayo nito at magiging mas katulad tayo ng Ama ng katotohanan.4

Ang Pagkatuto sa Ebanghelyo ay Nakasentro sa Tahanan

Ito ang dahilan kung kaya’t sinasabi natin na ang pagtuturo, pag-aaral, at pagsasabuhay ng ebanghelyo ay dapat “nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan.”5 Una, sa tahanan tayo gumugugol ng maraming oras—tunay na higit pa sa oras natin sa Simbahan (maliban sa abalang mga bishop). Hindi natin aasahan ang pisikal na katawan natin na magtagal kung isang beses lamang tayo kakain sa isang linggo—kahit pa napakasarap ng pagkaing ito. Tulad nito, kung ang isang oras sa klase sa simbahan, kahit pa ang napakahusay na klase sa Simbahan, ang tanging hapag natin sa “[p]agpapakabusog sa salita ni Cristo” (2 Nephi 31:20), kung gayon nanganganib tayong espirituwal na magutom.

Pangalawa, ang tahanan ay parehong ang silid-aralan at laboratoryo, kung saan ang pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo ay mahusay na napagsasama na halos hindi na makita ang pagkakaiba nila. Ang karanasang ito sa laboratoryo ng buhay ay hindi magagawa sa loob lamang ng silid aralan.

Malamang ang pinakamahalaga, ang tahanan ay—o maaaring maging—isang alingawngaw ng langit, isang paalala ng walang-hanggang layunin na tutuparin natin kaya tayo naparito. Tulad ng sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kahit malayo sa pagiging perpekto ang mga pamilya sa mundo, binibigyan nila ang mga anak ng Diyos ng pinakamagandang pagkakataon na malugod na matanggap sa mundo nang may pagmamahal na halos katulad ng nadama natin sa langit—ang pagmamahal ng magulang. Ang mga pamilya rin ang pinakamabuting paraan upang mapreserba at maipasa ang mabubuting asal at mga tunay na alituntunin na malamang na umakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.”6

Natakot ko ba kayong mga magulang? Sana’y hindi. Ang pagbibigay-diing ito sa pagtuturo, pag-aaral, at pamumuhay sa tahanan ay hindi nilalayon na magdagdag sa pasanin ng mga indibiduwal at pamilya. Ito ay ang kabaligtaran, sa totoo lang—inaasahan namin na sa pamamagitan ng pagkilala at pagsuporta sa inyong mga pagsisikap sa tahanan, kahit papaano ay mapapagaan namin ang pasanin ninyo doon. O, mas maganda, maaaring mapalakas namin kayo upang “mabata [ninyo] ang mga pasanin nang may kagaanan” (Mosias 24:15).

Pagsuporta sa Pagkatuto ng Ebanghelyo sa Simbahan

Larawan
climbing and building a ladder

Ang pinalawak na pananaw ng pagyakap sa ebanghelyo sa labas ng silid-aralan ay hindi nangangahulugan na hindi na mahalaga ang silid-aralan. Siyempre inaasahan namin na ang makabuluhang pag-aaral ay nangyayari pa rin sa Simbahan. Sa totoo lang, ang sumusuportang papel ng mga klase sa Simbahan ay kritikal sa pagkatutong nakasentro sa tahanan. Ngunit upang makatulong sa pagbabago ng mga buhay, ang pagtuturo sa simbahan ay hindi maaaring ihiwalay sa kung anong nangyayari sa mga buhay na iyon. Ito ay kinakailangang may kaugnayan sa at nanggagaling sa mga karanasan ng parehong mga guro at mag-aaral.

Kung gayon, malinaw na ang pagtutuon sa manwal o sa pisara o sa pagkakaayos ng upuan o kahit sa magandang mga tanong sa talakayan ay maaaring hindi ang tamang bagay na dapat pagtuunan ng pansin. Ang indibiduwal na anak ng Diyos at ang kanyang walang-hanggang pag-unlad ang dapat maging pakay ng ating pagsisikap at pagmamahal. Sinusubukan nating baguhin ang buhay, at humahawak lang tayo ng mga upuan o tisa o kagamitang audiovisual kung tinutulungan tayo nito na magbago ng buhay. Para ipakahulugan sa ibang pangungusap ang sinabi ng Tagapagligtas, ano ang silbi sa guro o sa isang klase ng pinakamahusay na turong doktrinal sa mundo kung hindi nakikita ang doktrinang ito sa buhay at pagmamahal, sa kaisipan at pakiramdam ng indibiduwal na miyembro, na lubos na nais ng Diyos na iligtas at dakilain?

Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung gaano kaganda ang lesson, kung gaano natin napuno ang oras, kung ilang papuri ang natanggap ng guro pagkapatapos ng klase, o kahit pa ilang mga miyembro ng klase ang nakilahok sa talakayan. Ang tagumpay ay nakadepende sa kung anong mangyayari sa buhay ng mag-aaral. May nakita ba si Brother Herrero sa mga banal na kasulatan sa klase noong nakaraang linggo na tumutulong sa kanya sa mga pagsubok na pinagdaraanan niya? O mas mabuti pa, may nangyari ba sa klase noong nakaraang linggo na nagpabuti sa kanyang kakayahan na maghanap ng mga sagot na kinakailangan niya sa linggong ito? Nang ibinahagi niya ang kanyang karanasan ngayong linggo, nakita ba ni Sister Schmidt ang pag-asa at pananampalatayang kailangan niya upang maniwala na tutulungan din siya ng Diyos? (Tingnan sa “Hindi Ka Magiging Malakas sa Panonood sa Iba.”)

Ang lahat ng ito ay maaaring nangangahulugan na, kung ikaw ay isang guro, ang makikita mo sa ating bagong resources o mga sanggunian sa pagtuturo ay bahagyang naiiba sa nakikita mo sa mga lumang manwal natin. Maaaring hindi na masyadong partikular ang mga tagubilin sa kung ano ang gagawin at paano ito gagawin. Ito ay ginawa, upang udyukan ka na ipagdasal ang, magmasid sa, at kumuha mula sa iyong sariling mga karanasan at iyong sariling inspirasyon, gayundin sa mga taong tinuturuan mo. (Tingnan sa “Nagsosolo Ka Ba o Namumuno sa Koro?”)

Kaya ipalagay natin na ang pinag-aaralang kurso ay ang Bagong Tipan at ako ang Sunday School teacher, hindi ko kinakailangang pumasok sa klase na may maraming trivia tungkol sa pangyayari sa Mateo 5, nagbibigay-inspirasyong mga salita mula sa matatalinong tao tungkol sa Sermon sa Bundok, o malikhaing mga gawain tungkol sa kung paano maging tagapamayapa, na ang lahat ay nakaayos at matatapos limang minuto bago matapos ang klase. Sa halip, pag-aaralan ko at ipamumuhay ang mga alituntunin sa Mateo 5 tulad ng inaasahan kong gawin ng mga mag-aaral. Ang tanging pagkakaiba lamang ay na maaaring mas pag-isipan at ipagdasal ko ang bawat isa sa mga miyembro sa klase ko at kung paano magiging mahalaga sa kanila ang mga alituntuning ito. Pagkatapos, sa klase, sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, hihikayatin ko sila na patatagin at suportahan ang bawat isa sa mga pagsisikap nila na pag-aralan at mamuhay ayon sa Mateo 5. Tutulungan ko silang makita ang mga koneksyon sa pagitan ng buhay nila at ng mahalagang doktrina sa mga banal na kasulatan. Higit sa lahat, mananalangin ako para sa inspirasyon sa sandaling iyon upang gawing pananampalataya ang isang katotohanan, upang baguhin ang isang tanong bilang isang paghahanap.

Larawan
putting puzzle pieces together

Siyempre, sa Primary maaaring maiba nang kaunti ang papel ko. Ngunit ang layunin ko ay hindi na magbigay aliw sa mga bata sa loob ng 45 minuto o patahimikin sila upang masabi ko ang mga nais kong sabihin nang walang abala. Ang layunin ko ay tulungan silang mag-aral sa kanilang sarili, tulungan silang makita kung paano pinagyayaman ng mga katotohanan ng ebanghelyo ang kanilang buhay, at suportahan ang kanilang mga magulang—ang pinakamahalaga nilang mga guro ng ebanghelyo.

Ngayon, matapos gulatin ang mga magulang, maaaring natakot ko naman ang mga guro. Kung gayon, hayaang tiyakin ko sa inyo ang dalawang kaisipan: (1) Kayo ay nagtuturo ng mga tao, hindi ng lesson, at mas kilala ninyo ang mga tao nang mas mahusay kaysa kahit ano pang manwal ng lesson. (2) Ang mga personal na pagsisikap ninyo na matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ay ang posibleng pinakamainam na paghahanda ninyo na magturo ng ebanghelyo sa ibang tao. Tandaan na ang pinakamahusay na paraan para maanyayahan ang Espiritu sa buhay natin—at sa ating pagtuturo—ay na matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo sa sarili natin. Ang Espiritu ang pinakamahusay na guro sa Simbahang ito, at sa kabutihang palad, walang limitasyon sa impluwensyang ito.

Namuno Siya at Landas ay Itinuro

Ang dakila naming kagustuhan ay iangat tayo ng Panginoon sa panibagong taas ng pag-unlad sa espirituwal sa pamamagitan ng bagong mga paraan ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo. Sa tulong Niya, ibabahagi natin ang ebanghelyo sa ating mga kaibigan, hindi dahil pakiramdam natin na obligasyon ito kundi dahil ang ebanghelyo ay bahagi ng ating pag-araw-araw na buhay, at hindi natin mabubuksan ang ating mga bibig nang walang lumalabas na katotohanan ng ebanghelyo. Sana, makita ng mga kaibigan natin sa ibang pananampalataya ang dagdag na liwanag sa ating buhay at hanapin ang ating mga missionary—bago pa sila mahanap ng mga missionary—upang mapasa pamilya rin nila ang nakita nila. Ang mga kasal sa templo, gawain sa family history, kapangyarihan ng priesthood at mga ordenansa, moral na kadalisayan, pangangalaga sa mahihirap—lahat iyan ay ang magiging resultang biyaya ng tunay na nagbalik-loob na disipulo ni Cristo na nag-aaral at isinasabuhay ang ebanghelyo araw-araw, na may buo, wasto, at patuloy na pagsuporta mula sa mga klase tuwing Linggo. Papunta dito tayo inaakay ng Panginoon, at tunay na isa itong nakakapukaw na paglalakbay!

Ginagamit natin ang katagang “Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas,” ngunit inaasahan ko na ito ay hindi magiging isang catchphrase o bukambibig lamang. Ang tunay na kahulugan nito ay na kinakailangan nating maging tulad ni Cristo, bilang mga guro at bilang mga mag-aaral, na sikaping ibahagi ang ebanghelyo sa paraang ginawa Niya. Ito ay isang pagkakataon sa sumama sa mga disipulo, na pumunta sa mga daang-bayan at gilid ng daan kasama si Jesus, na naghahanap ng isang taong maaaring nawawala. Ito ay isang pagkakataon na akyatin ang Bundok ng Lubos na mga Pagpapala kasama ang maraming tao at umupo sa dalampasigan ng Galilea kasama nila. Ito ay isang pagkakataon para sa lahat sa atin na hawakan ang laylayan ng damit ng Maestro at mapagaling.

Gustung-gusto ko ang makatang mga salitang ito na isinulat ni Eliza R. Snow para sa isa sa mga pinaka-nakaaantig na himno sa Simbahan:

Namuno Siya at landas ay ‘tinuro,

Lahat ng bagay ay tungo

Sa liwanag at kawalang-hanggan

Doon sa l’walhati ng Diyos.7

Larawan
opening a door to light

Mga kapatid, ikinararangal kong maglakad na kasama kayo patungo sa maluwalhating hinaharap na inihanda ng Ama sa Langit para sa atin. Alam ko ang nasa puso ninyo. Alam ko na mahal ninyo ang Panginoon at gustong gawin ang Kanyang kagustuhan. Pinatototohanan ko na habang natututuhan natin ang Kanyang kagustuhan, habang nagtitipon tayo ng liwanag at katotohanan at ginagawa itong bahagi ng ating buhay araw-araw, ang liwanag na iyon ay lalaki sa atin, “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24; idinagdag ang pagbibigay diin) kung kailan makakasama natin Siya dahil magiging katulad tayo Niya.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 159–60.

  2. Teachings: Joseph Smith, 221, 268.

  3. Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 86.

  4. Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40-43; tingnan din sa David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 106-9.

  5. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.4.

  6. Henry B. Eyring, “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20.

  7. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

Print