Sina Katie at Quincy
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Madalas tulungan ni Quincy si Katie. Pero ngayong gabi, gustong tulungan ni Katie si Quincy!
“Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon” (Mga Kawikaan 17:17).
Gustung-gustong kumanta ni Katie. Gustung-gusto niyang sumayaw. Pero higit sa lahat, gustung-gusto niya ang mga araw ng Linggo! Noon niya nakita ang kaibigan niyang si Quincy.
Si Katie ay may Down syndrome. Kung minsan sa simbahan ay nalilito siya at hindi malaman ang gagawin. Ngunit alam niyang naroon si Quincy para tulungan siya.
Kumakapit si Quincy sa kamay ni Katie at lumalakad sila papunta sa Primary. Kung minsan nanginginig si Katie sa oras ng pagbabahagi, at niyayakap siya ni Quincy. Laging nagpapakalma iyon kay Katie. Pagkatapos ng oras ng pagbabahagi, tinulungan ni Quincy si Katie na mahanap ang klase niya. Mahal ni Katie si Quincy.
Isang araw nalaman ni Katie na may nangyaring malungkot sa pamilya ni Quincy. Namatay ang kuya ni Quincy na si Cory! Alam ni Katie na malulungkot nang husto ang kaibigan niya. Alam niya na mahal na mahal ni Quincy ang kuya nito.
Sabi ni Inay kay Katie na ngayong gabi ay magpupuntahan sa simbahan ang mga tao para ipakita sa pamilya ni Quincy na may nagmamahal sa kanila. Pagkatapos ay ililibing na si Cory kinabukasan.
“Gusto mo bang sumama sa amin ni Itay papuntang simbahan ngayong gabi?” tanong ni Inay kay Katie.
Tumango si Katie. Gusto niyang sabihin kay Quincy na mahal niya ito!
Tinulungan ni Inay si Katie na magsuot ng magandang damit. Pagkatapos ay nagpunta na sila sa simbahan.
Pagdating nila roon, nakita ni Katie na maraming tao. Kilala niya ang ilan sa mga ito sa simbahan. Nakita niya ang bishop niya. Nakita niya ang kanyang guro sa Primary. Pero hindi niya makita ang kaibigan niya.
“Inay, nasaan si Quincy?” tanong ni Katie.
Hindi alam ni Inay.
“Bakit hindi natin ipagtanong?” sabi ni Inay.
Kadalasa’y ayaw magsalita ni Katie kapag maraming tao. Pero ngayong gabi ay kailangan niyang makita si Quincy. Pakiramdam ni Katie ay matapang siya. Nagpunta siya sa bishop.
“Malungkot si Quincy. Kailangan ko pong makita si Quincy!” sabi niya rito.
Ngumiti ang bishop at hinawakan sa kamay si Katie. “Tara, hanapin natin si Quincy.”
Magkakasama, nilibot ng bishop, ni Inay, at ni Katie ang simbahan. Sa wakas ay natagpuan nila ito! Nakaupo si Quincy sa isang sulok. Talagang sobrang napakalungkot niya.
Nilapitan ni Katie ang kaibigan niya at niyakap ito. Naisip niya kung gaano nangungulila si Quincy sa kuya nito.
“Ayos lang iyan, Quincy. Aalagaan ni Jesus si Cory,” sabi ni Katie. Marahan niyang tinapik-tapik sa buhok si Quincy, na tinitiyak na maging marahan.
Nagsimulang umiyak si Quincy. Hinigpitan ni Katie ang yakap dito.
“OK lang,” sabi ni Katie. “Aalagaan ni Jesus si Cory.”
Umiyak nang umiyak si Quincy. Panay ang yakap ni Katie sa kaibigan niya. Di-nagtagal, tumahan na nang kaunti si Quincy. Humihikbi pa rin ito, pero hindi na gaanong umiiyak. Tumingala ito kay Katie.
“Salamat, Katie,” sabi nito. “Tama ka. Aalagaan ni Jesus ang kuya ko.”
Masaya si Katie na natulungan niyang gumanda ang pakiramdam ng kaibigan niya. Mahal niya si Quincy!
Mga Kaibigang May mga Kapansanan
Ang ilang kapansanan ay nagpapahirap na ikilos ang katawan. Ang ibang mga kapansanan ay nagpapahirap na paganahin ang utak. Ang ilang tao ay may kapansanan na nakakaapekto sa kanilang utak at katawan. Anuman iyon, lahat ng bata ay mahalaga at minamahal na anak ng Diyos!
Kung may makilala kang isang tao na may kapansanan:
Huwag silang …
-
Titigan, ituro, o pagbulung-bulungan.
-
Balewalain.
-
Pagtawanan.
-
Bansagan ng di magandang pangalan.
Ang gawin mo ay …
-
Batiin at igalang sila.
-
Magtanong sa magalang na paraan.
-
Ipagtanggol sila kung sinasalbahe sila ng iba.
-
Tandaan na sila ay anak ng Diyos, tulad mo!