Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Naipaunawa sa Akin ng Isang Bata ang Pagmamahal ng Tagapagligtas para sa Akin
Dahil sa limang-taong-gulang kong pamangking babae, mas may tiwala ako ngayon sa sarili at nakikita ko ang Tagapagligtas sa buong paligid bawat araw.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Isang Bisperas ng Bagong Taon, binisita ko ang St. George Utah Temple Visitors’ Center kasama ang kapatid kong babae, at ang kanyang asawa’t mga anak. Sa isa sa mga silid, mayroon silang mga Nativity scene mula sa lahat ng dako ng mundo. Humanga ako sa pagkakaiba ng bawat isa—sa laki, kulay, materyales na ginamit, iba’t ibang ekspresyon ng mukha, atbp. Ito’y makapangyarihan at mapitagan.
Gusto ng limang-taong-gulang kong pamangking si Juliet na kargahin ko siya, kaya habang karga siya, nilibot namin ang exhibit. Sa katahimikan ng silid, nagsimula si Juliet na paulit-ulit na sabihin ang “Ayun si Jesus! At ayun si Jesus! At si Jesus ‘yon! At si Jesus ‘yon!” at paulit-ulit niyang sinabi iyon sa bawat Nativity na naraanan namin. Masaya ang tono ng boses niya habang tuwang-tuwang nakaturo sa bawat sanggol na kumakatawan kay Jesus. Gusto niyang makalapit hangga’t maaari sa bawat isa. Sinubukan kong hilingin na huwag siyang masyadong maingay, pero hindi ito gumana—tuwang-tuwa lang siya talaga. Pinaikot niya ako pabalik sa simula ng exhibit tuwing umaabot kami sa dulo, at inulit-ulit namin ito sa loob ng 20 minuto habang patuloy siyang bumubulalas ng, “At ayun si Jesus! At ayun si Jesus!” Nang lisanin namin sa wakas ang silid na iyon, masakit ng likod ko at pagod na pagod ang mga braso ko, pero noon lang gumaan ang pakiramdam ko sa loob ng mahabang panahon. Ang kanyang tuwa at katiyakan sa pagkakita at pagkakilala sa Tagapagligtas ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin.
Hindi ko gaanong inisip ang karanasang ito hanggang sa umupo ako sa Simbahan pagkaraan ng ilang linggo at kantahin ng kongregasyon ang “Buhay ang Aking Manunubos” bilang pangwakas na himno (Mga Himno, blg. 78). Ilang beses ko nang nakanta ang partikular na himnong iyon nang basta-basta, pero kaiba ang pagkakataong ito. Habang kinakanta ko ang, “S’ya’y buhay! Sa ‘ki’y nagbibigay ng pag-ibig na dalisay. S’ya’y buhay! Lunas ang alay N’ya. Sa ‘king uhaw na kalul’wa,” nabulunan ako sa mga salita. Tumigil ako sa pagkanta at umiyak habang nakikinig sa natitirang mga linya. Nadama kong totoong-totoo ang bawat salita at muling nagbigay sa akin ng katiyakan sa sandaling iyon. Nadama ko na parang yakap ako ng Tagapagligtas at na hindi ako kinalimutan o kinasuklaman.
Dati-rati, iniisip ko na ang mga pagkukulang ko kung minsan ang dahilan kaya hindi ako gaanong naging karapat-dapat sa pag-ibig ng Tagapagligtas. Subalit ang masaksihan ang pagdiriwang kay Jesus sa pananaw ng isang limang-taong-gulang ay isang bagay na kinailangan ko upang malagpasan ang pagdududa ko sa sarili at mas magtiwala na totoong mahal Niya ako, sa kabila ng aking mga kamalian. Kinailangan kong magtiwala na nariyan Siya sa oras na kailangan ko Siya, araw-araw, para mapagbuti ang buhay ko at gawing mga kalakasan ang aking mga kahinaan. Magtiwala na tinutulungan Niya akong madaig ang aking mga paghihirap. Magtiwala na kaya kong alisin sa tulong Niya ang aking mga paglimita sa sarili, pagpuna sa sarili, at panghihinayang, at anumang iba pang mga gumagambala sa akin, at iwan ang mga ito sa Kanyang paanan—magpakailanman. Magtiwala na ito ay isang proseso, na tayo ay nakikibaka laban sa ating likas na pagkatao at sa kaguluhan ng buhay, na Siya ay hindi nagbabago at mapagpasensya sa lahat ng ito.
Si Juliet ay walang pag-aatubili o pag-aalinlangan sa pagkakita at pagkilala kay Jesucristo sa buong paligid niya—basta ginawa lang niya iyon. Natural iyong nangyari sa kanya at alam niya na mahal siya ni Jesucristo. At ang kanyang ngiti ay sapat nang katibayan sa akin na kilala at mahal niya si Jesucristo. Unti-unti ko nang nauunawaan kung bakit iniutos ng Tagapagligtas na tularan natin ang maliliit na bata para makapasok sa Kanyang kaharian. Gusto kong maging katulad ni Juliet.
Dahil sa dalawang karanasang iyon, lalo kong pinagsikapang mas magtiwala at makita ang Tagapagligtas sa buong paligid ko. At nagawa ko iyon! Nakikita ko Siya sa mabubuting salita at kilos ng mga estranghero at kaibigan, sa mga mata ng mga kausap ko, kapag sumisikat ang araw at naririnig ko ang huni ng mga ibon, nadarama ko na ang paggaan ng pasanin at mas malaking pag-asa. Sinimulan ko nang sabihin sa aking isipan, “Ayun si Jesus, ayun si Jesus, at ayun si Jesus.” Nais kong mamuhay nang gayon habambuhay. Siya ay nasa lahat ng dako at kailangan lang nating piliing makita Siya, sa maliliit at malalaking bagay. Siya ang pinakamagandang regalo.