2019
5 Yumukod Patungo sa Libingan
Disyembre 2019


“Yumukod Patungo sa Libingan,” kabanata 5 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 5: “Yumukod Patungo sa Libingan”

Kabanata 5

Yumukod Patungo sa Libingan

malaking pormasyon ng bato

Noong tag-init ng 1847, naglakbay si Jane Manning James pakanluran kasama ang kanyang asawa, si Isaac, at dalawang anak na lalaki, sina Sylvester at Silas, kasama ang isang malaking pangkat ng mga 1,500 mga Banal. Sina apostol Parley Pratt at John Taylor ay pinamunuan ang pangkat sa tulong ng ilang kapitan na pinangangasiwaan ang mga grupo ng 150 hanggang 200 mga Banal. Inorganisa nina Parley at John ang pangkat noong huling bahagi ng tagsibol matapos magpasiyang baguhin ang orihinal na plano ng pandarayuhan ng Korum ng Labindalawa.

Ang pangkat ay lumisan ng Winter Quarters sa kalagitnaan ng Hunyo, mga dalawang buwan matapos ang paglisan ng paunang grupo.1 Bagama’t nasa ikatlong dekada lamang ng kanyang buhay, si Jane ay sanay sa mahabang paglalakbay sa lupa. Matapos mapagkaitan ng mga tiket sa isang bangka noong 1843, marahil ay dahil sa kulay ng kanilang balat, siya at ang isang maliit na grupo ng mga itim na Banal sa mga Huling Araw ay naglakad nang halos 1,300 kilometro mula sa kanlurang New York patungo sa Nauvoo. Kalaunan, sina Jane at si Isaac ay tinawid ang maputik na kaparangan ng Iowa kasama ang kampo ng Israel. Para sa karamihan ng mga oras na iyon, si Jane ay buntis sa kanyang anak na si Silas, na isinilang habang sila ay nasa daan.2

Ang paglalakbay sa lupa ay bihirang kapana-panabik. Ang mga araw ay mahaba at nakakapagod. Ang tanawin ng mga kapatagan ay karaniwang walang buhay, maliban kung ang isang kakaibang porma ng mga bato o isang pulutong ng mga kalabaw ay matatanaw. Minsan, habang naglalakbay papunta sa pampang sa Ilog North Platte, ang grupo ni Jane ay nagulat noong isang kawan ng mga kalabaw ang sumugod sa kanila. Pinagsama-sama ng grupo ang kanilang mga bagon at baka habang sumisigaw ang ilang kalalakihan at hinahagupit ng mga latigo ang nagtatakbuhang mga kalabaw. Bago masagasaan ang grupo, ang kawan ay nahati sa gitna, na may ilang kalabaw na lumiko sa kanan habang ang iba ay sa kaliwa. Sa huli ay walang nasaktan.3

Sina Jane, Isaac, at kanilang mga anak ang tanging mga itim na Banal sa pangkat ng halos 190 tao. Ngunit may ilang ibang itim na Banal na nakatira sa mga ward at branch sa buong Simbahan. Si Elijah Able, isang miyembro ng pitumpu na nagmisyon sa New York at sa Canada, ay dumalo sa isang branch sa gitnang kanluran kasama ang kanyang asawa, si Mary Ann. Isa pang lalaki, si Walker Lewis, na inilarawan ni Brigham Young bilang “isa sa mga pinakamahusay na elder” sa Simbahan, ay dumalo sa isang branch sa East Coast kasama ang kanyang pamilya.4

Maraming miyembro ng Simbahan ang salungat sa pang-aalipin, at tumakbo si Joseph Smith sa pagkapangulo ng Estados Unidos sa platapormang may kasamang plano upang tapusin ang gawaing ito. Ang mga gawaing misyonero ng Simbahan, gayunman, ay nauwi sa pagbibinyag ng ilang may-ari ng alipin at ilang alipin. Kasama sa mga inaliping mga Banal ay ang tatlong miyembro ng paunang grupo—sina Green Flake, Hark Lay, at Oscar Crosby.5

Noong 1833, ipinahayag ng Panginoon na “Hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.” Ngunit matapos itaboy ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, bahagyang dahil ilan sa kanila ay tutol sa pang-aalipin at nagpakita ng awa para sa mga malalayang itim, nagbabala ang mga lider ng Simbahan sa mga missionary laban sa pag-uudyok ng alitan sa pagitan ng mga inaliping tao at mga may-ari ng alipin. Ang pang-aalipin ay isa sa mga pinakamatinding pinagtatalunang paksa sa Estados Unidos noong panahong iyon, at sa loob ng maraming taon ay pinaghati-hati nito maging ang mga simbahan sa bansa.6

Naninirahan buong buhay niya sa hilagang Estados Unidos, kung saan ang pang-aalipin ay ilegal, si Jane ay hindi naging alipin kailanman. Nagtrabaho siya sa tahanan nina Joseph Smith at Brigham Young at alam na ang mga Banal na puti ay karaniwang tanggap ang mga itim na tao sa kawan.7 Gayunman, tulad ng iba pang grupo ng mga Kristiyano sa panahong ito, maraming puting Banal ay mali ang pagkakakilala sa mga itim na mga tao bilang mas mababang uri, naniniwala na ang itim na balat ay bunga ng sumpa ng Diyos sa mga tauhan ng Bibliya na sina Cain at Ham.8 Ang ilan pa ay nagsimulang magturo ng maling ideya na ang itim na balat ay katibayan ng masasamang gawa ng isang tao sa premortal na buhay.9

Ibinahagi ni Brigham Young ang ilan sa mga pananaw na ito, ngunit bago umalis sa Winter Quarters, sinabi rin niya sa isang Banal na magkahalo ang lahi na lahat ng tao ay pantay-pantay sa Diyos. “Sa isang dugo ay nilalang ng Diyos ang lahat ng laman,” sabi niya. “Hindi namin inaalala ang tungkol sa kulay.”10

Ang pagtatatag ng Sion nang lampas sa Rocky Mountains ay nagbigay sa mga Banal ng pagkakataon upang lumikha ng isang bagong lipunan kung saan sina Jane, ang kanyang pamilya, at ang ibang katulad nila ay maaaring tanggapin bilang kapwa mamamayan at bilang mga Banal.11 Ngunit ang mga pagkiling ay malalim, at ang pagbabago ay tila hindi mangyayari sa malapit na hinaharap.


Noong ika-26 ng Agosto, habang sakay ng kabayo ay binagtas ni Wilford Woodruff ang mga hanay ng mais at patatas patungo sa mabababang burol kung saan tanaw ang Lambak ng Salt Lake. Mula roon ay nakikita niya ang simula ng isang malaking pamayanan. Sa loob ng isang buwan, siya at ang paunang grupo ay nagsimulang magtayo ng isang matibay na kuta, nagtanim ng ilang acre ng mga pananim, at bumuo ng mga plano para sa bagong lugar ng pagtitipon. Sa gitna ng pamayanan, sa lugar kung saan itinarak ni Brigham ang kanyang baston sa lupa, ay isang parisukat na bahagi ng lupa na ngayon ay tinatawag nila na “temple block.”12

Ang mga unang araw ni Wilford sa lambak ay puno ng pagkamangha. Isang kawan ng mga antelope ang nanginginain sa dakong kanluran ng lambak. Naglalaro ang mga kawan ng bundok-kambing sa kaburulan. Nakatagpo sina Wilford at ang iba pang mga pioneer ng mga mainit na batis na may asupre malapit sa Ensign Peak. Sa Great Salt Lake, ang mga lalaki ay nagpalutang-lutang at gumulung-gulong na parang mga troso sa mainit at maalat na tubig, sinisikap ngunit bigong lumubog sa tubig.13

Apat na araw pagkarating sa lambak, mag-isang naglalakbay si Wilford nang ilang kilometro mula sa kampo nang makita niya ang dalawampung American Indian sa isang tagaytay sa harap niya. Sa pagpunta sa kanluran, alam ng mga Banal na makakaharap nila ang mga Katutubo sa daan at sa Great Basin. Subalit inasahan nilang makita na halos bakante ang Lambak ng Salt Lake. Sa katunayan, ang mga Shoshone, mga Ute, at ilang iba pang mga tribu ay nagpupunta sa lambak upang mangaso at mangalap ng pagkain.

Maingat na pinaatras ang kanyang kabayo, nagsimulang mabagal na bumalik si Wilford sa kampo. Isa sa mga Indian na sakay ng kabayo ang sumunod sa kanya, at noong isandaang yarda ang naghihiwalay sa kanila, pinahinto ni Wilford ang kanyang kabayo, lumingon para harapin ang nangangabayo, at sinikap na makipag-usap gamit ang improbisadong sign language. Ang lalaki ay palakaibigan, at nalaman ni Wilford na ito ay isang Ute na naghangad ng kapayapaan at kalakalan sa mga Banal. Mula noon, ang mga Banal ay nakagawa ng karagdagang pakikipag-ugnayan sa mga Indian, kabilang na ang mga Shoshone mula sa hilaga.14

Ngayon, ilang linggo na lamang bago ang malamig na panahon, sina Wilford, Brigham, Heber Kimball, at iba pang miyembro ng paunang grupo ay nagplanong bumalik sa kanilang mga pamilya sa Winter Quarters at dalhin sila sa kanluran sa tagsibol. “Hiniling ko sa Diyos na hindi na natin kailangang bumalik,” sinabi ni Heber. “Ito ay isang paraiso para sa akin. Ito ay isa sa pinakamagandang lugar na aking namasdan.”15

Hindi lahat ay sang-ayon sa kanya tungkol sa lambak. Sa kabila ng mga batis nito at mga madamong bukid, ang bagong pamayanan ay mas tuyo at mas mapanglaw kaysa anumang lugar na pinagtipunan ng mga Banal. Mula sa sandaling dumating siya, nakiusap si Sam Brannan kay Brigham na magpatuloy sa mga luntiang bukirin at matabang lupa sa baybayin ng California.16

“Ako ay hihimpil dito mismo,” sinabi ni Brigham kay Sam. “Magtatayo ako ng isang lunsod dito. Magtatayo ako ng isang templo rito.” Alam niya na nais ng Panginoon na manirahan ang mga Banal sa Lambak ng Salt Lake, malayo sa iba pang pamayanan ng Estados Unidos sa kaluran, kung saan siya ay tiyak na ang iba pang mga dayo ay kalaunang maninirahan. Gayunman, itinalaga ni Brigham si Sam na maglingkod bilang pangulo ng Simbahan sa California, at pinabalik siya sa San Francisco Bay na may lakip na liham para sa mga Banal.17

“Kung pipiliin mong manatili sa kinaroroonan mo, ikaw ay malaya na gawin ito,” sinabi ni Brigham sa kanyang liham. Subalit inanyayahan niya silang sumama sa mga Banal sa mga kabundukan. “Nais nating gawin itong isang lunsod, isang lugar ng pagmumuling-sigla, isang mas agarang lugar ng pagtitipon kaysa sa iba,” sinabi niya sa kanila. Ang California, sa kabilang banda, ay magiging isang himpilan ng daan para sa mga Banal na papunta sa lambak.18

Para sa kanya, wala pang nakikita si Wilford na isang mas mahusay na lugar para sa isang lunsod kaysa sa Lambak ng Salt Lake, at sabik siya para sa iba pang mga Banal na dumating. Siya at ang Labindalawa ay ginugol ang buong taglamig sa pagpaplano ng isang maayos na pandarayuhan—na siyang maglalaan ng paraan sa lahat ng mga Banal, anuman ang posisyon o kayamanan, na makarating sa lambak. Ngayon ay dumating na ang panahon upang ilahad ang plano para sa kapakinabangan ng Sion.19


Nang nilisan ni Addison Pratt ang Tahiti noong Marso 1847, umasa siyang matatagpuan ang kanyang pamilya sa California kasama ang iba pang mga Banal. Dahil walang natatanggap na balita mula sa mga ito—o sinuman sa Simbahan—noong nakaraang taon, hindi niya alam kung talagang naroroon sila. “Ang pagnilayan na ako ay patungo na sa kanila ay isang masayang isipin,” isinulat niya sa kanyang journal. “Ngunit ang susunod na kaisipan ay: Nasaan sila? O saan ko sila matatagpuan?”20

Dumating si Addison sa San Francisco Bay noong Hunyo. Doon ay nakita niya ang mga Banal na lulan ng Brooklyn na naghihintay sa pagbabalik ni Sam Brannan at ang pagdating ng pangunahing lupon ng Simbahan. Naniniwalang sina Louisa at kanilang mga anak ay naglalakbay patungo sa baybayin, nagboluntaryo si Addison na sumama sa pamayanan ng mga Banal, ang New Hope, kasama ang apat na iba pang kalalakihan upang anihin ang trigo ng Simbahan.

Kalaunan ay umalis ang grupo sakay ng isang bangka. Ang New Hope ay nakalagak mahigit 160 kilometro papasok sa mga sapa ng Ilog San Joaquin. Sa loob ng ilang araw, ang mga lalaki ay naglayag sa tabi ng mababa at maputik na lupain na may matataas na damo sa mga pampang ng ilog. Malapit sa pamayanan, tumigas ang lupa, at naglakad sila sa natitirang daan patungo sa madamong kaparangan.

Ang lugar para sa New Hope ay maganda, ngunit ang isang kalapit na ilog ay bumaha kamakailan lamang, inaanod ang ilan sa mga trigo ng mga Banal at iniiwan ang maliliit na lawa ng tubig na hindi umaagos. Sa gabi, habang nakahiga si Addison bago matulog, ang mga pulutong ng lamok ay kinukubkob ang pamayanan. Si Addison at ang iba ay sinikap na paluin ang mga ito paalis o pausukan ang lugar upang umalis ang mga ito, ngunit walang nagtagumpay. At ang malala pa, ang mga coyote at kuwago ay umaalulong at humuhuni hanggang sa sumikat ang araw, ninanakawan ng kapayapaan at katiwasayan ang mga pagod na naninirahan .21

Nagsimula ang pag-ani ng trigo kinabukasan. Ngunit ang gabi ni Addison na walang tulog ay humabol sa kanya noong tanghali, at siya ay umidlip sa ilalim ng lilim ng isang puno. Ito ay naging isang pang-araw-araw na gawain habang ang mga lamok at mga grupo ng mga mababangis na hayop ay pinananatili siyang gising sa bawat gabi. Nang matapos ang anihan, natuwa si Addison na umalis.

“Kung hindi lamang sa mga lamok,” isinulat niya sa kanyang journal, “nasiyahan sana ako nang lubusan doon.”22

Pagbalik sa San Francisco Bay, nagsimulang maghanda si Addison ng isang tahanan para sa kanyang pamilya. Sa sandaling iyon, ilan sa mga miyembro ng Batalyong Mormon ay dumating sa California at tumaggap ng marangal na pagtatapos sa kanilang paglilingkod. Bumalik din si Sam Brannan sa baybayin, naniniwala pa rin na hangal si Brigham na manirahan sa Lambak ng Salt Lake. “Kapag medyo sinubukan niya ito,” sinabi niya sa ilang mga beterano ng batalyon, “makikita niya na ako ay tama at siya ay mali.”

Gayunman, ibinigay ni Sam ang liham ni Brigham sa mga Banal sa California, at marami sa mga taong naglayag lulan ng Brooklyn o humayong kasama ang Batalyong Mormon ay nagpasyang dumayo sa Lambak ng Salt Lake sa tagsibol. Mayroon ding liham si Sam para kay Addison mula kay Louisa. Siya ay nasa Winter Quarters pa, ngunit siya rin ay may balak tumungo sa lambak sa tagsibol at manirahan kasama ang kawan ng mga Banal.

Agad na nagbago ang plano ni Addison. Pagsapit ng tagsibol, tutungo siya pasilangan kasama ang mga paalis na Banal at makikipagkita sa kanyang pamilya.23


Masama pa rin ang pakiramdam ni Brigham Young noong huling bahagi ng Agosto nang siya at ang pabalik na grupo ay nilisan ang Lambak ng Salt Lake para sa kanilang paglalakbay pabalik sa Winter Quarters. Noong mga sumunod na tatlong araw, ang maliit na grupo ay naglakbay nang mabilis sa gitna ng mga maalikabok na dalisdis at sa ibabaw ng matatarik na mga daanan ng Rocky Mountains.24 Pagdating nila sa kabilang panig, natuwa si Brigham na malaman na ang malaking pangkat ng mga Banal nina Parley Pratt at John Taylor ay ilang daang kilometro lamang ang layo.

Ang kagalakan ni Brigham ay napawi kalaunan, gayunman, nang malaman niya na ang pangkat ay apat na raang mga bagon na mas malaki kaysa inaasahan niya. Ang Labindalawa ay ginugol ang buong taglamig sa pag-oorganisa ng mga Banal sa mga grupo ayon sa inihayag na kalooban ng Panginoon. Ngayon ay tila binalewala nina Parley at John ang paghahayag at kumilos ayon sa kanilang sariling pagpapasiya.25

Ilang araw kalaunan, sina Brigham at ang pabalik na grupo ay nakipagkita sa pangkat. Si Parley ay nasa isa sa mga nangungunang grupo, kaya agad na nanawagan ng konseho si Brigham kasama ang mga lider ng Simbahan upang tanungin siya kung bakit siya at si John ay sumuway sa mga tagubilin ng korum.26

“Kung nakagawa ako ng mali, ako ay handang itama ito,” sinabi ni Parley sa kapulungan. Ngunit iginiit niya na siya at si John ay kumilos sa loob ng kanilang mga awtoridad bilang mga apostol. Namatay ang daan-daang mga Banal noong taong iyon sa Winter Quarters at iba pang mga pamayanan sa tabi ng Ilog Missouri. At maraming pamilya ang naging desperado na lisanin ang lugar bago ang isa pang nakamamatay na panahon ay dumating. Dahil ang ilang Banal sa mga grupo na binuo ng Labindalawa ay hindi pa handang umalis, siya at si John ay pinili na bumuo ng mga bagong grupo upang mapagbigyan ang mga yaong handa na.27

“Ang ating mga grupo ay ganap na nabuo,” sabi naman ni Brigham, “at kung hindi sila makakatuloy, tayo ay responsable sa kanila.” Ang Salita at Kalooban ng Panginoon ay malinaw na iniutos sa bawat grupo na “magpasan ng magkasukat na panustos” ng mga maralita at ng mga pamilya ng mga lalaking naglilingkod sa Batalyong Mormon. Subalit iniwan nina Parley at John ang marami sa mga taong ito.28

Tumutol din si Brigham na ang dalawang apostol ay maaaring magbaligtad sa pasiya ng korum. “Kung gagawin ng Korum ng Labindalawa ang gayong bagay, silang dalawa ay walang kapangyarihan na balewalain ito,” sabi niya. “Kapag nagawa natin na ang makina ay gumana, hindi mo pakialam na isingit ang iyong mga kamay sa mga ngipin ng mga reweda upang pigilin ang gulong.”29

“Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko,” sabi ni Parley. “Masasabi mo na mas mainam sana ang nagawa ko, at kung ako ay kailangang sisihin dito, at sabihing nakagawa ako ng mali—nakagawa ako ng mali. Ako ay nakagawa ng mali at humihingi ng paumanhin para rito.”

“Pinatatawad kita,” tugon ni Brigham. “At kung hindi ako gumawa ng tama,” dagdag pa niya, “nais kong ang lahat ng tao ay itama ako kapag nasa mali ako upang ako ay makapamuhay sa ilalim ng sikat ng araw ng kaluwalhatian. Pakiramdam ko ay yumukod ako patungo sa libingan pasan ang bigat ng mga dakilang taong ito.”30

Bakas na bakas sa mukha ni Brigham ang kapaguran sa kanyang mukha at payat na anyo. “Itinuring ko ang sarili ko bilang isang mahina at kawawang maliit na tao. Ako ay tinawag sa pamamagitan ng awa at tulong ng Diyos upang mamuno,“sabi niya. “Nais kong magpunta ka sa kahariang selestiyal kasama ko.”

“Nais kong malaman kung ang mga kapatid ay nasiyahan sa akin,” sabi ni Parley.

“Pagpalain ka ng Diyos magpakailanman,” sabi ni Brigham. “Huwag mo nang isipin pa ang tungkol dito.”31


Sina Drusilla Hendricks at ang kanyang pamilya ay nakakampo sa malayong banda ng grupo ng mga bagon nang dumating si Brigham at ang kanyang grupo. Habang karamihan sa mga pamilya ng Batalyong Mormon ay nanatili pa rin sa Winter Quarters, ang mga Hendricks at iba pa ay nakapag-ipon ng sapat na mga kagamitan upang sumama sa mga pupunta sa kanluran. Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang minasdan ni Drusilla ang kanyang anak na si William na humayo palayo kasama ang batalyon, at sabik na sabik siyang makasama itong muli sa lambak—o nang mas maaga.32

Nakakasalubong na ng grupo ni Drusilla ang mga bumabalik na kawal ng batalyon sa kahabaan ng daan. Ang mga mukha ng maraming mga Banal, sabik na makita ang kanilang mga mahal sa buhay, ay umaliwalas nang may pag-asa kapag nakikita nila ang mga sundalo. Ang malungkot, si William ay hindi kasama sa kanila.

Nakita nila ang mga karagdagang kawal ng batalyon pagkaraan ng isang buwan. Ang mga lalaking ito ay binighani ang mga Banal sa mga paglalarawan ng Great Basin at hinayaan silang tikman ang asin na dala nila mula sa Great Salt Lake. Ngunit si William ay hindi rin kasama sa grupong ito.33

Nang mga sumunod na linggo, sina Drusilla at ang kanyang pamilya ay binagtas ang mga daan sa bundok, tumawid ng mga ilog at batis, inakyat ang mga matatarik na burol, at binaybay ang mga dalisdis. Ang kanilang mga kamay, buhok, at mga mukha ay nababahiran ng alikabok at dumi. Ang kanilang mga damit, na puno ng sulsi at gula-gulanit mula sa mahabang paglalakbay, ay nagbigay ng kaunting proteksyon mula sa araw, ulan, at dumi. Nang marating nila ang lambak sa unang bahagi ng Oktubre, ang ilan sa kanilang mga kasamahan ay lubhang maysakit o pagod upang magdiwang.34

Mahigit isang linggo na ang lumipas matapos dumating sina Drusilla at ang kanyang pamilya sa lambak, at wala pa rin silang balita tungkol kay William. Matapos dumating ang batalyon sa baybayin ng California, ang ilang beterano ay nagpaiwan upang magtrabaho at kumita ng pera habang ang iba ay tumungo sa silangan patungong Lambak ng Salt Lake o Winter Quarters. Sa kawalan ng alam ni Drusilla, si William ay maaaring nasa kahit saan sa pagitan ng Dagat Pasipiko at ng Ilog Missouri.35

Palapit na ang panahon ng taglamig, si Drusilla at ang kanyang pamilya ay halos walang damit na pangginaw, may kaunting pagkain, at walang paraan upang makapagtayo ng bahay. Tila mapanglaw ang kanilang sitwasyon, ngunit nagtiwala siya sa Diyos na magiging maayos ang lahat. Isang gabi, napanaginipan ni Drusilla ang templo na itatayo ng mga Banal sa lambak, tulad ng napanaginipan ni Wilford Woodruff ilang buwan na ang nakararaan. Nakatayo sa ibabaw nito si Joseph Smith, ang hitsura ay eksaktong gaya ng pag-alala niya noong buhay pa ito. Tinawag ni Drusilla ang kanyang asawa at mga anak palapit sa kanya at sinabing, “Naroon si Joseph.” Nagsalita ang propeta sa kanila, at dalawang kalapati ang lumipad pababa sa pamilya.

Paggising mula sa kanyang panaginip, naniwala si Drusilla na kumakatawan ang kalapati sa Espiritu ng Panginoon, isang palatandaan ng banal na pagsang-ayon sa mga desisyong ginawa niya at ng kanyang pamilya. Naniniwala siya na ang kanilang mga sakripisyo ay alam at may halaga sa Panginoon.

Kalaunan noong araw na iyon, isang grupo ng mga beterano ng batalyon na lubhang pagod sa paglalakad ang dumating sa lambak. Sa oras na ito, kasama nila si William.36


Habang ang pamilya Hendricks ay muling nagkita sa Lambak ng Salt Lake, ang mga tauhan ng pabalik na grupo ni Brigham ay nakikipagsapalaran pa rin papuntang silangan na sinusundan ang daan. Mabilis silang naglalakbay at ngayon ay lubhang pagod at nauubusan na ng pagkain. Ang kanilang mga kabayo ay nagiging mahina na at nagsisimulang humandusay. Sa umaga, ang ilang hayop ay nangailangan ng tulong upang makatayo sa kanilang mga paa.37

Sa gitna ng mga problemang ito, nanatiling atubili si Brigham sa kanyang pakikipag-usap kay Parley.38 Kahit na napatawad na niya ang kanyang kapwa apostol at sinabi rito na kalimutan ang bagay na ito, inihayag ng kanilang pagtatalo ang pangangailangan ng paglilinaw—at marahil ay mga pagbabago—sa kung paano kasalukuyang pinamunuan at isinasaayos ang Simbahan.

Noong panahon ni Joseph, ang Unang Panguluhan ang namumuno sa Simbahan. Gayunman, matapos ang pagkamatay ng propeta, ang Unang Panguluhan ay binuwag, iniiwan ang Labindalawa upang mamuno sa lugar nito. Ayon sa paghahayag, ang Labindalawang Apostol ay bumuo ng isang korum na pantay sa karapatan sa Unang Panguluhan. Subalit mayroon din silang sagradong tungkuling maglingkod bilang isang naglalakbay na kapulungan at dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.39 Bilang isang korum, sapat ba sila para gampanan ang mandatong ito habang binabalikat ang mga tungkulin ng Unang Panguluhan?

Paminsan-minsan ay inisip ni Brigham na muling buuin ang Unang Panguluhan, subalit hindi niya naisip na ang panahon ay tama. Mula nang lisanin ang Lambak ng Salt Lake, ang mga tanong tungkol sa hinaharap ng pamunuan ng Simbahan ay bumabagabag sa kanya.40 Tahimik niyang pinagnilayan ang bagay na ito sa daan patungong Winter Quarters, at lalo niyang nadama ang Espiritu na inuudyukan siyang kumilos.

Isang araw, habang nagpapahinga sa tabi ng ilog, bumaling siya kay Wilford Woodruff at tinanong kung dapat bang tawagin ng Simbahan ang mga miyembro ng Labindalawa upang bumuo ng bagong Unang Panguluhan.

Nag-isip nang mabuti si Wilford. Ang baguhin ang Korum ng Labindalawa—isang korum na itinatag sa pamamagitan ng paghahayag—ay isang mabigat na bagay.

“Ito ay mangangailangan ng paghahayag na baguhin ang ayos ng korum na iyon,” pansin ni Wilford. “Anuman ang ibinigay na inspirasyon sa iyo ng Panginoon na gagawin mo sa mga bagay na ito, ako ay magbibigay-suporta sa iyo.”41