Mga Paboritong Laruan ni Martín
“Tularan si Jesus, Magbigay, magbigay! Ang bawat nilalang ay may maibibigay” (Children’s Songbook, 236).
Nalungkot si Martin nang sabihin sa kanya ng kanyang mga magulang na lilipat ang kanilang pamilya sa ibang lungsod sa Colombia. Ayaw niyang iwanan ang kanyang mga kaibigan, bahay, at ang lugar na kinalakihan niya. Sa halip na malamig na hangin mula sa bundok, maninirahan si Martin ngayon malapit sa karagatan na may mainit at mahalumigmig na hangin buong taon. Ipagpapalit niya ang mainit na sabaw sa malamig na inumin, at ang pangginaw sa shorts. Dagdag pa rito ang bagong paaralan, bagong ward, at bagong Primary class. Lahat ng ito ay parang medyo nakakatakot.
Isang araw tinanong ni Nanay at Tatay si Martín kung ano ang nararamdaman niya tungkol sa paglipat.
“Ayaw ko po nito” sabi ni Martin. “Ayaw ko pong magbago ang lahat.”
“Alam kong maaaring mahirap ang paglipat,” sabi ni Tatay. “Maraming bagay ang magbabago, ngunit hindi lahat. Kasama mo pa rin kami!”
“Tama nga po,” sabi ni Martin.
“At nasa iyo pa rin ang mga gamit mo,” sabi ni Nanay.
Pinag-isipan ito ni Martin nang sandali. Nasa kanya pa rin ang mga damit niya, ang mga sapatos niya, at ang iba pang mga bagay na pamilyar sa kanilang lumang bahay—lalo na ang kanyang mga laruan. Masaya si Martin na madadala niya ang kanyang mga paboritong laruan. Maingat niyang inimpake ang mga ito nang lumipat sila.
Makalipas ang ilang araw, nagsimulang masanay si Martin sa kanyang bagong tahanan at bagong lungsod. Masaya siya na hindi mahirap o nakakatakot ang paglipat tulad ng iniisip niya.
Pagkatapos, isang araw ng Linggo, nang magpunta ang kanyang pamilya sa simbahan, napansin ni Martin ang mga tao na hindi pa niya nakita noon. Puno ang primary ng mga bagong bata. Inisip niya kung saan sila nanggaling. Narinig niya ang mga taong kilala niya na nag-uusap tungkol sa pagbibigay ng pagkain, damit at sapatos. Pagkatapos magsimba, tinanong ni Martín si Nanay tungkol sa mga bagong tao.
“Kinailangan nilang iwan ang kanilang bansa,” sabi ni Nanay. “Marami sa kanila ang iniwan ang lahat ng meron sila, kaya ngayon wala silang anumang bagay.”
“Kaya po pala lahat ay nais silang tulungan?” tanong ni Martín.
“Tama. Itinuro sa atin ni Jesus na dapat nating tulungan ang mga taong nangangailangan. Maaari nating tularan ang Kanyang halimbawa at ibahagi ang anumang mayroon tayo.”
Nag-isip si Martin ng magandang gawin.
Pagkatapos ay sinabi ni Nanay, “Marami sa mga bata sa Primary na ang nadala lamang na gamit ay yaong kakasya sa kanilang backpack. Kinailangan nilang iwan ang kanilang mga laruan. Palagay mo ba mayroon kang ilang laruan na maibibigay?”
“Ayaw ko po! Mga laruan ko po iyon!” sabi ni Martín. Tumalikod siya at tumakbo sa kanyang silid.
Inilibot ni Martin ang paningin sa kanyang silid nang may luha sa kanyang mga mata. Ayaw niyang ipamigay ang kanyang mga laruan. Dinala niya ang mga ito mula sa kanyang lumang bahay!
Lumapit siya sa kanyang toy box at tiningnan ang laman nito. Nakita niya ang kanyang laruang trak, kanyang yoyo, kanyang turumpo, ang pinakamagandang bag niya ng mga holen, at marami pang ibang paborito niyang mga laruan. Gusto niya itong lahat. Hindi niya maipamimigay ang kahit ano sa mga ito!
Pagkatapos ay napaisip si Martín, “Paano kung kailangan kong iwanan ang bahay ko at ang mga paborito kong laruan?”
Ilang minuto ang nakalipas, nilapitan niya si Nanay na puno ang kanyang mga bisig ng mga laruan —hindi lamang mga lumang laruan—kundi pati ang mga lagi niyang nilalaro.
Nagulat si Nanay. “Hindi mo kailangang ipamigay ang mga paborito mong laruan.”
Inilatag ni Martín ang mga laruan sa sahig. “Ang ibang mga bata ay may paboritong mga laruan din,” sabi niya. “Gusto kong ibigay sa kanila ang mga laruan ko para mapasaya sila.”
Niyakap ni Nanay si Martin. “Ipinagmamalaki kita.”
Masaya si Martin. Alam niya na ang pagbabahagi sa iba ang gagawin ni Jesus, at ito ay nagpasaya sa kanya.