Mga Larawan ng Pananampalataya
Fatu Gamanga
Eastern Province, Sierra Leone
Sa pamamagitan ng programang pagsulat at pagbasa ng ebanghelyo, hindi lamang natutong magbasa at magsulat si Fatu, kundi natuto din siya tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bago sumapi sa Simbahan, hirap si Fatu na itaguyod ang kanyang pamilya. Ngayon ay may kakayahan na siyang magpatakbo ng sarili niyang negosyo na pagawaan at tindahan ng magagandang alpombra na gawang-kamay. Naglilingkod din siya bilang Relief Society president sa kanyang branch.
Christina Smith, retratista
Maliit pa lamang ako nang mamatay ang tatay ko. Hindi madali ang lumaki nang walang tatay. Sinikap ng nanay ko na itaguyod ang aming pamilya, ngunit wala siyang sapat na pera para pag-aralin ako. Pinanghinaan ako ng loob dahil kinailangan kong tumigil sa pag-aaral at hindi ako natutong bumasa. Marami kaming sinubukang trabaho ng aking nanay sa aming nayon, tulad ng gawain sa bukirin, upang itaguyod ang aming sarili. Sa loob ng maraming taon, magkasama kaming nagpunyagi.
Kinalaunan, nag-asawa ako at nagkaroon ng mga anak. Pagkalipas ng ilang taon, namatay ang asawa ko, at nahirapan ako bilang nag-iisang magulang na pangalagaan ang aking mga anak.
Lumapit sa akin ang mga kaibigan ko at sinabing, “Nawala na ang iyong asawa. Naghihirap ka ngayon. Gusto naming imbitahan ka sa simbahan upang makita kung ano ang magagawa ni Jesus para sa iyo.” Sumama ako sa aking mga kaibigan sa kanilang simbahan. Nagpunta din ako sa ibang mga simbahan.
Isang araw, lumapit sa akin ang babaeng nakatira ilang bahay lang ang layo mula sa amin at sinabing, “Mayroon akong simbahan. Maaari ka bang sumama?”
“Hindi,” sabi ko, “Marami na akong sinubukang simbahan.”
“Sige na,” sabi ng babae, “gusto kitang imbitahan sa aming simbahan.”
“Ano ang tawag sa Simbahan ninyo?” Tanong ko.
“Ang simbahan namin ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Kinumbinsi niya akong alamin pa ang tungkol dito. Inanyayahan niya ang mga missionary na dalawin ako. Noong unang dumalaw ang mga missionary, isinama ko ang aking pamilya. Naupo ang mga missionary at nagsimulang magturo sa amin.
Sa unang pagkakataon na nagsimba ako, umupo ako sa tabi ng isang babaeng umaawit mula sa himnaryo. Sinikap kong makinig, pero hindi ko alam kung paano bumasa. Ni hindi ko maunawaan kung ano ang kinakanta niya. Pinanghinaan ako ng loob. “Ayaw ko nang magsimba muli dito,” sabi ko sa sarili ko.
Sinabi ko sa mga missionary na hindi na ko magsisimba muli. Sinabi ng isang missionary, “Hindi ko kayo pipiliting maging miyembro ng Simbahang ito, ngunit gusto kong sabihin sa inyo ang katotohanan. Kung gusto mong maniwala na ito ang totoong Simbahan, basahin mo ang aklat na ito.” Binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon.
“Hindi mo maaaring ibigay sa akin ang aklat na ito,” sabi ko. “Hindi ako nakapag-aral. Ni hindi ko alam kung paano bumasa. Hindi ko kailangan ang libro ninyo.”
Sinabi ng mga missionary, “Nag-aaral magbasa ang mga anak mo. Babasahin nila ito para sa iyo, at makakaunawa ka.”
“Susubukan ko,” sabi ko.
Sinimulang basahin ng anak ko ang Aklat ni Mormon sa akin, at nagsimba akong muli. May isang sister sa simbahan na lumapit sa akin at sinabi ang tungkol sa isang klase para sa mga taong hindi marunong bumasa at sumulat. Sinabi niya na ito ay klase ng pagsulat at pagbasa ng ebanghelyo.
“Kailangan namin ng isang estudyante,” sabi niya.
“Gusto ko talagang matuto na magbasa at magsulat,” sabi ko. “Kaya dadalo ako sa klaseng iyon!”
Nang dumalo ako sa klase, natuto akong magbasa, magsulat, at marami pa tungkol sa ebanghelyo. Patuloy akong binasahan ng anak ko mula sa Aklat ni Mormon. Isang araw sinabi ko, “Ito ang salita ng Diyos. Hindi ko ito maitatanggi.” Nagpasiya akong magpabinyag.
Hindi nagtagal matapos akong binyagan, tinawagan ako ng branch president at sinabing, “Sister Gamanga, iniutos sa akin ng Espiritu na tawagin kang Relief Society president.”
“Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin,” sabi ko. “Hindi ko alam kung paano magbasa, hindi ko alam kung paano magsulat, at gusto mo akong tawagin? Anong ibig sabihin niyan?”
Ipinaliwanag niya na iimbitahan ko ang mga kababaihan sa simbahan, kakausapin sila at tutulungan sila. “Sa Diyos, magagawa ko ito,” sabi ko.
Simula noong araw na iyon, maraming bagay ang nangyari sa buhay ko. Sinimulan kong basahin ang mga dalawang-letrang salita, pagkatapos ay mga tatlong-letrang salita. Pagkatapos ay lumipat ako mula sa mga tatlong-letrang salita sa mga apat-na-letrang salita, pagkatapos ay mga lima hanggang sa anim-na-letrang salita. Nakatulong ito sa akin na makapagturo sa Relief Society.
Kung may isang bagay na hindi ko naiintindihan, humihingi ako ng tulong. Ang problema ko ay pagbabaybay. Hindi ko alam kung paano bigkasin ang ilang pagkabaybay, pero may tumutulong sa akin para maintindihan ko. Kapag nagtuturo ako, nagpapatulong ako sa isa sa mga sister sa Relief Society para sa anumang mga salitang hindi ko alam. Iyan ang paraan ng pagtuturo ko sa klase. Sa bawat pagkakataon na humihingi ako ng tulong, marami pa akong nalalaman.
Bago ako sumapi sa Simbahan, sinikap kong kumita sa pagbebenta ng mga alpombra na gawang-kamay, pero wala akong pera para makabili ng mga materyal. Madalas kong sabihin noon sa mga tao, “Kung gusto mo ng alpombra, bumili ka ng materyal at ibigay mo sa akin; pagkatapos ay gagawin ko ito para sa inyo. Maaari mo akong bayaran kapag tapos na ako.”
Ngayong narito na ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nalaman ko ang tungkol sa self-reliance. Ang Simbahan ay nagbigay sa akin ng higit na tiyaga na matutong magbasa, magsulat, magsalita, at magsikap na gawin ang isang bagay para sa sarili ko upang maging self-reliant. Ngayon pumupunta ako sa panahian at humihingi ng mga ritasong tela na iniiwan lang sa sahig. Nabibili ko ang mga ritaso sa murang halaga at ginagamit ang mga ito sa paggawa ng alpombra. Mas marami akong nabebenta ngayon kaysa dati.
Mula nang sumapi ako sa Simbahan, nabago ang buhay ko. Mula sa wala hanggang sa pinagpala! Ipinagmamalaki ko si Jesucristo at ipinagmamalaki ko ang Kanyang Simbahan. Lubos akong nagpapasalamat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.