2019
Nag-iisa at Nagpasasalamat sa Araw ng Pasko
Disyembre 2019


Nag-iisa at Nagpapasalamat sa Araw ng Pasko

man looking at phone

Paglalarawan ni Daria Kirpach

Para sa akin habang lumalaki ako, Pasko ang pinakamagandang panahon ng taon—hindi lamang dahil sa mga regalo kundi dahil ang Pasko ay isang panahon para makibahagi sa mga taong pinakamahalaga sa buhay ko, ang pamilya ko.

Pamilya ko ang lahat sa akin, at sa pagdaan ng mga taon, ang mga tradisyon sa Pasko ay palaging isang magandang plano ng kasayahan sa pamilya na marami pa ring taglay na magagandang alaala para sa akin.

Ngunit kaiba ang nakaraang Paskong ito. Nagkaroon ako ng bagong trabaho na pinapunta ako sa ibang bayan sa araw ng Pasko. Hanggang sa puntong ito ng buhay ko, dalawang Pasko ko pa lang hindi nakasama ang pamilya ko—kapwa noong nasa misyon ako. Bago pa man ako umalis para sa business trip ko, nalungkot na ako at nangulila sa pamilya ko. Buong Araw ng Pasko naisip ko, “Sayang!” Walang trabahong posibleng makasulit dito!

Nagpasiya akong manood ng isang pelikula sa TV sa kuwarto ko sa hotel. Sa pelikula, ipinahayag ng isa sa mga tauhan kung gaano kahalaga ang magpasalamat. Hindi iyon malaking bahagi ng pelikula, ni hindi iyon nakakaantig na tagpo, ngunit wala nang ibang higit na nakaantig sa akin.

Sa sandaling iyon natanto ko na hindi pa ako nakaluhod sa Araw ng Pasko upang pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kaloob na Kanyang anak na si Jesucristo. Sa lahat ng taon na ipinagdiwang ko ang Pasko, talagang nakatuon lang ako sa aking pamilya, mga regalo, at paglalaro. Sa kabila ng malalaking pagsisikap ng aking mga magulang at lolo’t lola na turuan ako, hindi ko tunay na napasalamatan kailanman kung gaano kahalaga ang Tagapagligtas sa Pasko. Bilang isang pamilya, binabasa namin sa mga banal na kasulatan ang kuwento ng Kanyang pagsilang, ngunit hindi ko pa gaanong napag-isipan ang kahalagahan ng Kanyang pagsilang sa Pasko.

Napuno ng luha ang aking mga mata nang magdasal ako sa aking Ama sa Langit. Pinasalamatan ko Siya para sa sakripisyong ginawa Niya na pababain ang Kanyang Bugtong na Anak sa lupa at para sa kamangha-manghang buhay ng Kanyang Anak na puno ng sakripisyo at kabaitan. Nalungkot pa rin ako sa katotohanan na nag-iisa ako at malayo sa aking pamilya sa araw ng Pasko, ngunit natulutan nito ang Ama sa Langit na turuan ako ng isang aral na maaaring hindi ko kailanman natutuhan habang napapalibutan ako ng aking pamilya: ang Tagapagligtas ang dahilan kaya ako nagkaroon ng pamilya!

Nagpapasalamat ako na ang pag-iisa sa araw ng Pasko ay nagdulot sa akin ng kaunting higit na pag-unawa sa mapagmahal at walang-hanggang kaloob ng Ama sa Langit na Kanyang anak.