Ang Pinakamagandang Regalong Maibibigay Ko
Nang kami ng aking pamilya ay nagsimulang dumalo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nadama ko sa puso ko na ang nanay namin ang gumabay sa amin papunta doon.
Hindi inaasahang pumanaw ang nanay ko sa araw ng Pasko dalawang taon na ang nakararaan. Siya ay isang kahanga-hangang tapat at mapagpakumbabang tagasunod ni Jesucristo, ngunit hindi niya kailanman nalaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Makalipas ang 11 buwan ng pag-aaral tungkol sa Simbahan, ang asawa kong si Navid, ang aking anak na si Katie, at ako ay nabinyagan sa araw ng Pasko. Ang dating araw ng kalungkutan dahil sa pagpanaw ng nanay ko ay araw na ng kaligayahan ngayon para sa aming pamilya dahil sa aming bagong buhay sa ebanghelyo.
Marami ang dumalo sa aming binyag. Nagulat akong makita ang may higit 100 katao doon nang 10:00 n.u. sa umaga ng Pasko! Nadama namin ang labis na pagmamahal.
Bago ang aming binyag, tinulungan ako ng stake temple and family history consultant na ihanda ang pangalan ng aking ina at ang mga pangalan ng ilang iba pang pumanaw na mga ninuno upang dalhin sa templo para sa binyag.
Dalawampu‘t limang araw matapos ang aming binyag, noong Enero 19, 2018, kaarawan ng aking nanay, bumiyahe kami papunta sa Newport Beach California Temple sa unang pagkakataon. Kinakabahan ako at hindi alam kung ano ang mangyayari, ngunit nang pumasok ako sa templo, nakadama ako ng labis na kapayapaan. Ito ay walang kasing-tulad sa mga napuntahan ko. Nagtipon ang grupo namin sa bautismuhan, kung saan ipinaliwanag ng Pangulo ng templo ang kahalagahan ng binyag para sa mga patay at ang mga pagpapala nito. Naiyak ako sa galak habang iniisip kung paano pagpapalain ng pagbibinyag na ito ang aming pamilya.
Matapos mabinyagan si Navid para sa ilan sa mga lalaking miyembro ng aking pamilya, bininyagan niya ako para sa ilan sa mga babaeng miyembro ng pamilya. Una akong nabinyagan para sa aking minamahal na nanay. Nang marinig ko ang mga salitang “na yumao na,” napaiyak ako. Napakasakit na nitong marinig dahil mas nagiging totoo ang pagkamatay niya. Pero naisip ko, ano pa ang mas dakilang regalong maibibigay ko sa aking ina sa kanyang kaarawan kaysa sa regalong mabinyagan sa templo?
Inaasahan ko ang mas marami pang pagpunta sa templo. Nagpapasalamat akong malaman na matutulungan kong makatanggap ng mga pagpapala ang mga nangauna sa akin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Kahanga-hangang regalo!