Pakikipag-blind Date SA ISANG Babaeng Banal sa mga Huling Araw
Ang katapatan ni Renée na ipamuhay ang ebanghelyo ay nagpabago sa buhay ko.
Hindi ako lumaki bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pero dahil sa ilang miyembro na nakilala ko, nalaman ko na kapag namumuhay ang isang tao nang malinis at dalisay, magniningning sa kanila ang liwanag ni Cristo. Nagiging mabubuting halimbawa sila.
Una kong nalaman ang tungkol sa Simbahan dahil sa kaibigan ko sa kolehiyo. Napakabait niyang miyembro ng Simbahan na nakapaglingkod sa misyon. Lumaki ako sa pamilyang Katoliko, kaya madalas na sinusubukan niya akong kausapin tungkol sa relihiyon. Pero hindi talaga ako interesado. Gayunpaman, talagang madiskarte ang kaibigan kong ito, at sinubukan niyang ipakilala akong muli sa Simbahan—nang planuhin niyang maka-blind date ko ang isang babaeng Banal sa mga Huling Araw.
Ang Una Naming Deyt
Sa unang deyt pa lamang namin ni Renee, umibig na ako sa kanya nang lubusan. Napakaganda niya para sa akin, masasabi kong may kakaiba sa kanya. Hindi nagtagal, handa na akong seryosohin siya at bumuo ng pamilya—pero matapos ang ilang pagdedeyt, sinabi niya na ayaw na niyang makipagdeyt dahil “sobra” na niya akong gusto at nais niyang makasal sa templo. At ang nagpalala pa nito para sa akin, umalis siya para magmisyon. Matapos iyon, ipinasiya kong ayoko na sa mga Banal sa mga Huling Araw.
Nang umuwi na siya mula sa misyon, niyaya ako sa party ng kaibigan naming dalawa kung saan makikita ko roon si Renée, at nagsimula kaming lumabas muli na magkasama. Nakatapos na ako ng kolehiyo at may magandang trabaho, at pakiramdam ko ay handa na akong mag-asawa. Naisip kong kanais-nais naman ako, kaya niyaya ko siyang magpakasal. Tumanggi siya.
Atubiling Magpaturo sa mga Missionary
Para hindi maputol ang relasyon namin, tinanggap ko ang paanyaya na makinig sa mga missionary. Minsan pinuntahan niya ako at, may luha sa mga matang nagpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at nakiusap na basahin ko ito. Gusto niyang magkaroon ako ng patotoo sa ebanghelyo upang matupad niya ang pagnanais niyang makasal sa templo. Mahal ko siya at ayaw ko siyang biguin, kaya sinabi ko na gagawin ko iyon. Pero kahit pumayag akong makipagkita sa mga missionary, ginawa ko lang iyon noong una dahil gusto kong magkaroon pa ng mas maraming oras na makumbinsi si Renee na magpakasal sa akin. Wala akong balak na sumapi sa bagong relihiyon.
Pagkatapos ng ilang appointment sa mga missionary, hindi pa rin ako interesado. Nakikinig ako sa mga itinuturo nila, pero hindi ako nakapokus o nagsisikap na madama ang Espiritu. Sarado ang puso ko, dahil hindi ako nakikinig sa mga missionary para sa akin; nakikinig ako sa kanila para kay Renee. Wala pa ring kinahihinatnan ang mga bagay-bagay, at hindi ko pa rin makumbinsi si Renee na magiging mabuting asawa ako sa kanya kahit hindi ako magpabinyag. Nanatili siyang matatag sa kanyang mga paniniwala.
Gawing Personal ang Aklat ni Mormon
Pagkatapos ay naiba na ang mga missionary. Bagong missionary na ang nagturo sa akin, at may ideya siya. Pinabuklat niya sa akin ang mga banal na kasulatan sa Alma 42, at itinanong kung maaari ko bang basahin nang malakas sa kanila ang kabanata, nang paisa-isang talata. Pero sa halip na basahin ko lang ang bawat salita, gusto niyang isingit ko ang aking pangalan dito. Ayoko talaga, pero iginiit niya.
Kaya nagsimula ako sa unang talata. “At ngayon, Joaquin …” Nang mabasa ko ang mga salitang iyon, nagsimula nang mangusap sa akin ang aklat. Nang ipalit ko ang pangalan ko rito, nadama ko ang kapangyarihan ng personal na patotoo.
Itinuturo sa sumunod na bahagi ng Alma 42 ang tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva, at sa huli ay tumalakay na sa plano ng pagtubos. Nang makarating na ako sa talata 29 at binasa ang, “At ngayon, Joaquin, hinihiling ko na ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo,” nagsimula akong umiyak na parang bata. Noon lang ako umiyak nang ganoon. Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo—pero hindi ko man lang matapos basahin ang kabanata. Nang mapakalma ko na ang aking sarili, sinabi ko sa mga missionary na gusto ko nang magpabinyag. Napakasaya ni Renée. Nabinyagan ako, at pumayag na siyang magpakasal sa akin. Isang taon kalaunan, nabuklod kami sa Buenos Aires Argentina Temple.
Nagpapasalamat ako sa katapatan ni Renee na ipamuhay ang ebanghelyo at makasal sa templo. Ang kanyang tapat na pamantayan sa pakikipagdeyt ay hindi lamang nagpalakas ng kanyang kaugnayan sa Diyos at sa ebanghelyo, kundi inaanyayahan din akong matutuhan ang ebanghelyo. Alam ko kung bakit napakaganda niya para sa akin: dahil siya ay malinis, mapagmahal, at dalisay. Dahil sa kanyang katapatan, nagkaroon ako ng personal na patotoo sa Aklat ni Mormon at sa Simbahang ito.