2019
Kahit Sino Huwag Lang Siya!
Disyembre 2019


Kahit Sino Huwag Lang Siya!

women standing in snow

Paglalarawan ni Phil, Paglalarawang i2i

Nang mabalitaan ko ang Christmas initiative ng Simbahan na “Maging Ilaw ng Sanglibutan” at ang pandaigdigang araw ng paglilingkod, naisip ko, “Magandang ideya. Gagawin ko iyan.”

Ilang araw bago sumapit ang pandaigdigang araw ng paglilingkod noong Disyembre 1, may pumasok na ideya sa isipan ko kung sino ang kailangan kong tulungan. Agad kong naisip, “Kahit sino huwag lang siya!” Labis akong nasaktan ng taong ito sa loob ng maraming taon, pero nang lalo kong maisip ang pangalan niya, lalo kong nalaman na ang ideya ay nagmula sa Espiritu.

Sinabi ko sa asawa ko ang iniisip ko, at sinabi niya na makakabuti sa akin ang paglingkuran ang taong ito. Gayunpaman, kabadung-kabado ako sa ideyang tulungan siya. Alam kong hindi ko ito magagawang mag-isa, kaya ipinagdasal ko na magkaroon ako ng lakas at may makasama akong iba. Sa huli, tinawagan ko ang mga sister missionary, at pumayag silang samahan ako.

Sumapit ang Disyembre 1, at kabadung-kabado ako at nangangatog ako habang nagmamaneho. Sama-sama kaming nagdasal pagdating namin sa apartment. Ilang beses akong huminga nang malalim at kumatok sa pinto. Binuksan ng lalaki ang pinto, pero parang hindi niya ako makilala. Tinanong ko kung kilala niya ako. Akala niya isa lang ako sa mga sister missionary. Nang sabihin ko sa kanya kung sino ako, nagulat siya pero natuwa na pumaroon ako para dalawin siya. Naasiwa siya nang sabihin ko sa kanya na ito ay pandaigdigang araw ng paglilingkod, at gusto namin siyang tulungan sa anumang paraan.

Binigyan ko ng trabaho ang mga missionary, at naglinis na ako ng apartment niya. Pagkaraan ng ilang oras, natapos kami at umalis na. Habang sakay ng kotse pauwi, saka ko lang natanto na tumatawa at masaya ako. Pagkatapos ay naliwanagan ako: inalis na ng Ama sa Langit ang lahat ng sakit, kirot, pait, at lungkot na nadarama ko. Wala na! At malaya na ako sa lahat ng dalamhating dinala ko sa loob ng maraming taon. Nabiyayaan ako ng Ama sa Langit ng lakas na patawarin sa huli ang taong ito. Masaya dahil napakagaan ng pakiramdam ko.

Nagpapasalamat ako na sinunod ko ang pahiwatig na tulungan ang lalaking ito. Alam ng aking mapagmahal na Ama sa Langit na kailangan kong maranasan ito para lumago ako at maging higit na katulad sa taong nais Niyang kahinatnan ko.