Ang Ibon na Yari sa Pulang Papel
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Ang naiisip lang ni Eve ay hindi siya makakasama sa masayang mararanasan ng mga kaibigan niya.
“Ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw” (Mateo 25:36).
Gustung-gusto ni Eve ang Kapaskuhan. Ang klase niya sa paaralan ay buong umaga na nagkulay ng mga kard at nakinig sa masasayang musika.
“Magbabasa naman tayo ngayon,” sabi ni Mrs. Grunig. “At kung matapos ninyo ngayon at bukas ang lahat ng mga dapat basahin, wala na kayong gagawing homework sa bakasyon.”
Tuwang-tuwa ang lahat ng kaklase ni Eve. Pero walang gaanong gana na makisaya si Eve. Medyo nangangatog siya habang kinukuha ang aklat na babasahin. Giniginaw siya at masakit ang lalamunan. Parang nag-init ang mga mata niya habang tinititigan niya ang mga salita sa pahina. Noong uwian na, sumakit na rin pati sikmura ni Eve.
Sa wakas oras na para maglakad silang pauwi ng kanyang mga kapatid, sina Tim at Wilma. Karaniwang nagkakatuwaan sila habang nasa daan pauwi. Naglalaro sila ng taya-tayaan o gumagawa ng snowman. Pero ngayon ang gusto lang gawin ni Eve ay umuwi at humiga.
Nang makauwi si Eve, hinaplos ni Inay ang kanyang noo.
“May lagnat ka,” sabi niya. “Kailangan mong uminom ng maraming tubig at magpahinga.”
Humiga na sa kama si Eve at nakatulog kaagad. Kinaumagahan, abalang naghahanda ang kanyang buong pamilya para sa araw na iyon. Pero sinabi ni Inay na maysakit si Eve at hindi kayang pumasok sa paaralan.
Pagkatapos ay naalala ni Eve ang isang bagay na ikinalungkot niya. Ngayon ay Christmas party nila sa paaralan! Tatapusin nila dapat ang mga art project nila at magkakantahan at magkakainan. Talagang kailangan niyang pumunta!
Pero hindi nagbago ang isip ni Inay.
“Nalulungkot ako na hindi ka makakapunta sa party, mahal ko,” sabi niya. “Pero mas mahalaga ang kalusugan mo.”
Nagsimulang umiyak si Eve. Pinakain siya ni Inay ng masarap na sopas para gumaan ang pakiramdam niya. Pero ang naiisip lang ni Eve ay hindi siya makakasama sa masayang mararanasan ng mga kaibigan niya.
Kinahapunan, umuwi na mula sa paaralan sina Tim at Wilma. Namumula ang mga pisngi nila dahil sa paglalaro sa niyebe.
“Ang saya ng party sa paaralan,” sabi ni Wilma. “Gumawa kami ng mga ibon na yari sa pulang papel para isabit sa bahay.”
May kinuha si Tim sa kanyang bulsa.
“At tingnan mo—may ipinadala sa amin si Mrs. Grunig na espesyal na regalo para sa iyo. Para daw makagawa ka rin ng ibon na yari sa pulang papel!”
Ngumiti si Eve. “Puwede ninyo bang ipakita sa akin kung paano gawin?”
Ipinakita nina Tim at Wilma kung paano gumupit sa tulduk-tuldok na linya at itupi ito nang tama. Tinulungan nila siya na magbuhol ng tali.
“Inay, tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko!” Sabi ni Eve, habang ipinapakita ang kanyang bagong paboritong dekorasyon sa Pasko.
Naisip ni Eve na napakabait ni Mrs. Grunig kasi naaalala siya nito noong nagkasakit siya, pati rin sina Tim at Wilma na tumulong sa kanya. Ngayon sa tuwing titingnan ni Eve ang kanyang ibon na yari sa pulang papel, nakakaramdam siya ng sobrang pagmamahal.
Gumawa ng Ibon na Yari sa Papel!
-
Gupitin at idikit ang pahinang ito sa pulang papel. Pagkatapos ay gupitin ang ibon at mga pakpak.
-
Maingat na gumupit ng hiwa sa mga tulduk-tuldok na linya sa ibon. Ipasok ang mga pakpak sa hiwa.
-
Butasan ang bandang itaas ng mga pakpak at ibuhol ang isang piraso ng tali para maisabit ito.