Mga Young Adult
Ang Halimbawa ng Tagapagligtas sa Pakikipagkaibigan
Lahat tayo ay dumadaan sa panahon ng pag-iisa, ngunit ang halimbawa ng Tagapagligtas ay nagtuturo sa atin ng ilang bagay tungkol sa pakikipagkaibigan.
Bilang mga young adult, lahat tayo ay dumadaan sa panahon ng pag-iisa—pagpunta sa malayo para mag-aral, pag-uwi mula sa misyon, pakikipaghiwalay, pagiging tanging miyembro ng Simbahan sa inyong lugar, pagiging bago sa ward, pagiging mag-isa sa buhay, pagkakaroon ng asawa na madalas na malayo sa tahanan, pagiging bagong magulang, at marami pang iba. May mga estado sa buhay na hindi madaling magawa na makipagkaibigan.
Pero hindi ibig sabihin niyan na imposible na ito. Tulad ng lahat ng bagay, nakasalalay ang sagot sa pagsunod sa Tagapagligtas. Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa pagkakaibigan, tulad ng bawat iba pang alituntunin ng ebanghelyo, si Jesucristo ang ating Halimbawa.”1 Narito ang ilang bagay na matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pakikipagkaibigan.
Hanapin Sila
Pinahalagahan ni Jesus ang pagkakaibigan. Kailangan niya ang tulong at suporta ng iba (tulad nating lahat!) para magampanan ang kanyang ministeryo sa lupa, ngunit sa halip na hintayin na lamang dumating sa Kanyang pintuan ang mga tamang tao, lumabas siya at hinanap ang mga ito! Nagpunta siya sa mga lugar na hindi Niya karaniwang pupuntahan (tingnan sa Lucas 5:3–10), naglibot Siya (tingnan sa Marcos 1:16; Juan 1:36), at inanyayahan pa Niya ang mga tao tingnan lung saan Siya nakatira (tingnan sa Juan 1:39).
Maaaring iba ang dahilan natin sa mga dahilan ng Tagapagligtas kaya kailangan natin ng mga kaibigan, ngunit mahalaga pa rin para sa atin na palibutan ang ating sarili ng mabubuting tao. Kung nasa bagong estado kayo ng buhay na alam ninyong kailangan ninyo ng mga kaibigan, hanapin sila. Sumali sa mga aktibidad sa simbahan at sa iba pa, magpakilala kayo, sumubok ng mga bagong bagay, mag-host ng aktibidad na matitipon ang mga tao, taos-pusong maglingkod (sinumang pinaglilingkuran ninyo ay malamang na kailangan din ng kaibigan!), at makikita ninyo ang sarili na lalong napapalibutan ng mga potensyal na kaibigan.
Hanapin ang Mabuti sa Ibang Tao
Gustung-gusto ko nang makilala ni Jesus si Natanael at sinabi, “Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya’y walang daya!” (Juan 8:12). Kapag iniisip ko ang talatang ito, ipinapaalala nito sa akin na dapat kong alamin at ipaaalam ang mabuting nakikita ko sa iba.
Binigyang-diin ni “Mister” Fred Rogers, na masasabing eksperto sa pakikipagkaibigan, na pagtataglay ng katangian ni Cristo ang paghahanap ng mabuti sa iba. “Naniniwala ako na ang pagpapahalaga ay isang bagay na banal,” sabi niya. “Kapag hinahanap natin ang mabuti sa taong kasama natin sa ngayon, ginagawa natin ang ginagawa ng Diyos. Kaya, kapag minamahal at pinapahalagahan natin ang ating kapwa, nakikibahagi tayo sa isang bagay na totoong sagrado.”2
Ipagdasal ang mga Kaibigan
Ilan sa hindi malilimutang mga karanasan ng Tagapagligtas sa mundo ay nang manalangin Siya para sa iba. Itinala ng mga Nephita na “walang sinumang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa [kanilang] mga kaluluwa sa panahong narinig [nila] siyang nanalangin sa Ama para sa [kanila].” (3 Nephi 17:17). Maaaring ang ating mga panalangin ay hindi kasing kaantig-antig ng sa Kanya, pero makakapag-ukol pa rin tayo ng panahon na ipagdasal ang mga taong mahal natin.
Bukod sa pagdarasal para sa mga kaibigan, maaari rin ninyong ipagdasal na magkaroon ng mga kaibigan. Kapag kayo ay “[n]akipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain” (Alma 37: 37)—kabilang na rito ang kalungkutan at pangangailangan ng mga kaibigan—hindi lamang Niya “gagabayan [kayo] sa kabutihan,” gagabayan din Niya kayo sa [mabubuti]—mabubuting tao na maaaring maging mabubuting kaibigan.
Umasa sa Tagapagligtas
Alam ni Jesus ang nadarama natin kapag nakadarama tayo ng lungkot dahil siya rin ay “sanay sa hapis” at lumbay (Mosias 14:3). Kaya kahit napakabuti nating makipagkaibigan, malamang na makaranas pa rin tayo ng panahon o oras ng kalungkutan. Pero ang kalungkutan ay maaari ring magpaalala sa atin ng banal na utos na mahalin ang isa’t isa (tingnan sa Juan 13:34).
Kung dumaranas kayo ng kalungkutan ngayon, tingnan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Higit kaninuman, kaibiganin ninyo Siya. Siya—at ang ating Ama sa Langit—ay hinding-hindi kayo hahayaang malungkot.