2019
Sa mga Yapak ni Jesus
Disyembre 2019


Sa mga Yapak ni Jesus

In the Footsteps of Jesus

Ako si Mary. Nakatira kami ng pamilya ko sa Israel. Marami kaming magagandang karanasan nang nilakaran namin ang nilakaran ni Jesus maraming taon na ang nakakaraan.

Betlehem

Ang isang espesyal na lugar na pinuntahan namin ay ang Betlehem, kung saan isinilang si Jesus. Kinailangang maglakbay nina Maria at Jose nang mga 90 milya (144 km) para makarating doon mula sa kanilang tahanan sa Nazaret. Binisita namin ang isang Simbahan na pinagtayuan daw noon ng sabsaban ayon sa mga tao.

Nakita rin namin ang mga bukiring malapit sa Betlehem. Nakabantay pa rin ang mga pastol doon, tulad nang ginawa nila noong gabing isilang si Jesus. Naririnig namin ang meee ng mga tupa nang kumanta kami ng “Sa Kapatagan sa may Judea” (mga Himno, blg. 130). Palagi kong maaalala ang nadama ko nang kantahin ko ang awiting ito.

Ang Dagat ng Galilea

Ito ang Dagat ng Galilea. Ito ay isang magandang lawa kung saan tinuruan ni Jesus ang libu-libong tao at gumawa ng maraming himala. Nadama ko talaga roon ang Espiritu. Payapang damdamin ang hatid nito na nagsasabi sa akin na mga sagradong bagay ang nangyari doon.

Gustung-gusto kong puntahan ang mga lugar na nilakaran ni Jesus, tulad ng ilog Jordan, kung saan bininyagan si Jesus. Kapag narito ako, tahimik akong naglalakad-lakad malapit sa mga taong sumasamba kay Jesus sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila at pagdarasal nang nakaluhod. Lagi kong nadarama sa puso ko na nasisiyahan ang Ama sa Langit at si Jesus sa mga taong nagpapakita ng pagmamahal sa Kanila.

Jerusalem

Ang Jerusalem ay malaking lungsod. Sa araw ng linggo bago Siya ipinako sa krus, pumasok doon si Jesus sakay ng isang asno (tingnan sa Mateo 21:1–11). Sinalubong Siya ng mga tao sa lungsod habang nagwawagayway ng mga dahon ng palma at sumisigaw ng, “Hosana!”

Bawat taon sa araw ng Linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay, sinusundan ng mga tao ang nilakaran ni Jesus sa loob ng Jerusalem. Nagdadala sila ng mga dahon ng palma at nagkakantahan ng mga awitin tungkol kay Jesus. May taon na sumama kami ng pamilya ko sa ibang mga Kristiyano sa paglakad na ito. Napakasayang madama na mahal ng lahat ang kanilang Tagapagligtas.

Hindi mo kailangang lakaran ang nilakaran ni Jesus para masundan ang Kanyang mga yapak. Masusundan mo ang Kanyang halimbawa saanman!