2019
Pagtuklas Kung Ano ang Gagawin Kapag May mga Pagbabago
Disyembre 2019


Pagtuturo sa mga Tinedyer at Nakababatang mga Bata

Pagtuklas Kung Ano ang Gagawin Kapag May mga Pagbabago

life transitions

Paglalarawan ni David Green

Pagbubukas ng klase. Pag-alis sa Primary. Pagpunta sa templo. Pagkakaroon ng bagong trabaho. Pagtatapos sa hayskul. Paglilingkod sa misyon.

Ito ang ilan sa mahahalagang pangyayaring maaaring maranasan ng inyong mga anak sa kanilang buhay, at kailangan nilang lahat ng natatanging paghahanda. Maaaring nakakakaba ang mga pagbabago, ngunit matutulungan tayo ng ilang kagamitan para tagumpay na matuklasan kung ano ang gagawin. Narito ang ilang tip para tulungan kayong gabayan ang inyong mga anak sa mga pagbabago sa buhay.

  • Pakinggan ang kanilang damdamin tungkol sa pagbabago. Tanungin sila kung ano ang nakakasabik sa kanila at ano ang nakakakaba sa kanila. Maging mapanghikayat ngunit maunawain sa kanilang mga alalahanin. Kung minsan ay kailangan lamang silang pakinggan nang may pagdamay para mapanatag sila sa darating na pagbabago.

  • Bigyan sila ng mas maraming impormasyon hangga’t maaari kung ano ang maaasahan nila sa isang bagay na bago. Halimbawa, kung ang inyong anak ay magsasagawa ng mga binyag sa templo sa unang pagkakataon, bigyan sila ng sunud-sunod na buod ng mangyayari kapag nasa loob na sila ng templo. Kung lilipat kayo sa isang bagong lungsod, alamin ang maaari mong alamin tungkol sa bago nilang paaralan, ward, at komunidad. Kapag binawasan mo ang hindi nila alam, inaalis mo ang mga pinagmumulan ng pagkabalisa. Ang bago nilang kaalaman ay tutulong sa kanila na maintindihan ang bagong karanasan na mararanasan nila.

  • Magbuo ng plano sa pagharap sa mga bagong sitwasyon. Asahan ang mga potensyal na problema at mag-isip ng mga paraan ng pagharap sa mga ito. Tulungan ang mga bata na makaisip ng mga solusyon sa kanilang mga tanong na “paano kung”: “Paano kung mali ang masakyan kong bus?” “Paano kung malungkot ako sa camp?” “Paano kung ayaw ko sa bagong teacher ko?” Bumuo ng isang alternatibong plano para mas mapanatag sila: “Kung namomroblema ka, tawagan mo ako.” “Kung napakahirap ng isang klase, puwede naming kausapin ang teacher mo tungkol dito.”

  • Tulungan silang maramdaman na kaya nila ang situwasyon sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila ng mahahalagang pangyayaring napagdaanan nila dati at ng mga kasangkapang mayroon sila ngayon para tulungan silang magtagumpay. Gumamit ng positibo at nakahihikayat na pananalita: “Nalagpasan mo iyon; malalagpasan mo ito!” “Magagawa mo ang mahihirap na bagay! “Nasa iyo na ang kailangan mo. Handa ka na.” “Bilib ako sa iyo.”

  • Muling tiyakin sa kanila na magiging OK ang mga bagay-bagay. Nadaig ng maraming tao ang gayon ding mga paghihirap; malamang ay sila rin! Ipaalala sa kanila na makapagdarasal sila sa kanilang Ama sa Langit para sa tulong anumang oras, saanman, tungkol sa anumang bagay.

  • Bumuo ng support system para hindi madama ng inyong mga anak na nag-iisa sila sa kanilang paghihirap. Kung nakaranas na kayo ng ganito, ikuwento iyon sa kanila. Ano ang naramdaman mo? Paano kayo umakma? Subuking maghanap ng isang tao na magiging “transition buddy” ng inyong anak. May makakaibigan ba sila na lagi nilang makakasama sa bagong klase nila sa Primary? May kakilala ba kayo na maaaring magturo sa kanila sa kanilang trabaho o klase? Sino ang magiging mga roommate nila sa kolehiyo?

  • Sumabay sa bilis nila. Maaaring kailangan ninyong hikayatin ang inyong anak na sumulong o balaan silang maghinay-hinay, ngunit huwag ninyong masyadong baguhin ang natural na bilis nila. Sundan ang kanilang halimbawa. Kung gusto nilang gawin iyon nang buong lakas, tiyakin na nasa kanila ang lahat ng kailangan nila para magawa iyon. Kung pakiramdam nila ay hindi pa sila handang magpatuloy, huwag silang piliting makibahagi nang lubos. Mahinahon silang hikayating gawin ang ilang bagay na hindi sila komportableng gawin, ngunit dahan-dahan lang. Umakma sa mga pangangailangan ng inyong anak, at hilingin ang patnubay ng Espiritu na malaman kung paano sila higit na matutulungan.