Ang Nabasag na Belen
Bilang isang bata, hindi ako makapaghintay sa araw ng Pasko. Nang inilabas ni Inay ang mga kahon ng mga dekorasyon, alam na namin ng lima kong kapatid na nagsimula na ang Pasko. Lagi naming tinatayo ang Christmas tree bilang isang pamilya. Naaalala ko pa ang mga palamuting gawang-kamay at ang maraming makikintab na pangsabit.
Ang isang bahagi ng mga dekorasyon, gayunman, ay iniingatan mismo ni Inay. Ginawan ng lola ko si Inay ng magandang puting porselanang belen. Bawat taon, inilalagay ni Inay ang belen sa isang malaking mantel sa sala. Natutuwa akong umupo at panoorin siyang inaayos ang bawat estatwa ng belen. Sa ilalim ng bawat estatwa, naglalagay siya ng maliit na puting ilaw mula sa isang tali ng mga ilaw. Idinidikit niya ang isang dulo ng ilaw sa mantel, at pagkatapos ay isinasaksak niya ito sa saksakan ng kuryente sa likuran ng upuan sa sulok. Nang umilaw na ang mantel, napakaganda nito!
Isang gabi, nang malapit na ang Pasko, medyo magugulo ang mga kapatid ko. Hinabol ng mga nakatatanda ang nakababata kong kapatid. Habang naghahabulan, nagtago siya sa likod ng silya sa tabi ng mantel. Nang makita siya ng mga kapatid ko, nagmadali siyang tumakas, pero napatid ng kanyang paa ang tali ng ilaw sa ilalim ng belen. Hindi kinaya ng mga maliit na piraso ng teyp ang hatak ng kanyang paa. Bumagsak ang babasaging estatwa ng belen mula sa mantel papunta sa mga pulang laryo sa ibaba, at nabasag.
Mabilis na pumunta si Inay sa salas. Nang makita niya ang nangyari, napaiyak siya at pumasok sa kanyang silid. Alam niya na aksidente lamang iyon, pero nangyari na ang pinsala.
Nang gabing iyon, nang matutulog na kami, kinuha ni Itay ang dustpan at walis at maingat na winalis ang mga nabasag na piraso. Pagkatapos ay buong magdamag niyang pinagdidikit-dikit ang mga piraso.
Kita pa rin ang mga marka ng basag sa mga estatwa ng belen. Nawawalan ng tainga ang baka. Nawawalan ng isang bahagi sa kanyang mukha ang isang pantas. Mas mukha pang yari sa pandikit kaysa porselana ang isang pastol sa ilang bahagi. Ngunit mahimalang naayos ang mga nabasag na estatwa.
Sinabi ni Lola na gagawa siya ng bagong belen, ngunit tinanggihan ito ni Inay. Sinabi niya na mas makabuhulan na ngayon sa kanya ang belen. Ito ay nagsisilbing simbolo ng katapatan ng kanyang mapagmahal na asawa at paalala ng ating mapagmahal na Tagapagligtas.
Habang nabubuhay ang bawat isa sa buhay na ito, tayo ay nababasag sa ilang paraan. Maaaring nadarama natin na nadurog na tayo at hindi na mabubuo pa. Ngunit mayroon tayong Tagapagligtas, at maaari tayong mabuong muli sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na mga kamay.