Mga Tanong at mga Sagot
Paano ako magdedesisyon kung magmimisyon ba ako?
Maging Handa na Magtanong nang Tapat
Ang pagmimisyon ay hindi talaga para sa lahat, pero lahat ay maaaring magtanong nang tapat kung dapat ba silang magmisiyon! Kung minsan hindi natin gustong umalis, kaya hindi na tayo nagtatanong o kung nagtatanong man tayo hindi natin binibigyan ng pagkakataon ang Espiritu na talagang makasagot. Dapat tayong magtanong nang tapat! Kung nahanap mo ang sagot dahil naghangad ka nang tapat, payapa at may tiwala mong magagawa ang anumang sabihin sa iyo ng Panginoon—huwag umalis o umalis.
Zoe B., edad 22, Utah, USA
Magsisi
Isa sa mga bagay na nakatulong sa akin na magpasiyang magmisyon ay matutuhan at maranasan ang tunay na pagsisisi. Nang pag-aralan ko ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at isinabuhay ang natutuhan ko, nakadama ako ng di-mailarawang kapayapaan. Nang madama ko ito, gusto ko ring madama ng iba ang kapayapaang iyon.
Elder Berdejo, edad 21, Arequipa, Peru
Manatiling may Ugnayan sa Panginoon
Masasagot ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga mensahe ng General Authority, o kahit lamang sa patotoo ng iba. Kaya maaari kang makakuha ng inspirasyon kung lagi ka lang nakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Samuel H., edad 14, Utah, USA
Tandaan mo Sasagutin ka Niya
Bago ako nagmisyon, hindi ko malaman kung aalis ba ako o hindi. Ipinasiya ko kalaunan na magtanong sa Ama sa Langit, na talagang nakaaalam sa lahat ng bagay na pinagdaraanan natin at nakakaalam kung kailangan nating magmisyon o hindi. Sa pamamagitan ng panalangin nakatanggap ako ng patunay na kailangan kong magpunta. Alam ko na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Magtanong ka sa Kanya, at sasagutin ka Niya ayon sa pananampalataya mo at sa kanyang kalooban at takdang panahon.
Sister Terpend, edad 21, Jamaica Kingston Mission
Umasa sa iyong pamilya at Patriarchal Blessing
Nakatulong sa pagdedesisyon ko ang aking pamilya at patriarchal blessing. Kasalukuyang nasa misyon ang kapatid kong babae, at ang kanyang halimbawa at patotoo sa gawaing misyonero ay nagbigay-inspirasyon sa akin. Lumakas din ang pagnanais kong maglingkod nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, na nagsasabi na maibabahagi ko ang ebanghelyo sa iba.
Juliana P., edad 16, Nevada, USA