Digital Lamang: Mga Young Adult
Espirituwal na Hypoxia at ang Kahalagahan ng Mabubuting Kaibigan
Ang awtor ay naninirahan sa Western Australia, Australia.
Noong buong kabataan ko, dumalo ako sa maraming fireside. Inaamin ko, hindi ko maalala ang lahat, maliban sa isang mensaheng lagi kong naiisip. Ikinuwento ng isa sa mga lider ko, na dating Air Force pilot, ang kanyang karanasan sa hypoxia—ang kawalan ng oxygen sa katawan ng isang tao, na nakakaapekto sa kanilang utak.
Ipinaliwanag ng lider na nanganganib ang mga Air Force pilot na maging hypoxic, kaya sumasailalim sila sa training kung saan sila lantad doon. Sa isang training session, ipinahubad sa kanya ang kanyang oxygen mask at ipinasuot itong muli nang maramdaman niya na nagiging hypoxic siya. Pero hindi siya kailanman muling nagsuot ng kanyang mask—kinailangan iyong isuot sa kanya ng kanyang mga kaibigan.
Pagkatapos ng training, ipinaliwanag ng mga kaibigan niya na pinanood nila siyang maranasan ang lahat ng palatandaan ng hypoxia—masamang pagdedesisyon, di-maunawaang pananalita, at pagkalito. Sabi niya, hindi niya nadama ang alinman sa mga sintomas na iyon at akala niya’y normal ang kanyang ikinilos, kahit nakikita ng kanyang mga kaibigan na nasa panganib siya.
Kung minsan sa buhay, maaari nating matagpuan ang ating sarili na tumatahak sa maling landas nang hindi palaging napapansin na hindi tama ang ginagawa natin. Maaari tayong makagawa ng masasamang desisyon, kumilos nang kakaiba, at lubos na malito sa buhay—tulad ng hypoxia. Madaling malihis sa landas tungo sa buhay na walang hanggan kung ang lahat ng nasa paligid mo ay hindi rin nakatuon sa pagtahak rito (tingnan sa 1 Nephi 8:23, 28; 3 Nephi 14:13–14). Nangyayari ito kapag may masasamang kaibigan ka na maaaring magpalala sa pagiging hypoxic mo. Mangyari pa, ang masasamang kaibigan ay maaaring hindi naman talaga masasamang tao—ang sinasabi ko ay yaong mga kaibigan na hindi muling magsusuot sa iyo ng oxygen mask mo at posible ka pa ngang akayin patungo sa espirituwal na panganib.
Dahil lumaki ako sa Australia, nalantad ako sa iba’t ibang klaseng kaibigan, sa loob at labas ng Simbahan—ang ilan ay hindi naging mabuti ang impluwensya. Naranasan ko ang mga sitwasyon kung saan natiyak ko na maaari akong manatili sa makipot at makitid na landas, ngunit dahil sa impluwensya ng ilang masasamang kaibigan, naging normal na sa akin ang mga kilos nila at sinimulan kong gayahin sila.
Natauhan ako nang makinig ako sa aking mga magulang at sa mga lider ng Simbahan. Alam ko na gusto nila ang pinakamainam para sa buhay ko at na mas nakikita nila kaysa sa akin na nagkakaroon na ako ng espirituwal na hypoxia. Sinikap kong tumayo palagi sa mga banal na lugar. Dumalo ako sa mga aktibidad ng mga young adult at nagsimba. Kahit gumugugol ako ng maraming oras sa unibersidad at sa trabaho, nakatagpo ako ng mabubuting kaibigan. Marami akong nakaibigan na hindi miyembro ng Simbahan, ngunit pumipili ng tama at magagandang huwaran. Halimbawa, nakilala ko ang isa sa pinakamatatalik kong kaibigan sa high school. Lagi siyang nagsisikap na maging mas mabuting tao, at kahit hindi siya miyembro, tinulungan niya akong mapansin ang mga pagkakataon na mali ang landas na pinipili ko para sa aking sarili. At iyan ang ginagawa ng isang matalik na kaibigan.
Sa Mga Kawikaan 13:20 mababasa rito, “Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao at ikaw ay magiging pantas: nguni’t ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.” Lubos akong sumasang-ayon—ang mga kaibigang ipinapalibot mo nang husto sa iyong sarili ang mga taong susundan mo sa huli. Tulad ng hindi ko natanto, maaaring hindi mo mapansin kung nagiging espirituwal na hypoxic ka na at maling landas o maling mga tao na ang sinusundan mo. Mahalagang makinig sa mga taong nagmamahal sa iyo at pumunta sa mga lugar na mag-aanyaya kapwa sa mabubuting tao at sa Espiritu. Nang gawin ko ang mga bagay na ito, natagpuan ko ang aking sarili na napapalibutan ng mas mabubuting kaibigan araw-araw—mga kaibigang sumusuporta sa akin sa aking mabubuting desisyon.
Saan ka man naroon sa mundo, maaari kang makahanap ng mga kaibigan na laging isusuot na muli sa iyo ang iyong oxygen mask kapag nahihirapan kang gawin ito nang mag-isa. Makakahanap ka ng mga kaibigang makakatulong sa iyo na madaig ang espirituwal na hypoxia na maaari mong maranasan. Mas malaki ang epekto ng iyong mga kaibigan sa buhay mo kaysa inaakala mo, kaya sumama ka sa mga taong pumipili nang tama. Ginawa ko ito, at binago ako nito at ang aking kinabukasan magpakailanman.