2019
Ibinahagi ng mga Miyembro ang mga Pagpapalang Nagmumula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 2019


Digital Lamang

Ibinahagi ng mga Miyembro ang mga Pagpapalang Nagmumula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang mga katotohanang matututuhan mo sa paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang resource sa pag-aaral ng banal na kasulatan ay mahalaga sa lahat.

Napakaraming naging pagbabago sa Simbahan kamakailan, at naging kamangha-manghang makita kung gaano pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain at tinutulungang ipalaganap ang ebanghelyo sa buong mundo! Ang isang partikular na malaking pagbabago, ang pagpapakilala sa resource na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon ay nagpala sa buhay ng napakaraming miyembrong iba-iba ang sitwasyon sa buhay. Mula sa mga mag-asawa hanggang sa mga balo, young adult, at nag-iisa sa buhay, makikita sa kanilang mga karanasan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na saan ka man naroon sa buhay, ang mga katotohanang matututuhan mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mahalaga sa lahat, at maaari kang magkamit ng mga pagpapala tulad ng pagpapatatag sa inyong pamilya, pagiging mas malapit sa Ama sa Langit, at pagkilala at pagtanggap ng personal na paghahayag. Narito ang ilang kuwento mula sa mga miyembro sa buong mundo na tinanong kung paano napagpala ng paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang resource sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang kanilang buhay:

“Mas marami ako talagang nababasang banal na kasulatan ngayon kaysa rati. … Napagpala nito ang aming pamilya at napagpala ako nito na mas pag-isipan iyon araw-araw. Mas maayos lang talagang gawin iyon sa buong linggo kaysa rati.” —Tim Peppers, Utah, USA

“[Lahat ng tao sa aming pamilya] ay tila mas abala at mas interesado sa [pag-aaral namin ng banal na kasulatan]. Mas nadarama namin ang Espiritu. … Napag-isa kami ng programang ito, at dahil dito ay mas nagkakasundo at mas nasisiyahan kaming makasama ang isa’t isa at igalang ang opinyon ng isa’t isa.” —Nicky Christensen, Kentucky, USA

“Ang karanasan ko sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay espesyal dahil ipinadarama nito sa akin na mas malapit ako sa aking Ama sa Langit. Sabi nila, hindi maaaring mahalin ang isang taong hindi mo kilala. At sa pag-aaral tungkol sa buhay ng mga propeta at ni Jesucristo, nakikilala at minamahal ko sila. Ipinadarama nito sa akin ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng bagay. … Mas namalayan ko ang maliliit na bagay na ginagawa Niya para sa akin bawat araw na hindi ko napansin noon.” —Carla Imelda Gutierrez, Mexico City, Mexico

Mapagpapala talaga ng “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang mga young single adult dahil hinahamon sila nitong ilabas ang mga banal na kasulatan bawat araw … at para madama lamang ang pagmamahal ng Diyos at makita kung ano ang nais Niyang matutuhan nila at kung ano ang inilalaan Niya para sa kanila.” —Angela Rivera, Kentucky, USA

“Nabago nito ang pagtingin ko sa aking karanasan sa araw ng Linggo, ngunit siguro ang mas mahalaga, nabago nito ang pagtingin ko sa aking karanasan sa aming pamilya. Pinapatatag namin ang isa’t isa at sama-sama kaming lumalago sa buong linggo.” —Kim Peterson, Utah, USA

“Nabago nito ang paraan ng pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. … Naeengganyo akong magbasa araw-araw. At maganda iyon. [Pakiramdam ko] ay ginawa ang mga lesson para sa akin.” —Maria Eugenia Cervin, Mexico City, Mexico

“Dahil sa programang ito, inisip ko ang sarili kong mga paniniwala at mas napalapit ako sa Ama sa Langit. Mas naging payapa ang buhay ko. Mas nagagalak ako sa paghahanda ng mga lesson ngayon. Bilang isang guro, pakiramdam ko ay gumagawa ito ng kaibhan sa buhay ng [mga estudyante ko].” —Jack Long, Kentucky, USA

“[Nang] umuwi ako mula sa aking misyon, naging malaking tulong ito para masanay akong mag-aral na kasama ang aking mga magulang araw-araw. [Dati,] kanya-kanya kami sa pag-aaral at wala kaming gayong koneksyon—hindi namin pinalakas ang isa’t isa. Ngunit simula nang mag-aral kami bilang isang pamilya, nakikita ko kung paano napalakas nang husto ang pamilya ko. … Tuwing mag-aaral kami, nadarama namin ang Espiritu.” —Alan Vela, Mexico City, Mexico

“Kapag inaanyayahan ko ang Espiritu sa buhay ko araw-araw at sa bawat aspeto nito, mas masaya ako. Pakiramdam ko ay mas maganda ang ginagawa ko. Para sa akin, ang malaman at madama talaga na nasa panig ko ang Panginoon ang pinakamainam na paraang natuklasan ko sa pagharap sa buhay ko na punung-puno ng mga kawalan ng katiyakan at kaalaman.” —Jenna Peterson, Kentucky, USA