Pag-unlad nang MAGKAKASAMA
Napagpala ang magkakapatid na Clarkson sa paglilingkod sa kanilang mga korum sa priesthood at pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Maraming nakatutuwang pagbabagong nangyari sa Simbahan dahil sa inspirasyong natanggap ni Pangulong Russell M. Nelson. Dalawa sa mga pagbabagong ito ang nagkaroon ng tuwirang epekto sa magkakapatid na Clarkson mula sa California, USA:
-
Maaari na ngayong maorden sa isang katungkulan sa priesthood ang mga kabataang lalaki sa Enero ng taon na sila ay mag-edad 12, 14 at 16.
-
Maaaring makakuha ng limited-use temple recommend ang mga kabataan simula Enero ng taon na sila ay mag-edad 12.
Para sa magkakapatid na Matthew (15), Andrew (13), at Isaac (11), ang mga pagbabagong ito ay naghatid ng mga bagong oportunidad na maglingkod at umunlad sa ebanghelyo ni Jesucristo—hindi lamang nang mag-isa kundi nang magkakasama.
Isang Araw ng mga Bagong Karanasan
Noong Enero 2019, sina Matthew, Andrew, at Isaac ay pawang nakaranas ng isang araw ng mga bagong karanasan. Sabi ni Andrew: “Sabay-sabay na naging priest si Matthew, naging teacher ako, at naging deacon si Isaac. Dati-rati sa edad na iyon ay hindi pa kami maaaring maorden sa gayong katungkulan.”
“Sa unang araw ko bilang priest,” sabi ni Matthew, “ako ang nagputul-putol ng tinapay para sa sakramento at nagbasbas dito. Medyo kabado ako. Medyo nanginginig noon ang mga kamay ko nang usalin ko ang panalangin, pero ang galing talaga.”
Bago sa Aaronic Priesthood, may pagkakataon na ngayon si Isaac na matuto mula sa mga kuya niya. “Masaya kasi kasama ko sina kuya at ang ilan sa mga kaibigan nila,” sabi ni Isaac. “Nadama ko ang Espiritu nang ipasa ko ang sakramento sa unang pagkakataon.”
“Bininyagan Ko ang Kapatid Ko!”
Bukod pa sa pagtanggap ng Aaronic Priesthood at pagpapasa ng sakramento, dumalo rin si Isaac sa templo para magsagawa ng mga binyag. Bininyagan muna siya ng kanyang ama, ngunit pagkatapos ay dumating ang isang sorpresa:
“Bininyagan ko ang kapatid ko!” sabi ni Matthew.
“Hindi ko inakalang si Matthew ang magbibinyag sa akin,” sabi ni Isaac. “Pero priest na siya ngayon, kaya puwede. Talagang napakasaya ng karanasang iyon. Nadama ko ang Espiritu Santo.”
Tuwing Umaga Bago Mag-seminary
Hindi lamang sina Matthew, Andrew, at Isaac ang magkakapatid sa pamilya Clarkson. May apat pa: sina Levi (9), Eli (7), Sam (4), at Titus (2), at isa pang ipapanganak.
Nang anyayahan ni Pangulong Nelson ang kababaihan ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018 na basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon, ipinasiya nina Matthew, Andrew, at Isaac, pati na ng kanilang ama at nakababatang mga kapatid, na suportahan ang Mommy nila. “Babasahin namin ito kasama kayo!” sabi nila. Tuwing umaga bago mag-seminary, gumising sila para sama-samang magbasa.
Isang Hamon na Nagpapabago ng Buhay
“Nang tanggapin namin ang hamong ito, akala ko matatagalan iyon,” sabi ni Andrew. “Nag-alala ako na baka wala akong sapat na oras para gawin ang lahat ng gusto kong gawin, tulad ng maggitara o bumarkada sa mga kaibigan ko. Ngunit natanto ko na hindi ganoon iyon. Habang lalo akong nagbabasa ng Aklat ni Mormon, parang lalo ako talagang nagkakaroon ng mas maraming oras. Natanto ko na kung patuloy akong magbabasa ng mga banal na kasulatan hangga’t maaari, balanse ang buhay ko. Mas marami akong oras sa maghapon.”
Mahirap ang pinagdaraanan ni Matthew nang magsimulang magbasa ang pamilya tuwing umaga. Sabi niya, “Bumabagsak ako sa eskuwela. Nahirapan ako sa personal na pag-aaral ko ng banal na kasulatan at sa kaugnayan ko sa Ama sa Langit, at inilihim ko iyon. Hindi ko sinabi iyon sa mga magulang ko.”
Gayunman, nang gumugol ng mas maraming oras si Matthew sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, nagsimulang mauna ang ebanghelyo sa kanyang buhay. Mas nagsikap din siya sa pag-aaral. Nagpakasipag siya at tumaas ang kanyang mga marka.
“Natanto ko rin kung gaano ako kamahal ng Ama sa Langit at ng mga magulang ko at kung gaano nila ako tinutulungan. At lumakas ang patotoo ko kay Jesucristo. Natulungan Niya akong daigin ang aking masasamang gawi at ituwid ang buhay ko. Masayang-masaya ako ng tinanggap namin ang hamon ni Pangulong Nelson bilang pamilya. Binago nito ang buhay ko.”
“Wow, ang Dami!”
Ang pagtanggap sa paanyaya ni Pangulong Nelson ay nagpalakas din sa patotoo ni Isaac. “Binilugan namin ang mga salitang Diyos, Panginoon, Manunubos, Tagapagligtas, at Cristo kapag nakita namin ang mga ito,” wika niya. “Sa araw na natapos kami, binuklat-buklat ko ang Aklat ni Mormon at nakita ko ang lahat ng salitang nabilugan ko. Naisip ko, “Wow, ang dami!” Hindi ko napansin kailanman kung ilan iyon. Nadama ko na mas espirituwal ako sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Natutuwa ako’t ginawa namin iyon.”
Mas Maganda ang Buhay
Namangha sina Matthew, Andrew, at Isaac na natapos ng kanilang pamilya ang Aklat ni Mormon sa loob lang ng dalawang buwan. “Karaniwa’y inaabot kami ng isang taon,” sabi ni Isaac. Magkakasama nilang natuklasan ang mga pagpapala ng pagsunod sa paanyaya ng propeta.
“Kung gagawin mo ang dapat mong gawin,” sabi ni Andrew, “tulad ng pagpapatibay ng kaugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pananatiling aktibo sa Simbahan, mas maganda ang buhay.”
Natulungan ng tatlong magkakapatid na ito ang isa’t isa na umunlad sa ebanghelyo. Sinusunod nila ang propeta, na nanawagan sa mga miyembro “na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, na … [gawin] at [tuparin ang] mga tipan nila sa Diyos, at na palakasin … ang kanilang mga pamilya.”1