2019
Pasko sa Iba’t ibang Panig ng Mundo
Disyembre 2019


Pasko sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

child hitting pinata

Maraming tao sa Mexico ang nagtitipon bilang mga pamilya at mga kaibigan upang basagin ang piñatas bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Pasko.

Ano ang ilan sa mga paborito mong tradisyon tuwing Pasko? Pagsasama-sama ng pamilya para mangaroling? Sledding na susundan ng mainit na cocoa? Pagpunta sa dalampasigan para mag-ihaw ng barbecue?

Sa kabila ng ipinapakita ng ilang mga kompanya na gumagawa ng mga holiday greeting card, ang Pasko ay ipinagdiriwang sa bawat klima, kultura, at lugar—kalimitan ay walang snow sa paligid o ang pinakabanayad na amoy ng isang puno ng pino.

Narito ang ilang paraan ng mga kabataan sa buong mundo sa pagdiriwang ng pagsilang ng Tagapagligtas.

family with Santa Claus

Mga paglalarawan ni Nina Hunter

“Ang buwan ng Disyembre sa pamilya ko ay kumakatawan sa pagkakaisa. Gustung-gusto naming tularan ang halimbawa ni Cristo, at lagi naming ipinapaalala sa aming sarili ang mga ginawa Niya para sa atin at ang maraming pagpapalang natanggap namin. Sa sala namin may isang larawan ng Tagapagligtas, na naliligiran ng mga 20 pulang puso.

“Kapag naghahanda na kaming buksan ang aming mga regalo sa hatinggabi, una ko munang pinagmamasdan ang pamilya ko at pagkatapos ay ang larawan ni Cristo. Ipinagmamalaki ko na may larawan Siya sa silid na iyon, at ipinagmamalaki ko na masasabi ko sa aking sarili na ang nais Niya para sa aming pamilya ay nangyayari.

“Plano kong maglingkod ng full-time mission. Ang mga sandaling pinagsasaluhan sa Pasko ay nagbibigay sa akin ng higit na pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo sa ibang tao. Sa ebanghelyo, may ganap na kakaibang nararamdaman sa Pasko. Dahil sa ebanghelyo, lahat ng bagay tungkol sa Pasko ay nakatuon kay Cristo at sa pamilya, at nagbibigay ito sa akin ng higit na kapanatagan.”

Myrium G., Paris, France

girl from India

“Sa Bangalore, malawakang ipinagdiriwang ang Pasko. Lahat ay nagdiriwang, maging sila man ay mga Hindu, Muslim, o Kristiyano. Maraming tao ang nag-aayos ng Christmas tree at nagsasabit ng mga bituin sa kanilang bahay.

“Isang tradisyon na sinusunod namin sa pamilya ay ang pakikibahagi sa kalendaryo ng Liwanag ng Sanlibutan na inilaan ng Simbahan. Gayon din, nagsisimulang maghanda ang nanay ko ng cake para sa mga kapitbahay, katrabaho, kaibigan, at pamilya. Sa Bisperas ng Pasko inaanyayahan namin ang lahat ng kapamilya namin sa tahanan namin. Sinisimulan namin ang Pamaskong debosyonal sa bahay nang 10:30 n.g., at kumakanta kami ng mga himno, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nanonood ng ilang video tungkol sa Pasko at nakikipagkwentuhan.

“Inaanyayahan namin ang maliliit na bata na ilagay ang sanggol na si Jesus sa kuna sa hatinggabi sa ika-25 ng Disyembre. Bumabati kami ng ‘Maligayang Pasko’ sa bawat isa sa aming mga kapamilya, hinahati-hati ang cake, buong magdamag na nakikipagkwentuhan at halos umaga nang natutulog nang araw na iyon.

“Nagpapasalamat kami na bahagi si Jesucristo ng aming buhay. Sa pamamagitan Niya natatagpuan namin ang walang hanggang kagalakan.”

Ankita K., Bangalore, India

volunteers

“Ang Pasko noong 2018 ang pinakamaganda kong Pasko. Dama ang pagsasama-sama at pakikipagkaibigan, at nakilahok ako sa isang kaganapan para sa mga refugee.

“Gumawa ako ng mga bota gamit ang pulang papel at itinuro ito sa mga taong inanyayahan sa hapunan, at naglagay ng isa sa bawat plato. Ang mga inanyayahan sa gabi ay nag-uwi ng mga backpack na puno ng mga gamit para sa personal hygiene upang maipamigay sa araw ng Linggo.

“Kasama ng mga refugee, pinanood namin ang isang pelikula tungkol kay Cristo bilang bahagi ng gabing iyon. Ito ay isang magandang Pasko na masayang alalahanin.”

Alexis L., Paris, France

kids in front of lemonade stand

“Itinayo namin ang tindahan ng limonada para magamit sa tag-init, ngunit ang Kapaskuhan ay isang magandang oportunidad para magamit ito upang magbigay ng mga cookie at mainit na tsokolate! Dama kong mas malapit ako sa aking Tagapagligtas kapag humanap ako ng mga paraan para mapaglingkuran ang iba.”

Brooklyn H., Alberta, Canada

kids with a dog

“Masaya akong kasama ang aking mga kapatid, lalo na kapag naglalaro kami. Tuwing Kapaskuhan may kandila kami bawat gabi sa hapunan. Mapayapa sa pakiramdam. Ang liwanag ng kandila ay nagpapaalala sa akin sa ating Tagapagligtas, na siyang Ilaw ng Sanlibutan.”

Dane H., Alberta, Canada

young man surfing

“Itinuturing ng maraming tao ang mga bundok bilang isang lugar ng kapayapaan, kung saan sila nakikiisa sa kalikasan at tinutuklas ang kagandahan ng mga likha ng Diyos. Ngunit dito sa Hawaii, nadarama namin at pinahahalagahan ang kapangyarihan ng Diyos sa dagat at sa lahat ng kamanghaang taglay nito.

“Anumang oras na kasama mo ang pamilya mo at ang kalikasan ay isang karanasan na pagsasama-sama. Lumalayo ka mula sa mga panggagambala sa buhay at nagtutuon sa kagandahan sa paligid mo, sa mga bagay na nakikita mo at sa mga tao na kasama mo.

“Sa araw ng Pasko higit na nadarama ang kaugnayan natin sa mundong ito at sa ating mga pamilya, habang inuunawa natin na pareho silang may malaking ginagampanan sa plano na inihanda ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”

Diane A., kasama ang litrato ni Zyrus A., Hawaii, USA

family in front of temple replica

“Ang pamilya ko ay palaging nakikilahok sa ilang uri ng aktibidad sa paglilingkod sa Pasko. Isang bagay na ginagawa namin ay magbigay ng pagkain at mga gamit para sa mga nangangailangan. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, ipinapakita namin ang pagmamahal ng Diyos. Itinuro sa akin ng mga magulang ko ang kahulugan ng Pasko sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa at paglilingkod sa iba. Nakatulong ang karanasang ito sa akin na maunawaan ang papel na ginagampanan ko sa mundo at ang tunay na kahulugan ng Pasko.”

Aaron S., Bangalore, India

young man

“Kung minsan, dahil isa kaming malaking pamilya, nagsasama-sama kaming lahat sa bahay na ito at sa katabing bahay. Mayroon kaming musika. Nagsasayawan kami. Laging kaming magkasama bilang isang pamilya hangga‘t maaari sa buwan ng Disyembre, dahil wala kaming pasok sa paaralan.

“Naglalaro kami. Nag-uusap kami. Nagtatawanan kami. Kumakain kami. Iyon ang tradisyon. Kapag nasa paaralan ako, wala akong oras para gawin ang lahat ng mga bagay na iyon kasama ang pamilya ko. Kaya sinisikap naming ipagpatuloy ang mga kaugaliang ito. Ang pamilya ang pinakamahalagang bagay. Ang mga tradisyong ito ay tinutulungan kaming manatiling sama-sama bilang pamilya.”

Juan C., Barranquilla, Colombia

“Pagkatapos ng apoy natanto ko na ang pinakamahahalagang bagay ay ang iyong pamilya at mga kaibigan. Bagamat wala kaming maraming regalo, talagang masaya na makasama ang pamilya. Masaya pa rin ito para sa amin, kahit hindi ito karaniwang Pasko.”

Rachel W.

“Tumulong ako na ibaba at ayusin ang ilang truckload ng mga bigay na laruan. Pagkatapos ay binuksan namin ang pintuan at pinapasok ang lahat. Nakakatuwa talagang panoorin ang lahat ng mga bata. Nagniningning ang mga mata nila. Sabik na sabik sila! Nagalak ako na makita silang napakasaya at napakapayapa matapos pagdaanan ang isang bagay na kakila-kilabot.”

Audrey V.

“Napakagandang tingnan na ang bawat isa ay nagsama-sama at umaasa sa isa’t isa. … Natutunan ko na ang mga materyal na bagay ay hindi gaanong importante. Paglilingkod, pamilya, at oras na magkakasama ang mas mahalaga. Ang buhay ay mahalaga. Maaaring magbago ang mga bagay sa hindi magandang paraan, kaya kailangang tamasahin ang magagandang pagkakataon habang naririto pa. Tayo ang mga gumagawa ng magagandang pagkakataong iyon!”

Billy A.