2019
Ang Misyon ni Jesucristo na Ipakita ang Pag-ibig ng Diyos
Disyembre 2019


Ang Huling Salita

Ang Misyon ni Jesucristo na Ipakita ang Pag-ibig ng Diyos

Mula sa isang mensahe noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2003.

Sa maraming kahanga-hangang layunin sa buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo, isang pinakamalaking aspeto ng misyon na iyon ay kadalasang di napapansin. Hindi ito lubos na nauunawaan ng Kanyang mga tagasunod noon, at marami sa mga makabagong Kristiyano ang hindi alam ang ibig sabihin nito ngayon, ngunit ang Tagapagligtas na mismo ang nagsalita nito nang paulit-ulit at mariin. Ito ang dakilang katotohanan na sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.

Pumarito si Jesus upang isamo sa tao na mahalin ang kanilang Ama sa Langit tulad ng walang humpay na pag-ibig Niya sa kanila. Ang plano, kapangyarihan, at kabanalan ng Diyos, oo, maging ang galit at paghatol ng Diyos ay ipinaunawa sa kanila. Ngunit ang pag-ibig ng Diyos, ang taimtim na katapatan Niya sa Kanyang mga anak, ay hindi pa nila ganap na naunawaan—hanggang sa dumating si Cristo.

Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na “maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan.”1 Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, “Ito ay ang habag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin.”

Ibinabahagi ko ang personal na patotoo ng isang personal, at buhay na Diyos, na kilala ang ating pangalan, dinidinig at sinasagot ang mga panalangin, at nagmamahal sa atin nang walang hanggan bilang mga anak ng Kanyang Espiritu. Pinatototohanan ko na sa gitna ng nakamamangha at kumplikadong gawain na likas sa sansinukob, hangad Niya ang ating sariling kaligayahan at kaligtasan sa lahat ng iba pang makadiyos na mga alalahanin.

Sa diwa ng banal na pagka-apostol sinasabi ko tulad ng pagkasabi noon ng isang humawak ng katungkulang ito: “Narito [kung gayon] ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan. Minamahal, kung lubos tayong minahal ng Diyos, dapat din nating mahalin ang isa‘t isa” (1 Ni Juan 4:10–11)—at mahalin siya magpakailanman.

Tala

  1. Lectures on Faith (1985), 42.