2019
Hindi mo Nais na Maging Mapanglait na Bituin
Disyembre 2019


Hindi mo Nais na Maging Mapanglait na Bituin

Uso ang pangungutya—maliban sa paningin ng Panginoon.

young man with guitar

Paglalarawan ni David Stoker

Maaari mo bang pangalanan ang ilang palatandaan ng mga huling araw? May ilang kilalang-kilala: ang Panunumbalik, ang paglabas ng Aklat ni Mormon, iba’t ibang sakuna, ang paglaganap ng ebanghelyo, pangkalahatang kasamaan. Naririto ang isang partikular na palatandaan na maaaring hindi mo naisip: panlalait.

Nabanggit ng dalawang manunulat ng Bagong Tipan na may mga mangungutya sa mga huling araw (tingnan sa 2 Pedro 3:3; Judas 1:18). Ibig sabihin, may mga taong kukutyain at pagtatawanan si Jesucristo, Kanyang mga turo, at Kanyang mga tagasunod. Ngunit bilang kanyang mga disipulo, sinabi sa atin na maging matiisin at matiyaga (tingnan sa 2 Pedro 3:11–15), umaasa sa Kanyang pagparito at sa katuparan ng Kanyang mga pangako, nananatili sa Kanyang awa at pagkakaroon ng habag sa iba (tingnan sa Judas 1:22).

Siyempre, hindi na bago ang pangungutya, ngunit tila tiyak itong lumalaganap. At kahit na maaaring hindi mo kinukutya ang mga bagay ng Diyos, ang mapanlait na pamumuhay ay hindi dapat gawin ng isang disipulo ni Jesucristo.

Patuloy na mangutya? Hindi na, Salamat.

Ang ibig sabihin ng pangungutya ay manghiya, gawing katatawanan, o manghamak. Kung minsan ay kabilang dito ang paggaya sa kilos o sinasabi ng iba, tulad ng paggaya sa isang tao gamit ang nakakatawang boses o pinalabis na kilos o paglalarawan. Nakita na nating lahat ito. Makikita ito kahit saan. Tila ba kinagigiliwan ito ng mga tao.

Ngunit hindi ng Panginoon.

Walang makikita sa mga banal na kasulatan na sinang-ayunan ang pangungutya. Sa katunayan, ito ay tuwirang isinusumpa. Halimbawa, itinuro ng Nakababatang Alma:

“Mayroon bang isa man sa inyo na gumagawa ng pangungutya sa kanyang kapatid … ?

“Sa aba sa gayon, sapagkat … kailangan niyang magsisi o hindi siya maaaring maligtas!” (Alma 5:30–31).

Ang pangungutya ay sintomas ng pangunahing kasalanan ng kapalaluan. At ang pangunahing damdamin sa likod ng pangungutya ay pag-aalipusta—pagtingin nang mababa sa iba—ibig sabihin, mababang pagtingin sa mga tao, na hindi lamang pagsalungat sa sinasabi o ginagawa nila.

Hindi ito ang nais ng Diyos. Sinabi niya, “Pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili” (Doktrina at mga Tipan 38:24). Lahat tayo ay magkakatumbas ang halaga. Itinanong ni Alma, “Kayo ba ay magpipilit na ipalagay na kayo ay nakahihigit sa iba[?]” (Alma 5:54). Ang ganoong pag-iisip ay humahantong sa pangungutya. Ang pangungutya sa mga tao ay isang paraan na sinisikap ng mga tao na ipakitang nakahihigit sila kaysa sa iba.

Bukod pa riyan, karaniwang sinisikap ng mga nangungutya na pilitin ang iba na sumama sa kanila. Inilarawan sa panaginip ni Lehi ang tungkol dito. Ang mga tao sa malaki at maluwang na gusali ay “nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri” (1 Nephi 8:27). Ang mga daliring nakaturo ay naglilikha ng kami-laban-sa-kanila na linya, sinasabing, “Mas mainam na kabilang ka sa amin, o mapapahiya ka at pagtatawanan.” Tulad ng kalungkutan, nais ng pangungutya ang may kasama. Dahil ang totoo, ang palalo ay madalas na hindi mo aakalaing nangangamba.

Maging Maamo. Huwag Mangutya.

Sa lahat ng mga pangungutyang nagaganap sa paligid, nakakatuksong sumali. Mukhang nagkakasayahan sila, tama? Ginagawa ito ng lahat, lalo na sa internet at sa social media. Maaari pa tayong matuksong labanan nang apoy sa apoy—gamitin ang sariling sandata ng mundo laban dito, ituro din ang daliri sa mga taong nasa malaki at maluwang na gusali para malaman nila ang pakiramdam ng ginagawa nila sa iba.

Ngunit muli, hindi iyan ang paraan ng Panginoon.

“Huwag manlait sa mga yaong nanlalait” (Doktrina at mga Tipan 31:9).

“Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig” (Mateo 5:44).

Mataas itong pamantayan kaysa sa pamantayan ng mundo, na tila nagsasabing, “Kutyain ang lahat ng tao at bagay na kakaiba sa inyo sa anumang paraan.”

Maaaring mahirap tiisin ang pangungutya ng iba at hindi tumugon nang may pangungutya, dahil ang kultura natin ay pinaniniwala tayo na ang pinakamatatalino at pinakamasasakit na panlalait ang nanalo sa paligsahan sa atensyon at paggalang ng mga tao. Ngunit hindi totoo iyan. Itinuro sa atin ng Panginoon—at ipinakita sa atin—na ang pagmamahal, kaamuan, tiyaga, at mahabang pagtitiis ang kanyang paraan.

Kung tayo ay tunay na mga tagasunod ni Jesucristo, hindi natin kukutyain ang ating mga kapatid, dahil sa ang ating puso ay mapupuno ng Kanyang dalisay na pag-ibig (tingnan sa Moroni 7:47–48).