Paglilingkod sa Mga Bata at Kabataan
Ang lahat ng nakatatanda, anuman ang kanilang tungkulin, ay makakatulong sa pag-unlad ng mga bata at kabataan sa kanilang ward.
Binigyan ng mapagmahal na Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng natatanging mga talento, kaloob, hilig at interes. Tinutulutan tayo ng mga talentong ito na paglingkuran ang mga nakapaligid sa atin habang hinahangad nating maging “isang puso at isang isipan” sa pagsunod kay Jesucristo (Moises 7:18). Kabilang dito ang pag-minister at paglilingkod natin sa mga bata at kabataan.
Isa ka mang guro sa Primary, lider ng kabataan, o ministering brother o sister, o kahit nakikipag-ugnayan ka lang sa mga bata at kabataan sa simbahan, may kapasidad kang magbigay ng inspirasyon, maghikayat, magpalakas, at tumulong sa mga bata at kabataan na maabot ang nais ng Ama sa Langit para sa kanila.
Ang panghihikayat at paglilingkod mo ay maaaring maging bahagi ng aspeto na pagsuporta ng Simbahan sa mga gawaing nakatuon sa tahanan, na isinasaisip na ang mga magulang ay may sagrado at pangunahing papel para gabayan at suportahan ang pag-unlad ng kanilang mga anak. Iyan ay angkop kahit na ang mga magulang ay hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw o kung hindi na sila aktibo sa Simbahan. Ano kung gayon ang mga katangian ng pagsuportang iyan ng Simbahan, at paano makakatulong ang bawat isa sa atin?
Makakatulong ang apat na ideyang ito:
1. Kilalanin ang mga bata at kabataan.
Mahirap suportahan ang iba kapag hindi mo alam kung anong suporta ang kailangan nila. Sapat ba ang pagkakakilala mo sa mga bata at kabataan sa paligid mo para malaman kung ano ang mga mithiing pinagsisikapan nila, ano ang tulong na maaaring kailanganin nila, o ano ang mahalaga sa kanila? O kaya naman, alam mo rin ba ang mga kalakasan at interes nila para makatulong ka na pagsamahin ang mga indibidwal kapag dumating ang pagkakataong kailangan nilang suportahan ang isa’t isa?
Halimbawa, si Jessica Ocampo mula sa Guatemala ay nag-alok na bantayan si David na anak ng kaibigan niyang si Lisbett habang naglilingkod si Lisbett sa Young Women camp. Tinanong ni Jessica kung may magagawa ba siya para matulungan si David sa oras na iyon, at sinabi ni Lisbett na hindi pa natututong magbisikleta si David. Niyaya ni Jessica ang mga anak niyang lalaki na tumulong, at tinuruan nila si David na magbisikleta. Alam din nila na naglalaro si David sa basketball team ng ward at naghahanda para sa tournament, kaya maghapon nila siyang tinulungan na maghanda. Hindi man kaagad humusay sa basketball si David sa isang araw na iyon, pero sabi niya, “ipinakita nila sa akin na talagang may malasakit sila.” Sabi pa niya, “Nasa telepono ko pa ang video noong natuto akong magbisikleta.”
Iba pang mga Ideya
-
Tiyakin mo na may pahintulot ka ng mga magulang para sa anumang pakikipag-ugnayan mo sa kanilang mga anak sa mga klase o aktibidad sa labas ng Simbahan. Iwasan ang mga sitwasyon na kayo lang ng isang bata o tinedyer ang magkasama. Magsama ng kahit isa sa mga magulang ng bata habang sinusuportahan mo ang kanilang anak. Kailangan ding mag-ingat para sa kaligtasan ng lahat.
-
Batiin ang mga bata at kabataan at kanilang mga magulang sa Simbahan. Alamin ang kanilang mga pangalan at kumustahin sila.
-
Itanong sa mga pinaglilingkuran mo at kanilang pamilya kung ano ang pinakakinasasabikan nila, ikinakatakot, o kinahihiligan. Alamin ang mga bagay na pinaghahandaan nila. Pagkatapos ay kausapin sila at ipagdasal din kung may anumang magagawa ka para masuportahan sila.
2. Ibahagi ang mga talento mo at maghanap ng mga koneksyon na makakasali ang iba.
Matagal na panahon ang ginugol mo sa pagpapahusay ng mga kaalaman at talento mo. Nagkaroon ka ng mga kakaibang karanasan na nagbibigay sa iyo ng mga ideya at kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa. Maibabahagi mo ba ang mga talento at karunungan mo sa mga bata o kabataan para matulungan sila sa pinaplano nilang pag-unlad? Matutulungan mo ba silang makita ang mga oportunidad na makakatulong sa kanila sa gusto nilang pag-unlad?
Halimbawa, si Olalekan Babatunde sa Osun, Nigeria, ay isang abogado. Nakibahagi ang stake nila sa paunang testing para sa mga bata at kabataan. Nang mabalitaan niya na nahikayat nito ang isang binatilyo sa ward nila na maging abogado, kinontak siya ni Olalekan para suportahan. Tinutulungan siya ni Olalekan ng dapat gawin para makapaghanda sa pag-aaral ng abogasya.
Nakita ni Maria Vashchenko na taga Kyiv, Ukraine, ang impluwensya ng isang babae na nakapansin sa kakayahan sa musika ng kanyang 13-taong-gulang na anak. Inanyayahan ng babae ang kanyang anak na tumugtog ng piyano sa kultural na pagdiriwang bago ang paglalaan ng Kyiv Ukraine Temple. Matibay na ang desisyon niyang tumigil na sa pagtugtog nang panahong iyon, pero pinaunlakan pa rin niya ang paanyaya.
“Malaking pagbabago ito sa buhay ng anak ko,” sabi ni Maria. “Napakaganda ng konsyerto! Pagkatapos, sinabi namin sa aming anak na lalaki na maaari na niyang iwanan ang musika, pero sinabi niyang hindi na niya ito gagawin. Nagtapos siya sa music school nang may matataas na grado, napakahusay na nakatugtog ng ilan pang instrumento, nagsimulang magsulat ng musika at mga awitin, at bumuo ng grupo ng mga musikero. Nang pumunta na siya sa misyon, nag-organisa siya ng mga aktibidad na may kinalaman sa musika, tumugtog ng mga himno sa sacrament meeting, kinumpasan ang koro ng mga missionary, at tinuruan ang mga missionary na tumugtog ng gitara at piyano. Mananatili kaming nagpapasalamat sa sister na iyon na tumulong na mapaunlad ng aking anak ang kanyang mga talento.” Ang maimpluwensyang sister na iyon ay nakagawa ng kaibhan sa simpleng pagkilala sa mga talento ng binatilyo at pag-anyaya sa kanya na gamitin iyon para mapagpala ang iba.
Iba pang mga Ideya
-
Magprisintang turuan ang mga bata at kabataan sa isa sa kanilang mga aktibidad, o ipabahagi ang kanilang mga talento sa Relief Society o elders korum.
-
Basahing muli ang iyong patriarchal blessing para mapag-isipan mo ang mga talento at kaloob ng Espiritu na makakasuporta sa pag-unlad ng iba—pati mga kaloob na maaaring hindi nakikita ng iba, gaya ng pagiging mabuting tagapakinig.
-
Gumawa ng listahan ng mga kalakasan ng indibidwal—kalakasan mo at ng iba—para handa kang suportahan ang iba na maaaring makinabang sa kaalaman ng iba pa. Maaaring makatulong na magkakasamang gawin ito lalo na ng mga pamilya, ward council, at mga klase ng kabataan at mga panguluhan ng korum.
3. Maging interesado at manghikayat.
Tandaan kapag may importanteng magaganap sa mga bata o kabataan, pagkatapos ay kumustahin ito. Padalhan sila ng maikling sulat na magpapalakas ng loob nila. Kumustahin kung ano ang nangyari sa mga plano nila nang linggong iyon. Ikatuwa na umuunlad sila at hikayatin silang magpatuloy kahit may mga kabiguan. Hindi mo kailangang malaman ang mga detalye para maipaalam sa kanila na handa kang suportahan sila.
Dati, noong sinisikap kong makagawian na matulog nang maaga, narinig ng isang miyembro na binanggit ko sa mensahe ko isang Linggo na inaasam kong makatulog nang sapat nang linggong iyon. Tinanong niya ako kung ano ang gagawin ko para magawa ito. Nangako ako na mahihiga sa kama sa gusto kong oras ng kahit isang gabi sa linggong iyon. “Tatanungin kita tungkol diyan sa susunod na linggo,” sabi niya. Naniwala ako na gagawin niya, kaya tinupad ko ang aking pangako.
Nangyari nga ang inaasahan ko, kinalingguhan sa simbahan, itinanong niya kung natupad ko ang mithiin ko (natupad ko nga!), at itinanong niya kung gagawin ko ba ito ulit sa susunod na linggo. Alam ko na mangungumusta siya, kaya ginawa ko ito. Nang sumunod na linggo, hinikayat niya akong tuparin ko ang mithiin ko nang dalawang beses sa linggong iyon. At nang sumunod pa? Sinabi niya gawin ko ito nang tatlong gabi. Patuloy niya akong hinikayat bawat linggo hanggang sa makagawian ko na ang plano ko.
Ilang taon kalaunan, ikinuwento ko ito sa isa ko pang kaibigan sa simbahan dahil hindi ko na nagagawa ang magandang gawaing iyon at alam ko na kailangan kong magsimulang muli. “Tutulungan kita na maging responsable,” sabi niya. Kaya bawat linggo kinukumusta niya ako hanggang sa makagawian ko na muli ang matulog nang sapat. Sa paglipas ng mga taon, natulungan ako ng pamilya at mga kaibigan sa mithiin kong makatulog nang sapat, pero ang dalawang pagkakataon na pinakaepektibo—ito ay nang tulungan ako ng mga miyembro ng ward—na hindi ko naman gaanong kapalagayang-loob—na magtakda at tumupad ng mithiin at pagkatapos ay nangungumusta sa nakahihikayat na paraan kung nasusunod ko ito.
Iba pang mga Ideya
-
Kung ang isang tao ay magbabahagi ng kanyang talento sa isang pagtatanghal o laro, dumalo at palakasin ang kanilang loob.
-
Pansinin ang pag-unlad ng iba at purihin sila sa kanilang mga pagsisikap, tulad ng pagsasalita sa Simbahan o pagtuturo ng lesson, sa aktibidad na tumulong sila na planuhin, proyektong pangserbisyo na nilahukan nila, o nakamit sa paaralan. Ang mga sinasabi mo ay magbibigay sa kanila ng mahalagang motibasyon para ipagpatuloy ang paghahangad sa kanilang mga mithiin sa mahihirap na panahon.
-
Kung nagpaplano ka ng mga aktibidad ng pamilya para tulungan ang iyong mga anak na matuto ng mga bagong kasanayan, isiping anyayahan ang iba na sumali, lalo na kung ito ay nauugnay sa kanilang mga mithiin.
4. Sundin ang Espiritu Santo
Higit sa lahat, hangaring mapatnubayan ng Espiritu Santo. Alam ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang iyong kalakasan at ang mga pangangailangan ng iba. Alam nila ang iyong kapasidad na makatulong sa mga bata at kabataan sa iyong buhay. Ipagdasal na malaman kung paano mo masusuportahan at tutulungan ang mga taong iyon. Pagkatapos ay kumilos nang may pananampalataya. Gagabayan ka ng Espiritu sa iyong mga maliliit at simpleng pagsisikap upang maisagawa ang mga himala (tingnan sa Alma 37: 6).
Ang panawagan ng Tagapagligtas na maging “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18) ay nag-aanyaya sa atin—bata at matanda—na makiisa sa ating pagsisikap na maging katulad ng Tagapagligtas at tularan ang Kanyang mga paraan. Sa pag-minister at paglilingkod natin sa mga bata at kabataan at paghahangad na tulungan silang umunlad, makikita nating umuunlad din bilang kapalit nito.
Iba pang mga Ideya
-
Mamuhay nang karapat-dapat na makasama ang Espiritu Santo.
-
Mag-ukol ng oras bawat linggo na mapag-isipang mabuti kung paano suportahan ang pag-unlad ng mga bata at kabataan sa iyong mga kamag-anak, ward, o komunidad.
-
Umasa sa Espiritu habang pinagsisikapan mo ang iyong personal na pag-unlad. Matuto mula sa kabiguan at patuloy na umunlad sa pamamagitan nito, hinahangad na tulungan ka ng Espiritu Santo sa iyong pag-unlad.