Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
Inihahanda ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mundo para sa araw na “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman [tungkol sa] Panginoon” (Isaias 11:9).
Nakakalahok tayo pareho sa patuloy na Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kamangha-mangha ito! Hindi ito gawa ng tao! Nagmumula ito sa Panginoon, na nagsabing, “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (Doktrina at mga Tipan 88:73). Ang gawaing ito ay pinalakas pa ng isang sagradong pahayag 200 taon na ang nakalipas. Binubuo lang ito ng walong salita: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).
Sinambit ng Diyos na Maykapal, inilapit ng pahayag na iyan ang binatilyong si Joseph Smith sa Panginoong Jesucristo. Ang walong salitang iyon ang nagpasimula sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Bakit? Dahil ang ating buhay na Diyos ay isang mapagmahal na Diyos! Nais Niyang magtamo ang Kanyang mga anak ng kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan! Ang dakilang gawain sa mga huling araw kung saan kabahagi tayo ay itinatag, sa takdang panahon, para pagpalain ang isang mundong naghihintay at nananangis.
Tuwing babanggitin ko ang Panunumbalik napupuspos ako ng galak. Ang tunay na pangyayaring ito ay talaga namang kagila-gilalas! Kamangha-mangha! Makapigil-hininga! Gaano kagila-gilalas ito na pati ang mga sugo ng langit ay dumating upang bigyan ng awtoridad at kapangyarihan ang gawaing ito?
Ngayon, ang gawain ng Panginoon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mabilis na sumusulong. Ang Simbahan ay magkakaroon ng hinaharap na mas maganda kaysa inakala ninuman. “Hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, … [ang] mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya” (I Mga Taga Corinto 2:9; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:10).
Tandaan na ang kabuuan ng ministeryo ni Cristo ay nasa hinaharap. Ang mga propesiya tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay matutupad pa lamang. Nagtatayo pa lamang tayo hanggang sa pinakamahalagang bahagi ng huling dispensasyong ito—kapag nagkatotoo na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Pagtitipon ng Israel sa Magkabilang Panig ng Tabing
Ang isang kinakailangang pasimula sa Ikalawang Pagparitong iyon ay ang pinakahihintay na pagtitipon ng ikinalat na Israel (tingnan sa 1 Nephi 15:18; tingnan din sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Ang doktrinang ito ng pagtitipon ay isa sa mahahalagang turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinahayag ng Panginoon: “Magbibigay ako sa inyo ng palatandaan … na aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion” (3 Nephi 21:1).
Hindi lamang natin itinuturo ang doktrinang ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito. Ginagawa natin ito sa pagtulong nating tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing. Bilang bahagi ng nakaplanong tadhana ng mundo at ng mga naninirahan dito, ang ating yumaong mga kamag-anak ay tutubusin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15). Ang paanyayang “lumapit kay Cristo” (Jacob 1:7; Moroni 10:32; Doktrina at mga Tipan 20:59) ay maaari ding ipaabot nang may awa sa mga namatay na walang kaalaman ng ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:6–8). Gayunman, kailangan sa bahagi ng kanilang paghahanda ang mga pagsisikap ng iba sa lupa. Nagtitipon tayo ng mga pedigree chart, gumagawa ng family group sheet, at nagsasagawa ng gawain sa templo para sa mga patay upang matipon ang mga tao sa Panginoon at sa kanilang pamilya” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29; I Ni Pedro 4:6).
Ang mga mag-anak ay ibubuklod nang sama-sama sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 2:2–3; 49:17; 138:48; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Isang pag-uugnay ang dapat mabuo sa pagitan ng mga ama at ng mga anak. Sa ating panahon, ang buo, kumpleto, at ganap na pagsasama-sama ng lahat ng dispensasyon, susi, at kapangyarihan ay pag-uugnay-ugnayin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18). Para sa mga sagradong layuning ito, ang mga banal na templo ay makikita na sa maraming bahagi ng daigdig. Muli kong binibigyang-diin na maaaring hindi mabago ng pagtatayo ng mga templong ito ang inyong buhay, ngunit tiyak na mababago ito ng paglilingkod ninyo sa templo.
Paparating ang panahon na ihihiwalay ang mga hindi sumusunod sa Panginoon sa mga taong sumusunod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 86:1–7). Ang pinakaligtas na kasiguruhan natin ay ang patuloy na maging karapat-dapat sa pagpasok sa Kanyang banal na bahay. Ang pinakadakilang regalo na maaari ninyong ibigay sa Panginoon ay ang manatili kayong walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, na karapat-dapat na pumasok sa Kanyang banal na bahay. Ang ipagkakaloob Niya sa inyo ay kapayapaan at katiwasayan sa pagkaalam na karapat-dapat kayong humarap sa Kanya, kailan man dumating ang pagkakataong iyon.
Bukod sa gawain sa templo, ang pagdating ng Aklat ni Mormon ay palatandaan sa buong mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa niya kina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Genesis 12:2–3; 3 Nephi 21; 29). Ipinapahayag ng Aklat ni Mormon ang doktrina ng pagtitipon (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 10:14). Dahil dito nalalaman ng mga tao ang tungkol kay Jesucristo, naniniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumasapi sa Kanyang Simbahan. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap.
Mahalaga rin ang gawaing misyonero sa pagtitipong iyon. Ang mga lingkod ng Panginoon ay humahayo na ipinapangaral ang Panunumbalik. Sa maraming bansa nagsaliksik na ang ating mga miyembro at missionary tungkol sa mga ikinalat na Israel; hinanap na nila ang mga ito “sa mga bitak ng mga malaking bato” (Jeremias 16:16); at nagtanung-tanong na sila tungkol sa mga ito, tulad noong unang panahon.
Iniuugnay ng gawaing misyonero ang mga tao sa tipan na ginawa ng Panginoon kay Abraham noong unang panahon:
“Ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa;
“At aking pagpapalain sila sa pamamagitan ng iyong pangalan; sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama” (Abraham 2:9–10).
Ang gawaing misyonero ay simula lamang ng pagpapala. Ang katuparan, ang kaganapan, ng mga pagpapalang iyon ay dumarating kapag ginawang perpekto ng mga lumusong sa mga tubig ng binyag ang kanilang buhay hanggang sa makapasok na sila sa banal na templo. Ang pagtanggap ng endowment doon ay nagbubuklod sa mga miyembro ng Simbahan sa tipang Abraham.
Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Lahat ng miyembro ng Simbahan ay may access sa mga doktrina, ordenansa, susi ng priesthood, at pagpapala ng ebanghelyo, saan man sila naroon. Ang mga tao ay maaaring “[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon” (3 Nephi 20:13) nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan.
Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. Ipinahayag ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:6; 11:6) sa bawat lugar kung saan isinilang at naninirahan ang Kanyang mga Banal. Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea. Ang Sion ay “ang may dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21). Ito ay nasa kinaroroonan ng mabubuting Banal.
Ang espirituwal na kapanatagan ay laging nakasalalay sa kung paano namumuhay ang isang tao, hindi kung saan siya naninirahan. Ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat sa pagsampalataya kay Jesucristo at gagamitin natin ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi, magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong madala ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa , lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Ang Ikalawang Pagparito
Babalik ang Panginoon sa lupaing ginawa Niyang banal sa Kanyang misyon dito sa mortalidad. Matagumpay, muli Siyang darating sa Jerusalem. Nakasuot ng pulang bata bilang simbolo ng Kanyang dugo, na dumaloy mula sa bawat butas ng balat, babalik Siya sa Banal na Lungsod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:46–48). Doon at sa ibang lugar, “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao” (Isaias 40:5; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:23). Ang Kanyang “pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).
Mamamahala Siya mula sa dalawang kabisera ng mundo: isa sa lumang Jerusalem (tingnan sa Zacarias 14) at ang isa pa sa Bagong Jerusalem na “itatayo sa lupalop ng Amerika” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Mula sa mga sentrong ito gagabayan Niya ang mga gawain ng Kanyang Simbahan at kaharian. Isa pang templo ang itatayo sa Jerusalem. Mula sa templong iyon maghahari Siya magpakailanman bilang Panginoon ng mga Panginoon. Lalabas ang tubig mula sa ilalim ng templo. Ang mga tubig ng Dead Sea ay gagaling. (Tingnan sa Ezekiel 47:1–8.)
Sa araw na iyon tataglayin Niya ang mga bagong katawagan at paliligiran Siya ng natatanging mga Banal. Kikilalanin Siya bilang “Panginoon ng mga panginoon, at Hari ng mga hari; at [ang mga makakasama] niya [ay ang mga taong] tinawag at mga pili at mga tapat” (Apocalipsis 17:14) sa ipinagkatiwala sa kanila dito sa mortalidad. Pagkatapos, Siya’y “maghahari magpakailan kailan man at walang katapusan” (Apocalipsis 11:15).
Ibabalik ang mundo sa malaparaisong kalagayan at gagawing bago. Magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa (tingnan sa Apocalipsis 21:1; Eter 13:9; Doktrina at mga Tipan 29:23–24).
Tungkulin natin—pribilehiyo natin—na tumulong na maihanda ang mundo para sa araw na iyon.
Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya
Samantala, ngayon mismo, nabubuhay tayo sa panahon ng kaguluhan. Ang mga lindol at tsunami ay nangwawasak, bumabagsak ang mga gobyerno, lumalala ang mga problema sa ekonomiya, nanganganib ang pamilya, at dumarami ang nagdidiborsyo. Malaki ang dahilan para tayo mag-alala. Ngunit hindi kailangang mapalitan ng takot ang ating pananampalataya. Malalabanan natin ang mga pangambang iyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating pananampalataya.
Bakit natin kailangan ang gayon katatag na pananampalataya? Dahil darating ang mga araw ng paghihirap. Bihirang maging madali o popular sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. Nagbabala si Apostol Pablo na sa mga huling araw, ang mga taong masigasig sumunod sa Panginoon ‘ay mangagbabata ng paguusig’ [II Kay Timoteo 3:12]. Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa manghina kayo o ganyakin kayong maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay.
Kung paano ninyo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay ay bahagi ng paglago ng inyong pananampalataya. Lumalakas kayo kapag naaalala ninyo na kayo ay may likas na kabanalan, isang pamanang walang-hanggan ang kahalagahan. Ipinaalala ng Panginoon sa inyo, sa inyong mga anak, at sa inyong mga apo na kayo ay karapat-dapat na mga tagapagmana, na inilaan kayo sa langit para isilang sa tamang panahon at lugar, upang lumago, at maging Kanyang tagadala ng watawat at pinagtipanang mga tao. Sa paglakad ninyo sa landas ng kabutihan ng Panginoon, pagpapalain kayong magpatuloy sa Kanyang kabutihan at magiging liwanag at tagapagligtas sa Kanyang mga tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 86:8–11).
Gawin ang anumang kailangan upang palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo sa pagpapaibayo ng inyong pag-unawa sa doktrinang itinuturo sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan at sa walang-sawang paghahanap sa katotohanan. Nakaangkla sa dalisay na doktrina, makakasulong kayo nang may pananampalataya at masidhing pagtitiyaga at masayang gawin ang lahat ng inyong makakaya upang matupad ang mga layunin ng Panginoon.
Magkakaroon kayo ng mga araw na madidismaya kayo. Kaya ipagdasal na magkaroon kayo ng tapang na huwag sumuko! Ang malungkot, ipapahamak kayo ng ilang tao na inakala ninyong mga kaibigan ninyo. At tila hindi magiging patas ang ilang bagay.
Gayunman, nangangako ako sa inyo na kapag sumunod kayo kay Jesucristo, makasusumpong kayo ng patuloy na kapayapaan at tunay na kagalakan. Kapag tinutupad ninyo ang inyong mga tipan nang lubusan, at ipinagtatanggol ninyo ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa ngayon, bibiyayaan kayo ng Panginoon ng lakas at karunungang isagawa ang mga bagay na tanging mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal ang makagagawa.
Kailangan tayong maging mga tagapagtayo ng sariling pananampalataya sa Diyos, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pananampalataya sa Kanyang Simbahan. Kailangan nating bumuo ng mga mag-anak at mabuklod sa mga banal na templo. Kailangan nating itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo (tingnan sa Mateo 6:33). Kailangang paghandaan natin ang ating sariling banal na tadhana: kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at buhay na walang-hanggan (tingnan sa Mga Taga Roma 2:7; Doktrina at mga Tipan 75:5).
Mapagpakumbaba kong pinatototohanan sa inyo na—tulad ng ipinahayag ni Propetang Joseph Smith—ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo “ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na” (History of the Church, 4:540).
Abala tayo sa gawain ng Diyos na Maykapal. Nawa’y mapasa-bawat isa sa inyo ang Kanyang mga pagpapala.