2020
Pagpili ng Channel
Agosto 2020


Pagpili ng Channel

Paano kung ayaw na ni Brooke na maging kaibigan ni Camille?

“Diyos ang tutulong; gawin ang tama!” (Mga Himno, blg. 144).

Choosing the Channel

“Nakakatawa ang napanood ko kahapon. Kaya panoorin mo rin. Pagkatapos puwede nating panoorin ito nang magkasama sa susunod!” sabi ni Brooke.

Gustung-gustong makipagkuwentuhan ni Camille sa pinakamatalik niyang kaibigan habang sabay silang naglalakad pauwi mula sa paaralan. Gustung-gusto niya na marami silang pagkakatulad.

“Sige!” Kumaway na si Camille para magpaalam at naglakad na papunta sa pintuan nila sa harap.

Nang matapos ni Camille ang kanyang homework, binuksan niya ang TV at nahanap ang tamang palabas. Masaya kapag pinag-usapan namin ito ni Brooke bukas!

Nakakatawa ang palabas. Gumawa ng mga kalokohan at nagbiruan ang mga tauhan. Tawa nang tawa si Camille. Pero hindi lahat ng sinabi nila ay nakakatawa. May mga sinabi sila na nagparamdam kay Camille na parang may mga palakang nagtatalunan sa loob ng tiyan niya. Hindi iyon mabubuting salita.

Ano ang dapat kong gawin? pag-iisip niya. Alam ni Camille na hindi maganda ang mga salitang ito. Pero gusto niyang malaman kung paano nagtapos ang palabas. Ano ang sasabihin niya kung magtatanong si Brooke tungkol dito bukas?

Bumuntong-hininga si Camille at pinatay ang TV.

Nang makauwi si Inay, tinulungan siya ni Camille na ihanda ang mesa para sa hapunan. “Kumusta ang pag-aaral mo?” tanong ni Inay.

Inilabas ni Camille ang mga kutsara’t tinidor. “Ayos naman po! Kaya lang … sabi ni Brooke panoorin ko raw ang isang palabas. Sinimulan ko pong panoorin iyon, pero may masasamang salita po roon. Hindi po maganda ang pakiramdam ko roon, kaya pinatay ko po ang TV.”

“Mukhang napakabuti ng pinili mo.”

“Pero gusto po ni Brooke na magkasama naming panoorin iyon. Matalik kaming magkaibigan! Pareho kami ng gustong musika, ice cream, mga aklat …”

Naglagay ng isang platong pasta si Inay sa ibabaw ng mesa. “Oo nga, pero hindi iyan nangangahulugan na kailangang magkapareho ang lahat ng gagawin ninyo. Lalo na kung hindi maganda iyon sa pakiramdam mo. OK lang na pumili ng mga bagay na naiiba sa isang kaibigan.”

“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ni Camille.

“Pinipili nating iwasan ang masasamang salita para madama natin ang Espiritu Santo,” paliwanag ni Inay. “Pero hindi lahat ay katulad natin ang mga pamantayan. Hindi ito nangangahulugan na masama silang tao.”

Nag-aalala pa rin si Camille sa mangyayari kapag tinanong siya ni Brooke tungkol sa palabas. Pinag-uusapan nila ang lahat ng bagay! Paano kung isipin ni Brooke na para siyang batang musmos? O mas masahol pa, paano kung ayaw na niyang makipagkaibigan?

Nagdasal si Camille bago matulog. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong kausapin si Brooke bukas. Tulungan po Ninyo akong maging matapang. Nahiga na si Camille sa kama at umasa na magiging maayos ang lahat sa paaralan.

“Camille!” sigaw ni Brooke mula sa playground. Tumakbo siya sa damuhan para salubungin si Camille. “Ano’ng palagay mo sa palabas?” Nakakatawa, ‘di ba?”

Huminga nang malalim si Camille. “Sa totoo lang, kaunti lang ang pinanood ko.”

Mukhang naguluhan si Brooke. “Bakit naman?”

Nag-isip sandali si Camille. Dapat bang sabihin na lang niya na marami siyang ginawa? Ano ang sasabihin ni Brooke? “Ano … hindi ko ‘yun pinanood kasi may mga salita silang hindi ko gusto. Hindi maganda ang pakiramdam ko nang mapanood ko iyon.”

“Ah,” mahinang sabi ni Brooke. Pagkatapos ay sinabi nito, “OK lang. Hindi natin kailangang panoorin iyon nang magkasama. Makakahanap tayo ng isang palabas na pareho nating gusto o gumawa ng ibang bagay nang magkasama.”

“OK.” Ngumiti si Camille. Pagkatapos ay naglakad na ang magkaibigan papasok sa klase, habang nag-uusap at nagtatawanan.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.