Ang Pinakamagandang Tirador sa Jamaica
Iniumang ni Donovan ang kanyang tirador sa basyong lata ng sopas na nakapatong sa tuod.
Binatak niya ang goma ng tirador.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ng nakababata niyang kapatid na si Dana.
“Panoorin mo ito!” sabi niya.
Twak!
Pumitik ang goma sa puwesto nang bitawan ito ni Donovan, at humaginit ang maliit na bato. Pumagaspas ang ilang dahon sa kalapit na puno. Pero hindi gumalaw ang basyong lata. Isinuksok ni Donovan ang tirador sa kanyang bulsa sa likod. Nagmintis siya. Na naman!
Ikiniling ni Dana ang kanyang ulo. “Ano ang dapat kong makita?”
“Wala,” sabi ni Donovan. “Halika na. Uwi na tayo.” Nagsimula na silang maglakad pabalik sa bahay.
Sinipa ni Donovan ang patpat na nakaharang sa kanyang daanan. Gaano man niya sikapin, parang hindi niya magamit nang tama ang tirador ni Itay. At gustung-gusto niya ang tirador na iyon! Gusto niyang gamitin ito palagi kapag nasa trabaho si Itay sa ibang bayan, tulad ngayon. Ipinadarama nito sa kanya na malapit siya kay Itay kapag hindi niya nakikita ito.
Kinuha niya ang tirador mula sa kanyang bulsa at dahan-dahan itong pinaikot sa kanyang kamay. Kuminis na sa tagal ang magaspang na balat nito. Gumawa si Itay ng tirador na yari sa matibay na sanga ng kahoy at maraming taon itong ginamit bago niya ito ibinigay kay Donovan.
Itinuro ni Itay ang lata ng sopas nang araw na iyon. “Kapag nakatutok ka, kahanga-hangang mga bagay ang maaaring mangyari.” Naaalala pa rin Donovan ang sumunod na nangyari. Iniumang ni Itay ang tirador at tinamaan niya ang basyong lata ng sopas. Sa isang subukan! Pinagmukha niyang madali ito. Talagang nangulila si Donovan sa kanya.
Nasa isip pa rin niya si Itay nang matulog siya nang gabing iyon.
Kinabukasan, dinala ni Donovan ang kanyang tirador sa paborito niyang lugar na maraming puno para subukang muli.
“Tutok …” sabi ni Donovan habang nakatitig siya sa lata sa ibabaw ng tuod. Naglagay siya ng isa pang maliit na bato sa tirador at binatak niya ito.
Patuloy na sumusubok si Itay, kahit hindi palaging maayos ang lahat, naisip ni Donovan.
Tumigil si Donovan sa pag-iisip tungkol sa lahat ng pagkakataong nagmintis siya. Nagpikit siya ng isang mata, gaya ng turo sa kanya ni Itay. Talagang tumutok siya. Hindi tumingin sa iba si Donovan kundi sa pulang lata ng sopas lang.
Huminga siya nang malalim, at sumaltik.
Twak!
KLANK!
Napakurap sa gulat si Donovan nang tumalsik ang lata mula sa tuod. “Tinamaan ko!” sabi niya. “Ang galing!”
Kalaunan nang gabing iyon, tinabihan ni Donovan si Inay pagkatapos ng hapunan. Ipinakita niya ang tirador.
“Tinamaan ko rin po sa wakas ang lata kanina,” sabi niya, na nakangisi.
“Magaling!” sabi ni Inay.
“Alam n’yo, palagay ko ang tirador na ito ang paborito ko sa buong mundo,” sabi ni Donovan.
“Talaga?” tanong ni Inay.
“Opo. Kasi naiisip ko po si Itay at nadarama ko na malapit ako sa kanya.”
Ngumiti si Inay. “Palagay ko matutuwa siyang malaman na ganyan ang pakiramdam mo. At alam mo ba? Tatlong araw na lang narito na si Itay. Maipapakita mo sa kanya ang mga bagong kakayahan mo.”
Hindi na makapaghintay si Donovan! “Nagkaroon ako ng ideya,” sabi niya.
Hinanap niya si Dana. Puwede niyang turuang gumamit si Dana ng tirador na kapareho ng turo sa kanya ni Itay!
“Hoy, Dana,” sabi niya. “Gusto mong matutuhang gamitin ang pinakamagandang tirador sa Jamaica?”