2020
Ang Mooncake Festival
Agosto 2020


Ang Mooncake Festival

“Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo” (Juan 14:18).

The Mooncake Festival

“Huwag kang masyadong lumayo ng takbo!” pagtawag ni Itay. “Padilim na, at ayaw kong madapa ka.”

Tumigil si Vincent at lumingon. “Pero napakabagal n’yo kasing maglakad. Gusto ko pong makarating sa festival bago maubos ang lahat ng mooncake!”

“Hindi sila mauubusan ng mooncakes,” sabi ni Itay habang humahabol sila ni Inay. “Kahit paano, hanggang sa makarating ka roon!”

Naririnig ni Vincent ang tunog ng mga tambol habang papalapit sila sa park. Nakasabit sa mga puno ang makukulay na parol, na tumatanglaw sa madilim na gabi. Nagkakainan ang mga pamilya sa nakalatag na mga kumot, at naghahandang sama-samang masdan ang kabilugan ng buwan.

May nakitang bakanteng puwesto si Inay sa damuhan at doon naglatag ng kanilang kumot. Inabutan niya si Vincent ng kaunting barya para bumili ng pagkain.

“Salamat po!” Hindi makapaghintay si Vincent na gumala. Binilang niya ang kanyang mga barya habang naglalakad siya. Dalawampung ringgits! Sapat na yon para sa isang mooncake. Pero anong klase ba ang gusto niya? Ham? Pula ng itlog? Durian? Sa huli ay pinili niya ang isa na puno ng itim na linga. Nilibot niya ang bawat tindahan habang kumakain siya, nakatitig sa lahat ng iba’t ibang pagkain. Patung-patong na manok na nakatuhog. Malalaking kaldero ng maanghang na sabaw at noodles. Siguro makakabili siya ng ginadgad na yelo na may ice cream sa natitira niyang barya!

Hindi nagtagal napunta na siya sa isang lugar na walang gaanong mga parol. Ang kadiliman ay nagbigay sa kanya ng isang ideya.

Gaano kalayo kaya ang malalakad ko nang nakapikit? Pumikit siya at humakbang ng isa. At ng isa pa. Pagkatapos ay naipit ang paa niya sa isang bagay. Madarapa siya!

Aray! Tumama sa isang matalim na bagay ang baba niya. Isang malaking metal na takip ng imburnal pala! Inunat niya ang kanyang kamay at hinipo ang kanyang baba. May dugo.

“Itay? Inay?” pagtawag niya. Nagmamadali siyang bumalik sa mga parol, at may tumulong sa kanya na hanapin ang kanyang mga magulang.

“Nag-aalala na kami!” sabi ni Inay. Pagkatapos ay nakita nito ang kanyang mukha. “Kailangan nating pumunta sa ospital.”

Hindi nagtagal nakaupo na si Vincent sa tabi nina Inay at Itay sa waiting room ng ospital. Takot na takot siya. Magiging OK ba siya?

Humalukipkip siya nang mahigpit at nag-isip tungkol kay Jesus. Nabinyagan siya at ang kanyang pamilya ilang buwan na ang nakalilipas. Sabi ng mga missionary, matutulungan siya ni Jesus na makadama ng ginhawa.

Tutulungan ako ni Jesucristo. Tutulungan ako ni Jesucristo, paulit-ulit niyang naisip. At hindi nagtagal medyo napanatag nga siya. Parang nasa tabi niya ang Espiritu Santo.

Pinisil ni Itay ang kanyang kamay.

“Magiging OK ang lahat,” sabi ni Inay.

Tumango si Vincent. Alam niyang tama si Inay.

Nang dumating ang doktor, tinahi nito ang baba ni Vincent. Masakit, pero hindi gaano. Sinabi nito kay Vincent na baka magkapeklat siya. Pero ayos lang iyon sa kanya. Tuwing makikita niya ito, maaalala niya ang mga mooncake, ang festival, at ang pagkakataon na napaginhawa siya ni Jesus at ng Espiritu Santo.