“Matutulungan Natin ang Iba na Maramdamang Minamahal Sila at Kabilang,” Liahona, Set. 2022.
Mga Alituntunin ng Ministering
Matutulungan Natin ang Iba na Maramdamang Minamahal Sila at Kabilang
Naranasan ng Tagapagligtas ang hindi tanggapin at itinuro Niya sa atin kung paano kumalinga.
Si Sasha ay isang dalaga sa isang family ward, na hindi laging madali para sa kanya. Masaya siya at kontento pero kadalasan iba ang pakiramdam niya—parang namumukod-tangi siya—kapag kasama ang iba pang mga miyembro ng ward. Tulad ng karamihan sa atin, gusto niyang madama na tanggap at kabilang siya.
Si Thomas, isang matandang lalaki sa ward, ay inatasan na maging ministering brother niya at bumisita isang araw kasama ang kanyang asawa upang makilala si Sasha. Nedyo nakakaasiwa ang pagbisitang iyon nang mapunta ang usapan sa kanyang pagiging dalaga. Ngunit habang nag-uusap sila, naramdaman ni Sasha na sinisikap lamang ni Thomas at ng kanyang asawa na unawain ang kanyang sitwasyon at kung paano sila makakatulong.
Sa isang punto, sinabi ni Thomas, “Napansin ko na parang kailangan ng kaunting pag-aalaga ang bakuran mo. Gusto kong tulungan ka riyan.”
Abala si Sasha dahil sa trabaho niya kaya hindi niya inuuna ang pag-aalaga sa kanyang bakuran. At bukod pa rito, hindi siya nasisiyahang gawin ito. Alam niya kung paano mag-ayos ng bakuran, at alam niyang magagawa niya ito. Pero hindi pa rin binabago niyan ang katotohanan na ayaw niyang gawin ito.
May pagkakataon na parang nasaktan ang damdamin niya dahil sa tanong na ito. Ngunit binanggit ni Thomas na nasa military siya noon at naiintindihan niya na kadalasang mag-isa lang kumikilos ang isang babae kapag wala ang asawa. Natanto niya na naghahanap lang si Thomas ng paraan para mapalalim ang kanilang pagkakaibigan. Sinusubukan niyang iugnay ang kani-kanya nilang mga karanasan sa buhay at makahanap ng pagkakatulad nila.
Sa ministering na ito pareho nilang natutuhan na mahalin at tanggapin ang kani-kanilang katayuan, at dahil dito, nakabuo sila ng tunay na pagkakaibigan.
At ang bakuran ni Sasha ay naayos at napaganda.
Ang Perpektong Halimbawa ng Pagtanggap sa Iba
Sa Lumang Tipan, ipinropesiya ni Isaias na malalaman ni Jesucristo kung ano talaga ang pakiramdam ng maging kakaiba. Naranasan Niyang hindi tanggapin at pagmalupitan. “Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan” (Isaias 53:3). Sa pamamagitan ng Kanyang perpektong pagmamahal, alam Niya ang nadarama natin at alam Niya kung paano tayo tutulungan (tingnan sa Alma 7:12). Siya ang perpektong halimbawa kung paano tayo makatutulong nang may pagmamahal na tanggapin ang lahat, anuman ang kanilang sitwasyon o kaanyuan.
Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan
Habang naghahanap ka ng mga paraan upang matulungan ang iba na madama na kabilang sila, isipin ang mga alituntuning ito na itinuro at ipinamuhay ng Tagapagligtas:
-
Naising magkaroon ng mga bagong kakilala maliban sa mga dati mong kakilala (tingnan sa Mateo 5:43–48).
-
Huwag matakot na makisalamuha sa mga taong ang pamumuhay o paniniwala ay maaaring hindi katulad ng sa iyo kung hindi naman kailangang ikompromiso ang mga turo ng Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 2:14–17; Lucas 7:38–50).
-
Dapat madama ng lahat na gusto natin na nasa simbahan sila (tingnan sa 3 Nephi 18:22–32). Ang mapunta sa lugar kung saan matututuhan nila ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at madarama ang Kanyang pagmamahal ay maaaring magpabago sa sinuman.
-
Alam ng Tagapagligtas kung ano ang kailangan natin, at isa sa dahilan nito ay alam Niya ang nadarama natin (tingnan sa Alma 7:11–12). Makapagpapakita tayo ng pagmamahal sa pamamagitan ng paghahangad na maunawaan ang mga karanasan ng iba at paglalagay ng ating sarili sa kanilang sitwasyon.
-
Nag-ukol ng panahon ang Tagapagligtas upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nakapaligid sa Kanya. Nanatili Siya para pangalagaan ang iba kahit may plano Siyang gawin sa ibang lugar (tingnan sa Marcos 5:22–43).
Ano ang Magagawa Natin?
Huwag hayaang pigilan ka ng mga pagkakaiba para makilala ang mga pinaglilingkuran mo. Anuman ang ating mga pagkakaiba, makakakita tayo ng mga pagkakatulad natin.