Digital Lamang
Paano Kung Tila Hindi Ko Nadarama ang Espiritu?
Isipin ang tatlong ideyang ito para malaman ang iba pa kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu.
Matapos tayong mabinyagan, kinukumpirma tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at inaanyayahang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pagpapatong ng mga kamay ng isang taong maytaglay ng awtoridad ng priesthood. Ang kaloob na ito ay nagbibigay sa atin ng karapatan na palagiang mapatnubayan ng Espiritu Santo basta’t sinusunod natin ang mga kautusan.
Ang ating kaugnayan sa Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na sundin ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “Pakinggan Siya.”1 Tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson, “Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu.”2 Ano ang magagawa natin kung iniisip natin na hindi natin madama o hindi nadarama ang Espiritu? Narito ang ilan sa maraming posibilidad.
1. Unawain ang mga papel na ginagampanan ng Espiritu Santo at kung paano Siya nangungusap sa maraming paraan.
Kapag sinisikap nating madama ang Espiritu, mahalagang magsimula tayo sa pag-unawa kung sino ang Espiritu Santo at kung paano Siya nangungusap sa atin. Bawat tao ay maaaring tumanggap ng paghahayag sa iba’t ibang paraan; halimbawa, ang ilang tao ay mas karaniwang nakadarama ng init habang ang iba ay mas madalas na nakadarama ng kapayapaan. Ang gayong mga pahiwatig at damdamin ay maaaring dumating sa bawat isa sa atin sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang pagkakataon. Gunitain ang nakaraang mga pagkakataon na nadama mo ang Espiritu Santo. Isiping isulat ang nadama mo sa mga pagkakataong iyon. Ang paggawa nito ay maaaring makatulong sa iyo na makita kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu at mapansin kapag gayon ang nadarama mo ngayon—na katibayan ng Espiritu Santo sa iyong buhay. Narito ang halimbawa ng naituro ng ilang propeta at apostol tungkol sa likas na katangian ng Espiritu Santo:
-
Pangulong Nelson: “Sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa inyong isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap ninyo. Siya ang Mang-aaliw. Magdadala [S]iya ng kapayapaan sa inyong puso. Nagpapatotoo Siya sa katotohanan at pagtitibayin kung ano ang totoo kapag pinakinggan at binasa ninyo ang salita ng Panginoon.”3
-
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang ibig sabihin ng mapasaatin ang Espiritu sa tuwina ay mapatnubayan at magabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, maaari tayong paalalahanan ng Espiritu na labanan ang tuksong gumawa ng masama. … Kung makikibahagi tayo sa sakramento nang may pananampalataya, tayo at ang ating mga minamahal ay mapoprotektahan ng Espiritu Santo mula sa mga tuksong dumarating nang mas matindi at madalas. Ang patnubay ng Espiritu Santo ay ginagawang mas kaakit-akit ang mabuti at hindi tayo madaling matukso. Dapat ay sapat na ang dahilang iyan para maging determinado tayong maging karapat-dapat na makasama ang Espiritu sa tuwina. Tulad sa pagpapalakas sa atin ng Espiritu laban sa kasamaan, binibigyan Niya rin tayo ng kakayahang makahiwatig sa pagitan ng katotohanan at kabulaanan.”4
-
Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos; Siya ay personahe ng espiritu at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan. Sa mga banal na kasulatan tinukoy ang Espiritu Santo bilang Mang-aaliw (tingnan sa Juan 14:16–27; Moroni 8:26), isang guro (tingnan sa Juan 14:26; D&T 50:14), at isang tagapaghayag (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang mga paghahayag mula sa Ama at sa Anak ay ipinararating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Siya ang sugo at saksi ng Ama at ng Anak.”5
-
Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Alalahanin ang pangako ng Panginoon: ‘Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan’ (Doktrina at mga Tipan 11:13). Gustung-gusto ko ang katiyakang iyan. Kalakip ng kagalakang pumupuspos sa ating kaluluwa ang isang pangwalang-hanggang pananaw na iba sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dumarating ang kagalakang iyan bilang kapayapaan sa gitna ng paghihirap o pighati. Nagbibigay ito ng kapanatagan at tapang, naglalahad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, at pinatitindi ang pagmamahal natin sa Panginoon at sa lahat ng mga anak ng Diyos.”6
-
Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tatlong [inihayag] na katotohanan na nagbigay sa atin ng kaalaman tungkol sa Espiritu Santo … [ay na] ang Espiritu Santo ay pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, at ang kaloob na Espiritu Santo ay natatanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. … Ang tatlong sagot sa tanong na ‘Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?’ [ay na] ang Espiritu Santo ay nagbababala, ang Espiritu Santo ay nagpapanatag, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo.”7
-
Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015): “Ang napakaselan at napakahinang espirituwal na mga pakikipag-ugnayang ito ay hindi nakikita ng ating mga mata ni naririnig ng ating mga tainga; ito ay isang tinig na mas nadarama ng isang tao kaysa naririnig. … Ang tinig ng Espiritu ay inilalarawan sa mga banal na kasulatan na hindi malakas ni marahas, hindi isang tinig ng kulog, ni isang tunog ng napakalakas na ingay, kundi sa halip ay marahan at banayad, ganap na kahinahunan, na parang isang bulong, at maaari itong tumagos maging sa mismong kaluluwa at magpapasigla sa puso.8
Marami ka pang matututuhan kung paano nangungusap ang Espiritu Santo sa mga entry sa paksang “Espiritu Santo” sa pangkalahatang kumperensya at Mga Paksa ng Ebanghelyo.
Isipin: Paano ko nadama na nangungusap sa akin ang Espiritu Santo?
2. Tuparin ang iyong mga tipan.
Ang pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay may di-mapaghihiwalay na kaugnayan sa ating tipan sa binyag, at ang mga tipan ay nangangailangan ng pagsisikap nating matanggap ang mga ipinangakong pagpapala. Naaalala natin ang naipangako nating gawin at ang ipinangako sa atin bilang kapalit bawat linggo kapag tumatanggap tayo ng sakramento: nangangako tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, lagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga utos, at pinangangakuan tayo na laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu kapag ginawa natin ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
Para makasama palagi ang Espiritu Santo, kailangan nating gawin ang ating bahagi. Isipin ang payong ito mula sa mga pinuno ng Simbahan bilang simula:
-
Pangulong Nelson: “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.”9
-
Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang pangangailangang panatilihing malinis ang ating personal na templo upang mapatnubayan at magabayan ng Espiritu Santo ay nagpapaliwanag ng kahalagahan ng utos na tumanggap ng sakramento sa araw ng Sabbath. … Ang pagpapanibago ng ating mga tipan sa pagtanggap ng sakramento ay dapat ding unahan ng pagsisisi, kaya dumarating tayo sa sagradong ordenansang iyon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 2 Ne. 2:7; 3 Ne. 12:19; D&T 59:8). Pagkatapos, kapag pinanibago natin ang ating mga tipan sa binyag at pinagtibay na ‘lagi natin siyang aalalahanin’ (D&T 20:77), paninibaguhin ng Panginoon ang ipinangakong kapatawaran ng ating mga kasalanan, sa ilalim ng mga kundisyon at sa panahong pinipili niya. Isa sa mga pangunahing layunin at epekto ng pagpapanibagong ito ng mga tipan at paglilinis mula sa kasalanan ay ‘nang sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]’ (D&T 20:77).”10
-
Pangulong Eyring: “Sa maraming kadahilanan, kailangan natin palagi ang patnubay ng Espiritu Santo. Hinahangad natin ito, ngunit alam natin mula sa karanasan na hindi madaling mapanatili ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip, nakakapagsalita, at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang Espiritu Santo ay makakasama natin sa tuwina kapag ang ating puso ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao at puspos ng kabanalan ang ating mga iniisip nang walang humpay (tingnan sa D&T 121:45). … Kapag ipinakikita ninyo ang inyong kahandaang sumunod, mas maraming impresyong ibibigay sa inyo ang Espiritu tungkol sa nais ipagawa ng Diyos sa inyo para sa Kanya. Habang sumusunod kayo, darating nang mas madalas ang mga paramdam ng Espiritu, na palapit nang palapit sa patuloy na patnubay. Ang kapangyarihan ninyong piliin ang tama ay mag-iibayo.”11
-
Elder Stevenson: “Mahalaga sa ating pisikal at espirituwal na kaligtasan na panatilihin natin ang kaloob na Espiritu Santo. Magagawa natin ito sa pagsisikap na sundin ang mga kautusan, pagdarasal nang mag-isa at kasama ang pamilya, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagsisikap na magkaroon ng pagmamahal at pagpapatawaran sa pamilya at sa mga mahal sa buhay. Dapat nating panatilihing dalisay ang ating isip, kilos, at salita. Dapat nating sambahin ang ating Ama sa Langit sa ating tahanan, simbahan, at, kung maaari, sa banal na templo. Manatiling malapit sa Espiritu, at ang Espiritu ay mananatiling malapit sa inyo.”12
-
Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Inaasahan ng ating Ama na matuto kayong makamit ang tulong … ng langit sa pagsampalataya sa Kanya at sa Kanyang Banal na Anak na si Jesucristo. Kung tatanggap kayo ng inspiradong patnubay sa paghingi lamang nang hindi ito pinagsisikapan, manghihina kayo at higit na aasa sa Kanila. Alam Nila na darating ang mahalagang personal na pag-unlad kapag pinagsikapan ninyong matutuhan kung paano magabayan ng Espiritu.”13
Isipin: Ano ang magagawa ko para mas lubos na igalang ang aking mga tipan sa Diyos?
3. Humingi ng tulong at magtiwala sa Mang-aaliw.
Kahit namumuhay tayo nang marapat sa Espiritu Santo at ginagawa natin ang inuutos sa atin ng Panginoon, sa tindi ng depresyon at kahalintulad na mga pagsubok sa kalusugang pangkaisipan, maaaring lalo pa rin tayong mahirapang madama ang Espiritu Santo. “Ang kawalan ng kakayahang madama ang Espiritu, o kawalan ng interes o pagkamanhid, ay kadalasang sintomas ng problema sa kalusugang pangkaisipan. Hindi ka pinabayaan ng Diyos.”14 Kung maaaring nililimitahan ng kalusugang pangkaisipan ang kakayahan nating madama ang Espiritu, maaari tayong sumangguni sa mapagkakatiwalaang mga mahal sa buhay, mga lider ng Simbahan, at mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan; alalahanin ang mga karanasan kung kailan nadama natin ang Espiritu noon; at gawing mga lugar ng kapayapaan ang ating tahanan kung saan makakatahan ang Espiritu.15
Kapag nahihirapan tayong madama ang Espiritu, o madama ang anumang bagay, maaari tayong manampalataya sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin. Maaari tayong magtiwala sa pangako ng Tagapagligtas, “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18). At maaari tayong patuloy na manalangin para maghatid sa atin ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw, ng kapayapaan sa hinaharap.
Maaalala rin natin na nabigyan tayo ng Diyos ng maraming iba pang kaparaanan para tulungan tayong madama ang Kanyang pagmamahal. Tulad ng sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo at malungkot na daan nang mag-isa, hindi natin kailangang gawin iyon. Dahil sa Kanyang malungkot na paglalakbay tayo ay may karamay sa ating mga munting pagdurusa—ang mahabaging pagkalinga ng ating Ama sa Langit, ang palagiang pagsubaybay ng Pinakamamahal na Anak, ang lubos na kaloob ng Espiritu Santo, mga anghel sa langit, mga kamag-anak sa magkabilang panig ng tabing, mga propeta at apostol, guro, lider, at kaibigan. Lahat ng ito at marami pa ang ibinigay sa atin para makasama sa ating mortal na paglalakbay dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Dahil sa nangyari sa Calvario alam natin ang katotohanan na hindi tayo iiwang mag-isa o walang tulong, kahit ganoon minsan ang pakiramdam natin.”16 Kapag nahihirapan tayong madama ang Espiritu, maaari tayong magtiwala at manalig sa mga katotohanang iyon.
Isipin: Kanino ako maaaring humingi ng payo tungkol sa damdamin ko? Paano ko pa makikilala ang pagmamahal at mga pagpapala ng Diyos sa buhay ko habang naghihintay akong madamang muli ang Espiritu?