“Pinamumunuan ng mga Buhay na Propeta,” Liahona, Set. 2022.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Pinamumunuan ng mga Buhay na Propeta
Ang mga propeta ay kalalakihang tinawag ng Ama sa Langit na magsalita para sa Kanya. Sila ay nagpapatotoo kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Naniniwala ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga makabagong propeta.
Nangungusap ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta
Ang mga propeta ay tumatanggap ng paghahayag mula sa Diyos. Kapag ang mga propeta ay nabigyang-inspirasyon na turuan tayo, parang ang Diyos na mismo ang nangungusap sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38). Makakasiguro tayo na sinasabi nila sa atin ang nais ng Diyos na malaman natin.
Ang mga Propeta ay Nagtuturo tungkol kay Jesucristo
Lahat ng propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo. Itinuturo nila sa atin na Siya ang Anak ng Diyos. Itinuturo nila sa atin ang tungkol sa Kanyang buhay, halimbawa, at Pagbabayad-sala. At ipinapakita nila sa atin kung paano Siya tutularan at paano susundin ang Kanyang mga kautusan.
Mga Responsibilidad ng mga Propeta
Itinuturo ng mga propeta ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinapaliwanag nila ang mga pagpapalang natatanggap natin kapag sinusunod natin ang mga kautusan at ang mga kahihinatnan natin kapag hindi tayo sumusunod. Kung minsan, maaari silang mabigyang-inspirasyon na sabihin sa atin ang tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.
Mga Sinaunang Propeta
Tinuruan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng mga propeta simula pa noong una. Kabilang sa mga propetang nabuhay sa panahon ng Lumang Tipan sina Adan, Noe, Abraham, Moises, Isaias, at iba pa. Mayroon ding mga propeta sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Kabilang sa mga propetang ito sina Lehi, Mosias, Alma, at Moroni. Matututuhan natin ang itinuro nila sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Mga Makabagong Propeta
Si Joseph Smith ang unang propeta sa makabagong panahon. Ipinanumbalik niya ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Si Russell M. Nelson ang propeta at Pangulo ng Simbahan ngayon. Ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag din.
Pakikinig sa Propeta
Ang propeta ay nangungusap sa atin sa pangkalahatang kumperensya at sa iba pang mga pagkakataon. Itinuturo niya sa atin ang nais ng Diyos na malaman natin at kung paano susundin si Jesucristo ngayon. Makikita natin ang kanyang mga turo sa Liahona at sa SimbahanniJesucristo.org.
Ang mga Pagpapala ng Pagsunod sa Propeta
Pagpapalain tayo kapag sinusunod natin ang mga turo ng buhay na propeta. Kapag sinusunod natin ang propeta, malalaman natin na ginagawa natin ang ipinagagawa sa atin ng Diyos. Makadarama tayo ng kapayapaan sa ating buhay at mas mapapalapit kay Jesucristo.