“Aklat ni Mormon Ang Sagot sa Akin,” Liahona, Set. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Aklat ni Mormon ang Sagot sa Akin
Sinikap kong mabuti na “ayusin” si Mama Wong, pero ang kailangan lang niya ay ang simple at makapangyarihang salita ng Diyos.
Matapos akong mabinyagan noong Hunyo 2002, ibinahagi ko ang aking pananampalataya sa aking ina. Bagama’t madalas sumama sa akin si Mama Wong sa pagsisimba, ayaw niyang matutuhan ang iba pa.
Sa wakas, makalipas ang 10 taon, nagpasiya si Mama Wong na magpabinyag. Tuwang-tuwa ako. Nakakalungkot na pagkaraan ng ilang taon, tumigil siya sa pagpapalakas ng kanyang patotoo at gumawa ng mga pagdadahilan para hindi magsimba.
Hinimok ko siya na magsimba, pero naging sanhi lang iyon ng pagtatalo. Kalaunan, tumigil ako sa pagpilit sa kanya para hindi masira ang relasyon namin.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga miyembro ng Simbahan na “gumawa ng sarili [nating] plano” upang palakasin ang ating patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik.1 Habang iniisip ko ang kanyang paanyaya, naramdaman ko nang matindi na dapat akong gumawa ng isang bagay para mas mapabuti ang samahan namin ni Mama Wong.
Para sa resolusyon ko sa Bagong Taon, nangako ako na babasahin ko ang Aklat ni Mormon kasama si Mama Wong. Tuwing sasabihin niyang sumasakit ang mga mata niya, sinasabi ko na “Pwedeng makinig lang po kayo.” Kapag sinabi niya na kailangan niyang hugasan ang mga pinggan, sinusundan ko siya sa kusina at patuloy na nagbabasa nang malakas.
Ang nangyari ay nakikinig pala nang mabuti si Mama Wong at naalala ang binasa ko. Di naglaon,nagpasiya siyang magbasa nang mag-isa. Sinabi niya sa akin kalaunan na hindi makakayang isulat ng isang karaniwang tao ang Aklat ni Mormon. Wala siyang pag-aalinlangan na ang aklat ay salita ng Diyos. Para sa akin, ang makita na naging interesado siyang magbasa at magpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay isang himala.
Matapos mabinyagan si Mama Wong, nag-alala ako na kaya siya sumapi sa Simbahan ay dahil lang sa akin. Pero ngayon ay may sarili na siyang patotoo. Sa loob ng maraming taon, sinikap ko siyang “ayusin,” ngunit ang kailangan lang niya ay ang simple at makapangyarihang salita ng Diyos.
Nagpapasalamat ako sa isang buhay na propeta na palaging nagbibigay sa atin ng patnubay. Kung kikilos tayo ayon sa kanyang itinuturo, susunod ang malalaking pagpapala. Ipinakita sa akin ng karanasang ito kung gaano ang pagnanais ng Panginoon na pagpalain tayo. Ang ginawa ko lang ay basahan ng ilang kabanata mula sa Aklat ni Mormon ang aking ina. At ang Panginoon na ang nagbigay ng inspirasyon sa kanya!