“Ama, Tulungan Mo Sana Ako,” Liahona, Set. 2022.
Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Ama, Tulungan Mo Sana Ako
Nang panoorin namin ang pagbaba ng artistang gumaganap na Jesucristo mula sa langit, nabatid ko na ang Tagapagligtas ang sagot sa aking mga pagsubok.
Noong Hulyo 2021, napagpala akong makapagtrabaho bilang ekstra sa mga bagong video ng Aklat ni Mormon, na kinunan sa kabundukan sa silangan ng Springville, Utah, USA. Kinukunan namin noon ang mga tagpong nangyari kasunod ng “malaki at kakila-kilabot na pagkawasak” (tingnan sa 3 Nephi 8:11–12) sa Bagong Daigdig, na patunay na Ipinako sa Krus ang Tagapagligtas sa Lumang Daigdig.
Habang kinukunan iyon, nakaospital ang kapatid kong si Byron sa California, USA, habang nakaospital ang bagong silang kong apong babae sa Salt Lake City, Utah. Mamamatay na sa kanser si Byron noon, at ang apo kong babae, na may matinding depekto nang isilang, ay hindi inaasahang mabubuhay.
Pagdating naming mag-asawa sa aming motel pagkaraan ng ikalawang araw ng pagsasapelikula, tinawagan ako ng kapatid kong babae, na nag-aalala kay Byron.
“Hindi ko alam kung ano ang nangyayari,” sabi niya. “Hindi sinasagot ni Byron ang cell phone niya o ang mga message sa kanya.”
Sa limang kapatid ko, pinakamalapit ako kay Byron. Siya ang pangalawang anak, at ako ang bunso. Madalas niya akong alagaan noong maliit pa ako. Lumaki kami sa abang kapaligiran sa Guatemala. Wala kaming telebisyon, pero kasama namin ang isa’t isa. Mahirap kami, pero masaya kami.
Nangulila ako kay Byron nang lumipat siya sa Estados Unidos, na umaasang pinansyal na makatulong sa aming pamilya. Nakahanap siya ng trabaho bilang drayber ng bus para sa isang tourism company. Makalipas ang ilang taon, lumipat ako sa Estados Unidos, nag-asawa, at sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Matapos akong mabinyagan, sumapi rin sa Simbahan ang mga magulang ko. Nang manirahan kaming mag-asawa sa katimugang Utah, nakikita ko si Byron tuwing maghahatid siya ng mga turista sa mga visitors center sa St. George Utah Temple at sa Salt Lake Temple.
“Isang Bagay na Napakaespesyal”
Nang kausapin ko si Byron tungkol sa Simbahan, sinabi niya sa akin, “Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may isang bagay na napakaespesyal. Kapag kinakausap ko ang mga tao sa mga visitors’ center, nakikita ko na mabubuti at mababait silang tao.” Pumayag siyang makipag-usap sa mga full-time missionary, pero lagi siyang nagtatrabaho at halos hindi na umuuwi.
Dalawang beses, matagumpay na sumailalim sa panggagamot si Byron para sa esophageal cancer. Gayunman, noong 2020, nagbalik ang kanser. Noong Hunyo 2021, halos hindi niya makayanang maglakbay patungong Guatemala para sa isang-buwang reunion ng pamilya. Namatay ang aming ama sa simula ng taong iyon, at pumanaw ang aming ina noong 2015, apat na taon matapos silang ibuklod sa Guatemala City Guatemala Temple. Ang huling mapanalanging hiling ni Byron ay ang makita ang kanyang mga kapatid sa huling pagkakataon.
Dalawang linggo pagbalik niya sa California, naospital siya. Ngayo’y comatose na siya.
Hindi ako dumalo sa reunion dahil kinailangan ng anak kong si Angie ang tulong at suporta ko. Noong Hunyo 3, isinilang ang panganay niyang si Athena na may hernia sa diaphragm. Inoperahan siya ng mga surgeon makalipas ang tatlong araw. Hindi nila inasahan na mabubuhay siya.
Mabuti na lang, malapit lang ang tirahan naming mag-asawa sa panahong ito ng pagsubok. Tuwing hapon matapos kong gawin ang trabaho ko sa video ng Aklat ni Mormon, iniiwan ni Angie ang kanyang pagbabantay sa ospital at sinasamahan kami sa aming motel, kung saan inaalo namin siya at ipinagdarasal si Athena.
“OK ang Lahat”
Pagdating ko sa video site kinabukasan matapos tumawag sa telepono ang kapatid kong babae, pagod ako at malungkot. “Ama, tulungan Mo sana ako,” ang dasal ko. “Napakaraming mahihirap na bagay ang nangyayari sa buhay ko.”
Bago nagtipon ang mga artista at ekstra para kunan ang tagpo kung saan bumababa ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas mula sa langit (tingnan sa 3 Nephi 11:8), sinabihan kami na isipin Siya at kung ano ang kabuluhan Niya sa amin. Habang sinisikap kong tumutok sa Tagapagligtas sa tagpong iyon, pumasok sa isipan ko ang pamilya ko. Nakita ko sa aking isipan ang aking ama, aking ina, at si Byron. Sa sandaling iyon mismo, narinig ko ang tinig ni Byron.
“OK ang lahat,” sabi niya. “Ayos lang ako.”
Nakadama ako ng malaking pag-asa at kapanatagan, na para bang naroon ako sa lupaing Masagana nang dumating si Jesus para turuan at pagalingin ang mga tao, na ipinapakita sa kanila ang Kanyang katawan. Alam ko na Siya ang sagot sa aking mga pagsubok, na naroon Siya at ang Ama para sa akin, at may dahilan kaya nangyayari ang mga bagay-bagay.
Nang gabing iyon, nalaman ko na pinauwi na ng Diyos si Byron. Nagpapasalamat ako sa aking pananalig na makikita ko siyang muli at ang aking mga magulang. Nagpapasalamat din ako na dininig ng Diyos ang aming mga panalangin para kay Athena. Matapos siyang gumugol ng 88 araw na nagpapagaling sa neonatal intensive care unit, sa wakas ay iniuwi na namin siya.
Marami sa amin na nakikilahok sa mga bagong video ng Aklat ni Mormon ang nakadama sa Espiritu at paglakas ng aming patotoo. Habang iniisip ko ang karanasang iyon at umaasam sa hinaharap, itinatanong ko sa sarili ko, “Ginagawa ko ba ang lahat upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at maging karapat-dapat sa Kanyang presensya?”
Ang pakikibahagi sa mga video ay malaking pagpapala sa buhay ko. Alam ko na pagpapalain din ang iba kapag binasa nila ang Aklat ni Mormon at pinanood ang mga video ng Aklat ni Mormon.