“Binisita ni Elder Ezra Taft Benson ang mga Banal sa Poland” Liahona, Set. 2022.
Mga Kuwento mula sa Saints [Mga Banal], Tomo 3
Binisita ni Elder Ezra Taft Benson ang mga Banal sa Poland
Sa isang malamig na Linggo ng gabi noong tag-init ng 1946, bumiyahe sina Ezra Taft Benson at dalawang kasamahan sa nakakakilabot at tahimik na mga lansangan ng Zełwągi, Poland. Ang baku-bakong mga kalsada at malakas na ulan ay nagpahirap sa mga manlalakbay sa buong maghapon, ngunit gumanda na ang panahon habang papalapit na ang mga lalaki sa kanilang destinasyon.
Ang Zełwągi ay dating bahagi ng Germany at kilala noon bilang Selbongen. Gayunman, ang mga pambansang hangganan ay nagbago matapos ang digmaan, at malaking bahagi ng gitna at silangang Europa ang napasailalim sa kapangyarihan ng Soviet Union. Noong 1929, itinayo ng umuunlad na Selbongen Branch ang unang meetinghouse ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Germany. Ngunit pagkaraan ng anim na taon ng digmaan, halos hindi na makaraos sa buhay ang mga Banal sa nayon.1
Pakiramdam nila ay isa talagang himala ang katotohanan na nasa Poland si Elder Benson. Dahil walang mga linya ng telepono na gumagana sa Poland, nahirapan siya at ang kanyang mga kasamahan na makipag-ugnayan sa mga opisyal na makatutulong sa kanila na makuha ang papeles na kailangan para makapasok sa bansa. Matapos ang maraming panalangin at paulit-ulit na pakikipag-ugnayan sa pamahalaang Polish nakuha ng apostol ang mga kinakailangang visa.2
Habang papalapit ang jeep sa lumang meetinghouse sa Zełwągi, naghiwa-hiwalay at nagtago ang karamihan sa mga tao sa mga lansangan. Itinigil ni Elder Benson at ng kanyang mga kasamahan ang sasakyan sa harapan ng gusali at bumaba rito. Ipinakilala nila ang kanilang sarili sa isang babae sa di-kalayuan at itinanong kung nakita na nito ang kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napuno ng luha ang mga mata ng babae sa tuwa. “Narito ang mga kapatid!” sigaw niya sa salitang Aleman.
Kaagad na naglabasan ang mga tao mula sa likod ng mga nakasarang pinto, umiiyak at tumatawa sa galak. Ang mga Banal na Zełwągi ay tatlong taon nang nawalan ng kontak sa mga pangkalahatang lider ng Simbahan, at nang umagang iyon marami sa kanila ang nag-ayuno at nagdasal para mabisita ng isang missionary o lider ng Simbahan. Sa loob ng ilang oras, mga isandaang Banal ang nagtipon upang pakinggang magsalita ang apostol.
Habang nagsasalita si Elder Benson sa mga Banal, dalawang armadong sundalong Polish ang pumasok sa chapel. Hindi makakilos sa takot ang kongregasyon, ngunit isinenyas ng apostol sa mga sundalo na umupo malapit sa harapan ng silid. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kasarinlan at kalayaan. Nakinig nang mabuti ang mga sundalo, nanatili sa kanilang upuan hanggang sa pangwakas na awitin, at lumisan nang walang ginawang anuman. Pagkatapos, nakipagpulong si Elder Benson sa branch president at nag-iwan ng pagkain at pera para sa mga Banal, tinitiyak sa kanila na mas marami pang tulong na darating.3
Hindi nagtagal, sumulat si Elder Benson sa Unang Panguluhan. Natuwa siya na makitang nakakaabot sa mga Banal sa Europa ang tulong ng Simbahan ngunit nag-alala siya sa mga paghihirap na dinaranas pa rin ng mga Banal.
“Marahil ang maraming kapakinabangan ng dakilang programang pangkapakanan ng Simbahan sa kanila at sa iba pang mga Banal sa Europa ay hindi kailanman malalaman,” isinulat niya, “ngunit maraming buhay ang walang alinlangang naligtas, at ang pananampalataya at katapangan ng marami sa ating matatapat na miyembro ay labis na napalakas.”4