Digital Lamang
Pagpapakita ng Pagmamahal ng Tagapagligtas sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Sa pamamagitan ng tunay na pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod, matutulungan natin ang iba na lumapit kay Cristo at madama ang pagmamahal ng Diyos.
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
Bilang mga pinagtipanang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaaring kung minsa’y iniisip natin kung paano tutuparin ang ating pangako na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Ang paglilingkod ay nagbibigay ng magandang pagkakataon na tulungan ang iba at magbahagi ng iba pa tungkol kay Jesucristo habang tinutulungan natin sila sa Kanyang pangalan. Subalit kung minsan ay maaaring nag-aalala tayo na baka isipin ng iba na ang mga pagsisikap natin ay isang pagtatangka lamang na ibahagi ang ebanghelyo.
Ang natuklasan namin nitong mga nakaraang taon ay na ang motibasyon sa likod ng mga paglilingkod ay gumagawa ng napakalaking kaibhan sa pagtanggap ng iba sa ating paglilingkod. Gaya ng mga tao ni Haring Benjamin, nalaman na namin na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Kapag hinahangad natin ang patnubay ng Diyos at mapanalanging nilalapitan ang iba nang may hangaring paglingkuran sila at tulungang madama ang pagmamahal ng Diyos—hindi lamang para mag-usap tungkol sa ebanghelyo—hindi tayo kailangang mag-alala tungkol sa kalalabasan nito. Kaya nga natuklasan namin na malaking inspirasyon ang halimbawa ni Ammon sa Aklat ni Mormon.
Pagsunod sa Halimbawa ni Ammon
Si Ammon ay isang Nephita na nangaral ng ebanghelyo sa lupain ng Ismael, isang lupain ng mga Lamanita kung saan maaaring maisip na isa siyang kaaway. Nang dumating si Ammon, iginapos siya at iniharap kay Haring Lamoni, na nagduda sa mga motibo ni Ammon sa pagpunta roon. Nang tanungin kung bakit siya nagpunta roon, sinabi ni Ammon:
“Nais kong manirahan sa [piling ng] mga taong ito nang ilang panahon; oo, at marahil hanggang sa araw na ako ay mamatay.
“… Magiging tagapagsilbi ninyo ako” (tingnan sa Alma 17:23, 25).
Buong katapatang naglingkod si Ammon kay Haring Lamoni, at inilagay pa sa panganib ang sarili niyang buhay para protektahan ang mga tupa ng hari at ang kapwa niya mga tagapagsilbi mula sa mga tulisan (tingnan sa Alma 17:26–39). Ang mga pagpapakitang ito ng tunay na katapatan at paglilingkod ay nagbigay ng pagkakataon kay Ammon na ibahagi ang ebanghelyo sa mga Lamanita nang tanungin siya tungkol sa kanyang mga kilos.
Ang halimbawa ni Ammon ay nagbigay-inspirasyon sa sariling huwaran ng aming pamilya sa paglilingkod. Kasama rito ang paglilingkod sa mga tao para sa isang pangunahing layunin: tulungan silang maging matagumpay at masaya. Sa madaling salita, pinaglilingkuran namin sila dahil tunay kaming nagmamahal at nagmamalasakit sa kanila.
Ang pamamaraang ito ay natural at madaling gawin dahil ang kailangan lamang dito ay alamin namin ang nangyayari sa buhay ng mga tao sa paligid namin at tulungan sila kung kailan at saan kailangan ang tulong. Nalaman namin na habang nakikipagtulungan sa ward mission leader at sa mga ward at full-time missionary, magagamit namin nang husto ang bawat pagkakataon na ipamalas ang pagmamahal ng Diyos sa aming mga kaibigan at kapitbahay.
Pagkilala sa Isang Pangangailangan, Pagpiling Kumilos
Ilang taon na ang nakararaan, isang babaeng nagngangalang Jacqueline Langey-Johnson ang lumipat sa aming lugar. Siya ang tagapag-alaga ng dalawang dalagitang may mga kapansanan. Bilang mag-asawa, inisip namin kung nahihirapan ba si Jacqueline sa pag-aasikaso sa kanyang ari-arian habang inaalagaan ang mga dalagitang ito. Nagpasiya kaming ipakilala ang aming sarili at tingnan kung paano kami makakatulong.
Naging maganda ang aming pag-uusap kung kailan sinabi namin kay Jacqueline na ikalulugod naming tulungan siya sa ilang trabaho sa bakuran. Tinanggap niya nang may pasasalamat ang aming alok at sinabi sa amin kung gaano kahirap para sa kanya ang lumabas at magtrabaho sa bakuran dahil hindi niya maiwang mag-isa ang mga dalagita sa bahay.
Alam na alam ng Panginoon ang sitwasyon ni Jacqueline at ginamit kami para tulungan siyang makasumpong ng kagalakan sa kanyang bagong tahanan at madama na tanggap siya sa komunidad. Tuwang-tuwa kami sa pagkakataong paglingkuran siya at makabuo ng walang-hanggang pagkakaibigan.
Nakikita ang mga Pagpapala ng Paglilingkod
Hindi nagtagal, natuklasan namin na si Jacqueline ay isang debotong Kristiyano na mahilig magbasa tungkol sa Tagapagligtas. Kaya sa isa sa aming mga pag-uusap, binigyan namin siya ng manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan. Talagang gustung-gusto ni Jacqueline ang materyal sa manwal at ang malikhaing paraan ng paglalahad dito—ginawa nitong kasiya-siya at madaling maunawaan ang pagbabasa ng Bagong Tipan.
Isang araw mga dalawang taon na ang nakararaan, nagtanong si Jacqueline kung puwedeng pumunta sa bahay niya ang mga full-time missionary at magturo sa kanya ng iba pa tungkol sa Simbahan gamit ang manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Kasama ang mga full-time missionary, nagsimula kaming magdaos ng lingguhang pakikipagtalakayan sa kanya. Pagkaraan ng apat na buwan, ginusto na niyang magpabinyag. Hiniling niya na ako (si Bob) ang magsagawa ng ordenansa at ang asawa ko (si Judy) ang magiging saksi.
Mula nang mabinyagan siya noong Setyembre 2020, naglingkod na si Jacqueline bilang sacrament meeting greeter, tumulong sa mga full-time missionary sa pagtuturo sa iba, nagpayo sa mga young adult na may kapansanan sa aming ward, nakipag-usap sa mga full-time missionary linggu-linggo para malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan, at tumukoy ng ilan sa kanyang mga ninuno na kailangang gawan ng mga ordenansa sa templo. Kasalukuyan din siyang naglilingkod sa Denver Colorado Temple.
Pagsaksi sa mga Himala
Sa binyag, nakikipagtipan sa Diyos ang mga miyembro ng Simbahan na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).
Kapag lahat tayo ay tunay na nagsisikap na ibahagi ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng ating paglilingkod, tulad ng ginawa ni Ammon, alam natin na mabubuksan ang kalangitan at daranas tayo ng malalaking himala, kabilang na ang ilan na nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa ating mga kaibigan at kapitbahay.