“Pagharap sa Buhay nang Paisa-isang Araw,” Liahona, Set. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pagharap sa Buhay nang Paisa-isang Araw
Nagpapasalamat kami sa mababait na miyembro ng aming ward, na tumulong sa amin sa pag-unawa sa aming anak na autistic.
Noong 18 buwan na ang anak naming si Joshua, napansin namin na may kakaiba sa kanyang pag-uugali. Nabibigkas ni Josh ang halos lahat ng salita ng bawat awitin sa mga palabas sa telebisyon na pinanonood niya, pero huli na siyang natutong magsalita. Isang araw sinabi ng biyenan ko na may mga senyales si Josh ng autism. Ganoon din ang sinabi sa amin ng mga espesyalista.
Ang aking asawa na si Elizabeth ay nagbuhos ng panahon para pag-aralan ang mga literatura tungkol sa autism. Ini-enroll din niya si Josh sa mga programa para tulungan ito. Determinado siya na magkaroon ito ng pinakamagandang simula sa buhay na maibibigay namin.
Sa mga araw na nag-aalala ako para sa hinaharap, pinapayapa ako ni Elizabeth. Sinabi niya sa akin na kailangan naming harapin ang buhay nang paisa-isang araw.
“Kailangan nating pahalagahan ang bawat bagong bagay na natututuhan ni Josh sa halip na magtuon sa lahat ng mangyayari sa hinaharap na hindi naman natin natitiyak,” sabi niya.
Nang lumaki na si Josh, mahirap na siyang pakalmahin sa simbahan. Para hindi siya makaistorbo sa Primary o makasakit ng mga bata, ipinirmi ko siya sa aking kandungan. Nagpumiglas siya, nangalmot, at nakipagbuno sa akin sa loob ng tatlong oras na simba. Madalas akong umuwi na bugbog na bugbog at pagod na pagod.
“Bakit hindi na lang natin siya iwan sa bahay at magsalitan na lang tayo sa pagbabantay sa kanya?” mungkahi ko.
“Kung hindi natin siya patuloy na isasama,” sagot ni Elizabeth, “malalaman niya na kung magwawala siya, makakaalis siya sa simbahan.” Alam kong tama siya.
Isang araw sinabi sa akin ng ina ng isa pang pamilya na may anak na autistic, “Kapag nagwalong taong gulang si Josh at natanggap niya ang Espiritu Santo, magbabago ang pag-uugali niya!”
Nagduda ako sa mga sinabi niya, pero nang nagwalong-taon na si Josh, natanggap niya Espiritu Santo at talagang nagbago siya—nang kaunti.
Nang medyo lumaki na si Josh, natanggap niya ang priesthood. Nagpasa siya ng sakramento, at natutuhan niya ang kahalagahan ng paglilingkod. Inaral ng mga miyembro ng priesthood quorum ang isang sayaw sa tugtog ng isang ‘80s music video kasama si Josh at itinanghal ito sa ward party.
Napakabait ng ward namin kay Josh. Nangingiti ang mga miyembro kapag nagpapasa siya ng sakramento habang nagpapakita ng ilang galaw ng sayaw noong ‘80s.
Si Josh ay 17 na ngayon. Siya ay isang magaling na musician na nagsusulat ng mga awitin. Gustung-gusto niyang umarte at palaging sumasama sa mga pagtatanghal sa eskuwela at komunidad.
Nagpapasalamat kami na maging mga magulang ni Josh at maging bahagi ng kanyang paglalakbay. Hindi namin natitiyak kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit determinado kaming samantalahin nang lubos ang bawat araw na kasama siya.