Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Tiyempo ng Panginoon ay Talagang Mas Mainam Kaysa sa Atin
Ipinakita sa akin ng Panginoon na kung minsan ay sa proseso ng paghihintay natin nararanasan ang pinakamalaking paglago.
Naranasan mo na bang hindi makausad, na iniisip kung dapat ka bang sumulong sa buhay mo o maghintay na ilagay sa Panginoon na ayusin ang mga bagay-bagay para sa iyo? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Pero nakatulong sa akin ang isang karanasan na makausad nang magtiwala ako sa Panginoon.
Isang Napakagandang Pagkakataon
Sa unang taon ko sa kolehiyo, binanggit ng propesor ko ang isang oportunidad na magtrabaho sa isang posisyon sa copyediting sa paaralan. Matapos matuklasan kamakailan ang hilig ko sa pag-edit, gustung-gusto ko talaga ang trabahong ito. Pero nagpasiya akong maghintay at mag-apply kapag wala akong klase.
Nang mag-apply na ako noong taglamig na iyon, nalungkot akong malaman na hindi na naghahanap ng tao ang team para sa posisyong iyon. Naisip ko na masyadong matagal akong naghintay at lumampas ang pagkakataon ko. Subalit dama ko pa rin na dapat na mapasaakin ang trabahong iyon. Nagtaka ako kung bakit hindi napasaakin iyon samantalang parang hinihimok ako ng Ama sa Langit na mag-apply sa trabahong iyon. Hindi ba ako kumilos kaagad?
Mga Paghahanda ng Panginoon
Nang pagnilayan ko ang mga paraan na tinutulungan ako ng Ama sa Langit na tumanggap ng paghahayag, natanto ko na ang hindi pagkatanggap sa trabahong ito ay maaaring naging isang pagpapala para magkaroon ako ng higit na kakayahan kaysa rati. Marahil ay kinailangan kong matuto pa bago ako maging handa.
Nagpasiya akong pagbutihin ang aking mga kasanayan, at kahit nag-alala ako sa pagpapaliban ng aplikasyon ko sa susunod na ilang semestre, tiniyak sa akin ng Espiritu na iyon ang tamang desisyon.
Habang naghihintay ako na muling mabuksan ang trabahong iyon, marami pa akong natutuhan tungkol sa ginagawa ng mga editor at lumakas ang pang-unawa ko sa wikang Ingles. Nagkaroon ako ng tiwala sa mga kakayahan kong mag-edit at may natutuhan pa nga akong ilang iba pang mga kasanayan. Ang kinalabasan, kinailangan ko ang lahat ng kasanayang ito bago ako seryosong ikonsidera para sa trabaho.
Sa pagbabalik-tanaw, alam ko na ginabayan ako ng Panginoon sa panahong ito para tulungan akong magkaroon ng mga kasanayang kailangan ko para maging mas mahusay na editor. Kung hindi ko nadama noon ang pahiwatig na hangarin ang trabaho sa simula pa lang, baka hindi ako gaanong nagsikap na maging mas mahusay na editor.
Sinabi ng Panginoon kay Abraham:
“Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.
“Kaya’t … , nang makapaghintay na may pagtitiis, ay [natamo niya ang] pangako” (Mga Hebreo 6:14–15).
Naparami ako ng Panginoon. Nang mag-apply akong muli para sa trabaho, inilahad ko ang updated résumé ko na nagsasaad ng lahat ng bagong kasanayang natamo ko at natanggap ako sa trabaho sa loob ng linggong iyon. Sa huli, mas alam ng Panginoon kaysa sa akin kung kailan ako magiging handa para sa trabahong ito.
Perpekto ang Kanyang Tiyempo
Kinailangan ng Panginoon na nasa tamang lugar ako sa tamang panahon na may tamang kombinasyon ng mga kasanayan at kaalaman para biyayaan ako ng bagay na nais ko. Itinuro ni Elder J. Devn Cornish, isang emeritus General Authority Seventy: “Kilala Niya ang bawat isa sa atin, at mahal Niya tayo, lahat tayo. Nais Niya tayong pagpalain.”1
Kung nalaman ko lang noong unang hindi ako natanggap sa trabaho na kailangan ko lang “manahimik sa Panginoon, at matiyaga[ng] maghintay sa kanya” (Mga Awit 37:7), baka napansin ko kaagad na tinutulungan ako ng Panginoon na hubugin ang sarili ko para maging mas mahusay na editor.
Kalaunan ay tumama ang tiyempo. At nang matanggap ako sa trabaho, gustung-gusto ko talaga iyon. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan sa mga miyembro ng team ko, at natuto kaming magtiwala sa paghatol ng isa’t isa at nagtulungan kami sa trabaho at sa buhay sa pangkalahatan. Labis akong nagpapasalamat sa paglago na hinikayat ng Ama sa Langit na maranasan ko muna. Kung wala iyon, hindi sana ako naging handa para sa trabahong ito!
Maaaring ang Ibig Sabihin ng “Hindi” ay “Hindi Pa”
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang tiyempo ng Panginoon … ay angkop sa mahahalagang kaganapan sa ating personal na buhay. Ipinapahayag sa isang magandang talata sa Doktrina at mga Tipan na darating sa atin ang isang partikular na espirituwal na karanasan ‘sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban’ [Doktrina at mga Tipan 88:68]. Ang alituntuning ito ay angkop sa paghahayag … at sa lahat ng pinakamahalagang kaganapan sa ating buhay: pagsilang, pag-aasawa, kamatayan, at maging ang mga paglipat-lipat natin ng lugar.”2 Anuman ang hinihintay natin, maaari tayong magtiwala sa tiyempo ng Ama sa Langit at patuloy na sumulong nang may pananampalataya.
Huwag sumuko sa pagkakamit ng mga pagpapalang matwid mong hinahangad, at huwag mabalisa kung hindi dumarating kaagad ang mga ito nang kasimbilis ng inasahan mo. Sa halip, patuloy na paunti-unting umusad sa landas ng tipan, na nagtitipon ng mga kasanayan, tiwala, at koneksyon habang daan. Isipin kung ano ang maaaring gustong ituro sa iyo ng Ama sa Langit o kung paano ka Niya tinutulungang lumago habang hinihintay mo ang mga pagpapalang hinahangad mo.
Kung patuloy kang humahakbang patungo sa iyong mga mithiin at may pananampalataya ka sa tiyempo ng Panginoon, nasa tamang landas ka. At isang araw, kapag nasaksihan mo ang ilang pagpapala sa iyong buhay, maaaring makita mo na noong inakala mo na sinasabi sa iyo ng sansinukob na “Hindi,” maaaring iyon ang Ama sa Langit na sinasabi sa iyo na “Hindi pa.”