2022
Isang Mabisang Huwaran para sa mga Magulang
Setyembre 2022


“Isang Mabisang Huwaran para sa mga Magulang,” Liahona, Set. 2022.

Isang Mabisang Huwaran para sa mga Magulang

Batay sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sa tulong ng pagsasaliksik, ang huwarang ito para sa mga magulang ay makagagabay sa iyo na lumikha ng mga makabuluhang ugnayan, suportahan ang pananampalataya at pag-unlad, at palakasin ang pagkakaisa at katatagan sa inyong pamilya.

ama na nagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang kanyang anak na babae

Ang pagiging magulang ay may walang-hanggang layunin at maaaring magdulot ng kasiyahan, kaliwanagan, at kagalakan. Ngunit dahil iba-iba ang sitwasyon at may kani-kanyang mga hamon sa buhay ang mga pamilya, ang pagpapalaki ng mga anak ay tila napakahirap gawin o nakakapagod o nakakapanghina kung minsan.

Mabuti na lang, hindi natin kailangang gawin iyon nang mag-isa.

Sa patnubay ng ating Ama sa Langit, sa tulong ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo, at sa mapanalanging pagsasabuhay ng inspiradong payo, makahahanap tayo ng tulong at pag-asa sa ating mga nararanasan bilang magulang.

Isang Huwaran na Sinusuportahan ng Ebanghelyo para sa mga Magulang

Mula sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa tulong ng pagsasaliksik tungkol sa pagiging magulang, natukoy natin ang tatlong gabay na alituntunin sa pangangalaga ng emosyonal at espirituwal na pag-unlad ng isang bata. Kapag pinagsama, ang magkakaugnay na pinagtutuunang aspeto ay bumubuo ng mabisang huwaran na makatutulong sa mga pamilya sa buong mundo.

Mabisa ang huwarang ito dahil pinagsama nito ang mga katotohanan ng ebanghelyo kalakip ang mahahalagang konsepto mula sa pagsasaliksik tungkol sa pagiging magulang at pag-unlad ng bata. Ang paghahangad ng personal na paghahayag kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin sa huwarang ito ay makatutulong sa iyo na mapag-ibayo ang katatagan ng iyong pamilya at bumuo ng tahanang nakasentro kay Jesucristo.

Ang tatlong gabay na alituntunin ay:

  1. Lumikha ng mapagmahal na ugnayan ng pamilya

  2. Suportahan ang pagkatuto at pag-unlad

  3. Palakasin ang pagkakaisa at katatagan sa pamamagitan ng paglilingkod

Ang huwarang ito ay tumutulong sa atin na magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga. Bawat bahagi ng huwaran ay mahalagang sangkap na nagpapatatag sa ating pamilya. Kung sama-samang gagamitin, ang mga ito ay naghihikayat ng magagandang ugnayan at karanasan, tumutulong sa ating pamilya na makayanan ang paghihirap, at nagpapalakas ng kakayahan at katatagan.

Habang lumalago tayo bilang mga magulang, ang huwarang ito ay makatutulong sa pagtuklas kung paano pinakamainam na matuturuan at mapangangalagaan ang bawat anak.

Nasa ibaba ang maikling buod ng bawat bahagi ng huwaran at halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na gagabay sa atin sa paggamit ng huwarang ito sa ating buhay. Ang iba pang impormasyon tungkol sa pagiging magulang, praktikal na mga tip, at mga sagot sa mga karaniwang tanong ng magulang ay makukuha sa family.ChurchofJesusChrist.org.

1. Lumikha ng Mapagmahal na mga Ugnayan sa Pamilya

Ang alituntuning ito ay nagpapaalala sa atin na unahin ang mapagmahal na pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, sa ating asawa, at sa ating mga anak. Ang mga ugnayang ito ng pamilya ay napakahalaga. Ang walang-hanggang identidad at mga ugnayan ng ating mga anak ay nagmumula sa pangunahing katotohanan na “bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana.”1

Mahihikayat natin sila na makilala ang Diyos at si Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at personal na paghahayag mula sa Banal na Espiritu (tingnan sa Juan 17:3). Mapalalakas natin ang pananampalataya sa pamamagitan ng paglinang ng “[pagnanais na] maniwala,” ng ating mga anak (Alma 32:27) at pagtulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Diyos. Mahalagang malaman ng ating mga anak na ganap silang nauunawaan, lubos silang minamahal, at nais silang tulungang magtagumpay ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas (tingnan sa Roma 8:38–39).2

Bilang mga magulang, mahalagang lumikha sa bawat anak ng mapagmahal na ugnayan na puno ng paggiliw at pagmamalasakit. Ang pag-unawa sa mga pananaw ng ating mga anak at pakikinig sa kanilang sinasabi nang may respeto ay nagpapatibay ng matatag at mapagmahal na ugnayan. Kailangang malaman ng ating mga anak na tayo ay interesado sa kanila, may malasakit sa nadarama nila, at laging nariyan para tulungan sila. Ang ating mapagmalasakit na pakikipag-ugnayan sa ating mga anak ay tumutulong sa kanila na magkaroon ng positibong pananaw sa kanilang sarili, kilalanin ang kanilang walang-hanggang kahalagahan, at bumuo ng matibay na ugnayan sa Diyos at kay Jesucristo.

Bukod pa rito, ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring maging malaking suporta sa isa’t isa. Mapapatatag natin ang mga ugnayan ng pamilya kapag sama-sama tayong nagtitipon upang makipag-ugnayan, manalangin, magpayuhan, at magsaya.

Umasa kay Cristo

Ibinabahagi ni Jesucristo ang Kanyang pagmamahal, sa bawat isa, sa pamamagitan ng ugnayang nagpapadama ng pagiging kabilang ng lahat, ng pag-asa, at paggaling. Matapos magsalita ang Tagapagligtas sa mga Nephita, mahabagin Siyang tumulong at personal na naglingkod upang pagalingin at pagpalain ang bawat isa. At pagkatapos “kinuha [Niya] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21).

Bilang magulang, mapagpapala mo ang iyong mga anak sa pamamagitan ng paglikha ng mapagmahal na ugnayan sa kanila—isang makabuluhang koneksyon sa bawat pagkakataon.

Mga Ideya sa Paglikha ng Mapagmahal na mga Ugnayan ng Pamilya

  • Makipag-ugnayan sa iyong mga anak sa pamamagitan ng pakikinig na mabuti, pagtugon nang may pagmamahal, at pag-obserba sa kanilang mga ipinapahiwatig para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

  • Magpalakas ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at maghikayat ng panalangin at personal na paghahayag upang mapatibay ang mga banal na ugnayang ito.

  • Pangalagaan ang iyong sarili at ang pagsasama ninyong mag-asawa. Matutulungan ka nito na magkaroon ng mas mabuting ugnayan sa iyong mga anak at upang pantay at magkatuwang ninyong gampanan ng iyong asawa ang pagiging magulang nang may pagkakaisa at pagmamahal. Kung wala kang asawa, gabayan ang iyong pamilya nang may pananampalataya at kumpiyansa. Humingi ng karagdagang suporta mula sa mga pinagkakatiwalaan mo.

  • Magpadama ng kapanatagan, pagiging kabilang ng lahat, at kagalakan sa iyong tahanan.

2. Suportahan ang Pagkatuto at Pag-unlad

mga magulang na nakikipag-usap sa kanilang anak na babae

Suportahan ang pag-unlad ng iyong mga anak sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kanilang kani-kanyang personalidad, pagbibigay sa kanila ng walang-maliw na pagmamahal, at pagsuporta sa kanilang mga pagsisikap. Alamin kung gaano na umuunlad ang iyong mga anak at tulungan sila ayon sa kanilang partikular na mga pangangailangan. Ang iyong halimbawa, tagubilin, patnubay, at panghihikayat ay mahalaga upang masuportahan ang mga kakayahan at kumpiyansa ng iyong anak. Maging mausisa at mahabagin habang natututo ang iyong mga anak sa pamamagitan ng karanasan.

Iniiwasan din ng mapag-arugang mga magulang na maging labis na mapaghanap, mapagpaubaya, o mapagkunsinti. Ang pagbibigay ng angkop na mga hangganan, regular na gawain, at makatwirang mga inaasahan ay makahihikayat sa pag-unlad ng inyong anak. Tulad ng ating Ama sa Langit, dapat mas magtuon ang mga magulang sa pag-unlad ng kanilang mga anak kaysa sa kanilang kaginhawahan (tingnan sa 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 50:24, 40).

Akayin, gabayan, at samahan ang inyong mga anak habang natututo silang sumunod kay Jesucristo.3 Turuan sila kung paano bumaling sa Tagapagligtas at umasa sa Kanyang Pagbabayad-sala para matulungan silang umunlad. Unti-unting matutuklasan ng inyong mga anak mula sa inyong halimbawa at sarili nilang karanasan na “lahat ng mga bagay ay [kanilang] magagawa sa pamamagitan [ni Cristo],” na nagpapatawad at nagpapalakas sa kanila (Filipos 4:13). Ang pag-unlad at pagbabago ay maaaring mahirap at kailangan ng madalas na pagsasagawa. Ang matwid at tapat na mga magulang ay nagsisikap na turuan ang kanilang mga anak hindi lamang kung paano “lumakad sa mga daan ng katotohanan” (Mosias 4:15) kundi kung bakit dapat nilang gawin ito. Palawakin ang kanilang pang-unawa at suportahan ang kanilang matwid na paggamit ng kalayaan sa bawat hakbang na ginagawa nila.

Umasa kay Cristo

Pinaiigting ni Jesucristo ang iyong pag-unlad sa pamamagitan ng pagtingin sa mabubuting hangarin ng iyong puso at pagtulong sa iyo na maisakatuparan ang mga ito (tingnan sa 1 Samuel 16:7; Enos 1:12). “Isa-isa[ng]” tinanong ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo, “Ano ba ang inyong hihilingin sa akin?” (3 Nephi 28:1; tingnan din sa 1 Nephi 11:1––3). Ang pagninilay sa tanong na ito ay makatutulong sa iyo na matuklasan at mapaunlad ang pinahahalagahan mo. Isipin kung paano sinuportahan ng Tagapagligtas ang pagkatuto at pag-unlad ng kapatid ni Jared sa pamamagitan ng pagrespeto sa kanyang kalayaan at pagtatanong ng, “Ano ang nais mong gawin ko?” (Eter 2:23). Sinuportahan siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ng partikular na mga tagubilin, kapag kailangan, at hinikayat din siya na pag-aralan nang mag-isa ang gagawin. Hindi ka pinipilit o kinokontrol ng Tagapagligtas kundi sa halip ay tinuturuan at hinihikayat kang gamitin ang iyong kalayaang pumili para sa kabutihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:26–28).

Hikayating umunlad ang iyong mga anak sa pamamagitan ng pagsuporta sa mabubuting hangarin ng kanilang puso—sa pamamagitan ng isang pinag-isipang tanong sa bawat pagkakataon.

Mga Ideya para sa Pagsuporta ng Pagkatuto at Pag-unlad

  • Ituro ang iyong mga anak kay Jesucristo at turuan sila kung paano nila magagamit ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Tularan si Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal, patnubay, suporta, at habag habang natututong sumunod sa Kanya ang inyong mga anak.

  • Suportahan ang pag-unlad sa pamamagitan ng pagsuporta sa pang-unawa, kakayahan, kalayaang pumili, at kumpiyansa ng inyong anak.

  • Lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo at pagsasabuhay nito nang magkakasama habang umuunlad kayo sa landas ng tipan.

3. Palakasin ang Pagkakaisa at Katatagan sa Pamamagitan ng Paglilingkod

pamilyang hinahatiran ng pagkain ang isa pang pamilya

Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na “magmahalan sa isa’t isa [k]ung paanong minahal ko kayo.” (Juan 13:34). Habang pinapanatag, pinasisigla, at pinaglilingkuran ninyo ang isa’t isa, pinalalaganap ninyo ang dalisay na pag-ibig ni Cristo at kayo ay nagiging lalong katulad Niya. Nagbibigay rin ang Diyos ng maraming mahahalagang pagkakataon para matuto at umunlad ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pakikilahok sa Kanyang gawain at pagtupad sa kanilang mga pangako na paglilingkuran ang iba (tingnan sa Moises 1:39; Mosias 18:7–11). Ang pagpapadama ng pagmamahal ni Cristo at pagpapakita ng Kanyang liwanag ay nagpabago sa kanila at sa mga pinaglilingkuran nila.

Nakikinabang din ang iyong pamilya sa pagiging kabahagi ng isang ward o branch kung saan nagbibigay at tumatanggap ang iyong mga anak ng pagmamahal at suporta. Ang pagtitipon ng inyong puso na “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21) ay humahabi ng mga makatutulong na ugnayan at magagandang karanasan na nagpapatatag sa iyong pamilya. Kapag pinaglilingkuran ninyo ang iba nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo, makatutulong kayo sa pagtatayo ng Sion sa inyong pamilya at sa buong lipunan (tingnan sa Moises 7:18).

Ituro sa mga anak mo na ang paglilingkod ay maaaring maging pang-araw-araw na kaugalian sa halip na isang proyekto lamang. Ang pagsisikap na paglingkuran ang isa’t isa ay tutulong sa mga bata at kabataan na magkaroon ng mas makabuluhang buhay habang tinutugunan nila hindi lamang ang sarili nilang pangangailangan kundi maging ang sa iba. Kamangha-mangha kung paanong ang pagtatayo ng Sion ay lumilikha ng mga tao ng Sion.

Umasa kay Cristo

Inanyayahan ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin na mahalin at paglingkuran ang iba (tingnan sa Juan 13:34–35). Ang pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay nagpapalakas at nagpapabago sa atin. Ang pagiging “nasa [gawain] ng [Kanyang] Ama” (Lucas 2:49) ay bahagi ng pag-unlad na naranasan ni Jesus sa Kanyang kabataan nang Siya ay “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Ang iyong pamilya ay nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, pangangalaga sa mga nangangailangan, pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pagbubuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan.4

Suportahan ang pag-unlad ng inyong mga anak sa pamamagitan ng pakikiisa sa “dakilang gawain” ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 64:33)—sa pamamagitan ng mapagmahal na paglilingkod sa bawat pagkakataon.

Mga Ideya para sa Pagpapalakas ng Pagkakaisa at Katatagan sa Pamamagitan ng Paglilingkod

  • Ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos at mas kilalanin Siya sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa Kanyang mga anak.

  • Mahalin ang isa’t isa sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga nakapaligid sa iyo at pangangalaga sa mga nangangailangan.

  • Tipunin ang Israel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, pagsasaliksik ng iyong family history, paglilingkod sa templo, at pagtulong sa iba na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.

  • Patatagin ang pagkakaisa at ang pinagsama-samang lakas sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal, pagpapadama ng pagiging kabilang ng lahat, at pagsuporta sa isa’t isa.

Pagsasabuhay ng Huwaran sa Inyong Tahanan

Ang mga gumagabay na alituntuning ito ay makatutulong na ituon ang iyong pagiging magulang araw-araw. Halimbawa, maaari mong isipin ngayon kung paano mo sadyang malilikha ang mas mapagmahal na ugnayan, masusuportahan ang pagkatuto, o patatatagin ang iba. Ang pagsasabuhay ng huwarang ito ay magpapabuti ng pag-aaral ng ebanghelyo, makasusuporta sa personal na pag-unlad ng inyong anak, at makahihikayat na mas magtuon sa iba na magpapasigla at magpapala sa inyong pamilya. Ang pagsasabuhay ng mga alituntuning ito ay maaari ring magpabuti sa paggamit ninyo ng resources na nakasentro sa tahanan tulad ng Pumarito Ka , Sumunod Ka sa Akin at programang Mga Bata at Kabataan.

Maraming paraan para maipamuhay ang mga alituntunin ng huwarang ito. Maging flexible at maghangad ng personal na paghahayag para maiangkop ang mga ito sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Ang huwaran na “lumikha, suportahan, palakasin” ay hindi nangangaluhugan ng karagdagang paggawa. Bagama’t maaaring may mga bagay na nahihikayat kang idagdag sa kasalukuyan mong ginagawa, ang huwaran ay nilayon upang tulungan kang samantalahin ang lahat ng oras na magkakasama kayo.

Kapag gumagawa ka ng anumang bagay para lumikha ng mapagmahal na mga ugnayan, suportahan ang pagkatuto at pag-unlad, o palakasin ang pagkakaisa at katatagan sa pamamagitan ng paglilingkod, naglalatag ka ng matibay na pundasyon para sa lahat ng ginagawa mo sa iyong tahanan.

Ang Mabubuting Magulang ay Maaasahan, Hindi Perpekto

Mahalagang tandaan na hindi mo kailangang maging perpekto para maging mabuting magulang. Sa halip, sikaping maging maaasahang pinagmumulan ng pagmamahal at suporta para sa iyong mga anak. Ang pakikipag-ugnayan lang sa iyong anak sa maliliit na paraan ay makagagawa ng malaking kaibhan.

Kapag nakadarama ka ng panghihina-ng-loob bilang magulang, huwag kalimutang maghinay-hinay, ipahinga ang sarili, at patuloy na magsikap. Makasusulong ka nang may pananampalataya batid na lubos na nagmamalasakit ang Tagapagligtas sa iyo at sa iyong mga anak at pag-iibayuhin ang iyong tapat na pagsisikap at mabubuting hangarin.

Pag-asa kay Cristo

Kapag sinisikap mong maging matatag sa paggawa ng lahat ng iyong makakaya para mahalin, suportahan, at palakasin ang bawat anak mo, nang isa-isa, ikaw at ang iyong pamilya ay magkakaroon ng pag-asa kay Cristo dahil sa Kanyang walang hanggang pangako sa iyo: “Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig” (Doktrina at mga Tipan 50:41).