Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagbabago ng Aking Pananaw Tungkol sa Patuloy na mga Hamon
Kapag nahaharap tayo sa mga hamon na maaaring hindi malutas, paano tayo makakasulong nang may pananampalataya?
Hindi ba magandang magkaroon ng plano sa buhay mo? Na maunawaan ang lahat? Akala ko ginawa ko iyon, hanggang sa masuri na mayroon akong malubhang sakit na tinatawag na polycystic ovary syndrome (PCOS).
Nang masuri ako, nagalit ako at nalito paminsan-minsan, at itinuon ko ang lahat ng lakas ko sa paggaling sa sakit na ito.
Natanto ko kalaunan na hindi iyon ang nais ng Diyos na maging pananaw ko sa pagsubok na ito. Tinulungan ako ng Espiritu na makawala sa tatlong masasamang pananaw na ito na nagpahirap sa akin at palitan ang mga ito ng mas mabubuting pananaw:
“Kasalanan ko ang Hamong Ito” “Hindi Ko Kasalanan ang Hamong Ito—Bahagi Lang ito ng Mortalidad”
Noong una, akala ko may nagawa akong mali para magkaroon ng ganitong sakit at na kung babaguhin ko ang aking mga gawi, maaari akong “gumaling.”
Naging abala akong magsaliksik at sinubukan ko ang maraming “solusyon” na kakaunti ang naitulong.
Nang bumaling ako sa Ama sa Langit para sa mga sagot, dahil sa Espiritu ay natanto ko na hindi tayo dapat sisihin sa maraming paghihirap na kinakaharap natin—ang ilang hamon ay sadyang kaakibat ng mortalidad. Sinabi ni Elder Anthony D. Perkins ng Pitumpu, “Ang pagdurusa ay hindi nangangahulugang ang Diyos ay hindi nasisiyahan sa iyong buhay.” Sa hindi paninisi at sa pagbaling sa pananampalataya, nakasumpong ako ng pag-asa at kapayapaan.
“Kailangang Mawala ang Problemang Ito” “Makasusumpong Ako ng Kagalakan Kahit Patuloy pa ang Problemang Ito”
Naniwala ako na maaari akong lubos na gumaling kung mayroon lamang akong sapat na pananampalataya, at palagi akong nalulungkot kapag hindi ako gumagaling. Kalaunan ay nalaman ko na mahalaga ring manampalataya na hindi mapagagaling.
Gustung-gusto ko ang mensaheng ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang binatang may kanser na humingi ng basbas ng priesthood para gumaling. Gayunman, sinabi sa kanya ni Elder Bednar na para gumaling, kailangan din niyang manampalataya na hindi siya gagaling. Sabi niya, “kailangang madaig [niya], sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, ang ‘likas na tao’ na tendensiya nating lahat na walang tiyagang hilingin at patuloy na ipilit ang mga pagpapalang gusto natin at inaakala nating marapat nating tanggapin.”
Ang pananampalataya sa Diyos ay maaaring humantong sa mga himala—kung iyon ang kalooban ng Diyos. Ngunit kung hindi tayo nakararanas ng mga himala, ano ang susunod nating gagawin?
Sa Bagong Tipan, nagsalita si Pablo tungkol sa pagdarasal na alisin ang “tinik sa laman” (tingnan sa 2 Corinto 12:7). Bagama’t hindi kaagad nalutas ang kanyang problema, natutong magtiwala si Pablo sa Diyos at umasa sa Kanya para sa lakas na harapin ang isang mahirap na hamon: “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (2 Corinto 12:9).
Nakatulong din sa akin ang aking “tinik sa laman” para umasa sa Diyos, sa gayon ay naging kalakasan ang aking kahinaan. Natutuhan ko na ang pagdaig sa mga hamon ay maaaring mangahulugan ng kakayahang pamahalaan ang mga iyon sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas mula sa Tagapagligtas, sa halip na alisin nang tuluyan ang mga iyon.
Ang pananampalataya sa Diyos ay maaaring humantong sa mga himala—kung iyon ang kalooban ng Ama sa Langit. Ngunit kung hindi natin nararanasan ang mga himalang hinahangad natin sa paraang inasam natin, maaari pa rin nating makita ang Kanyang kamay na mahimalang tumutulong sa atin habambuhay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Gawin ang espirituwal na gawain sa paghahanap ng mga himala. Hilingin sa Diyos sa panalangin na tulungan kayong magpakita ng ganoong uri ng pananampalataya. Ipinapangako ko na mararanasan ninyo na si Jesucristo ay ‘nagbibigay ng lakas sa mahina; at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ng kalakasan’” (Isaias 40:29).
“Walang Pag-asa” “Laging May Pag-asa”
Ang masakit na aspeto ng pagkakaroon ng PCOS ay hindi ka magkakaanak. Nang una kong matanto na mahihirapan akong magkaanak, nagalit ako at nasaktan.
Nang umasa ako kay Cristo, natuto akong magtiwala sa kalooban at takdang panahon ng Diyos.
Hindi ko alam kung magkakaanak ako sa buhay na ito, pero naniniwala ako, tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “nasa sa atin ang lahat ng dahilan para umasa sa mga pagpapalang mas dakila kaysa sa mga yaong natanggap na natin.”
Kahit hindi nalulutas ang inyong mga hamon, laging may pag-asa: pag-asa sa kagalakan, pag-asa sa pagtulong sa iba sa pamamagitan ng pagdamay na natamo ninyo sa pamamagitan ng inyong mga karanasan, at pag-asa sa maraming pagpapalang darating.
Nahihirapan pa rin ako kung minsan sa masasamang pananaw tungkol sa aking mga hamon, pero kapag nangyayari iyon, umaasa ako sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga pangako. Kung patuloy akong magsisikap na magpakabuti sa maliliit na paraan bawat araw, magtitiwala sa Diyos, at hihingi ng tulong sa Kanya at sa iba, mapupuspos ng kagalakan at mga pagpapala ang aking hinaharap—at gayundin ang sa inyo.