2022
3 Paraan para Mabago ng Pangkalahatang Kumperensya ang Iyong Buhay
Setyembre 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

3 Paraan para Mabago ng Pangkalahatang Kumperensya ang Iyong Buhay

Narito ang ilang paraan para magkaroon ng kongkretong plano pagkatapos ng kumperensya.

Mag-asawang nanonood ng kumperensya sa kanilang tahanan

Larawang kuha ng pamilya Kaufusi

Palagi akong natututo ng mga bagong alituntunin kapag nakikinig ako sa pangkalahatang kumperensya. Naaalala ko ang pagmamahal ng Diyos sa akin, nauunawaan ko ang mga bagong bagay tungkol sa Simbahan at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at nauunawaan ko ang mga banal na kasulatan sa isang bagong pananaw. Napakaganda ng pagkakataong ito para makinig sa mga buhay na propeta at apostol.

Ngunit kung minsa’y nahihirapan akong kumilos ayon sa bagong kaalaman at pang-unawang iyon, at tulad ng ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan.”1

Kamakailan ay sinubukan kong sundin ang payong iyon at umalis sa kumperensya na nalalaman ang mga kongkretong paraan ng pagkilos. Narito ang tatlong tip sa paglikha ng isang plano kung ano ang gagawin pagkatapos ng kumperensya.

1. Dumating nang may partikular na mga tanong.

Naririnig natin ang isang ito palagi, pero totoo ito! Ang pagtukoy sa hinahanap mo ay makakatulong sa iyo na ituon ang iyong pag-aaral at paghahanda at magkaroon ng partikular na kaalaman habang nanonood o nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya.

At kung naghahanap ka ng magagawa, subukang magsama ng mga pandiwa sa mga tanong mo. Narito ang ilang halimbawa:

  • Paano ko mapag-aaralan nang mas epektibo ang aking mga banal na kasulatan?

  • Ano ang magagawa ko para mas makinabang sa aking pagsamba sa templo?

  • Ano ang isang alituntuning maidaragdag ko sa aking buhay na lalong maglalapit sa akin sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas?

2. Isipin ang iba.

Bagama’t may magagandang mensahe sa kumperensya na tutulong sa atin na mapagbuti ang sarili nating buhay, madalas din tayong payuhan na pagbutihin ang ating mga relasyon at alamin ang mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin. Ang pagdalo sa kumperensya na nasasaisip ang isang tao—isang roommate, asawa mo, isang kapamilya, isang kaibigan—ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng ibang karanasan sa pangkalahatang kumperensya. Maaari kang mahikayat na mas kilalanin ang mga pinaglilingkuran mo, patatagin ang isang dating relasyon, o hanapin pa nga ang isang taong hindi mo gaanong kilala.

Tulad ng sabi ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Mga kapatid, sa pamamagitan ng inyong paglilingkod, donasyon, oras, at pagmamahal, naging sagot kayo sa maraming panalangin. Subalit napakarami pa ring kailangang gawin. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay may tipan na pangalagaan ang mga nangangailangan. Ang pagsisikap ng bawat isa sa atin ay hindi nangangahulugang kailangan tayong magbigay ng pera o nasa malalayong lugar; ang kailangan dito ay patnubay ng Espiritu Santo at nakahandang puso na magsasabi sa Panginoon ng, ‘Narito ako, isugo ako.’”2

3. Maging handang pakinggan at tanggapin ang mga sagot mula sa Espiritu.

Hindi lahat ng sagot ay magmumula sa sinasabi mismo ng mga tagapagsalita. Alamin kung ano ang sinisikap ng Espiritu na sabihin sa iyo sa pamamagitan ng mga ideya at damdamin. Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga sagot sa inyong mga partikular na panalangin ay maaaring tuwirang magmula sa isang partikular na mensahe o mga kataga. May mga pagkakataon naman na maaaring dumating ang sagot sa tila walang kaugnayang salita, mga kataga, o awitin. Ang pusong puspos ng pasasalamat para sa mga pagpapala ng buhay at ang marubdob na hangaring pakinggan at sundin ang mga payo ang maghahanda ng daan para sa personal na paghahayag.”3

At kapag natanggap natin ang paghahayag na iyon, mahalagang isulat ito. Kahit pagkaraan ng isang matinding espirituwal na karanasan sa kumperensya, maaaring maglaho ang mabubuting layunin natin kung hindi natin maalaala ang mismong mga salita o kuwentong nagbigay-inspirasyon sa atin, o kung ano ang gusto nating mapagbuti pa. Pinayuhan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘[uunlad] sa alituntunin ng paghahayag.’”4

Ang paghiling sa Panginoon na tulungan tayong ipatupad ang mga bagong pagbabago sa ating buhay ay gagawing mas personal na karanasan ang pangkalahatang kumperensya. Hindi iyon kailangang maging malaki o mahirap—kahit sa paglisan lang mula sa kumperensya na may natutuhan kang isa o dalawang bagay na nais mong ipamuhay ay maaaring maging kapaki-pakinabang. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu, “Bawat pagsisikap na ginagawa natin para magbago—gaano man ito kaliit sa ating paningin—ay maaaring maging dahilan ng pinakamalaking pagbabago sa ating buhay.”5 Nakikita ng Panginoon ang ating mga pagsisikap at patuloy tayong gagabayan habang hinahangad natin ang Kanyang payo at binabalikan ang natutuhan natin sa pangkalahatang kumperensya.