2022
Patunayan na Magkamag-anak Kayo
Setyembre 2022


“Patunayan na Magkamag-anak Kayo,” Liahona, Set. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Patunayan na Magkamag-anak Kayo

Akala ko imposible ang ipinapagawa ng Panginoon, pero nagkamali ako.

magnifying glass at pedigree chart

Ang matanda kong kapitbahay at ang kanyang anak na lalaki ay nakatira ilang pintuan ang layo mula sa apartment ng aking pamilya. Napamahal na siya sa amin. Matapos pumanaw ang kanyang anak, nagkasakit siya at nakaratay na lang sa kanyang kama. Inalagaan namin siya hanggang sa pumanaw siya makalipas ang tatlong buwan.

Pagkamatay nila, gusto kong magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa pamilyang ito. Pero dahil hindi kami magkamag-anak, hindi puwede iyon. Isang araw may naisip ako na napakalinaw: “Patunayan mo na magkamag-anak kayo, at maaari mo na silang magawan ng gawain sa templo.”1 Akala ko imposible ang ipinapagawa ng Panginoon, pero hindi nawala sa isip ko ang salitang patunayan.

Sinimulan ng mga kamag-anak ng kapitbahay ko ang paglipat ng pagmamay-ari ng kanyang apartment, ngunit kulang sila ng mga rekord na magpapatunay ng relasyon nila sa isa’t isa, kahit naghanap na kami sa mga archive ng pamahalaan.

Sinabi sa akin ng Espiritu na mayroon pa kaming hindi natitingnan. Sa pahintulot ng mga kamag-anak na ito, hinalughog ko ang apartment niya para maghanap ng mga dokumento. Sa isang sulok ng apartment nakita ko ang ilang bag na puno ng mga lumang papel. Kinutuban ako na mahalaga ang laman ng mga bag na iyon.

Hinalungkat ko ang laman ng dalawang bag at sinimulan kong tingnan ang ikatlong bag. Halos narating ko na ang ilalim ng bag nang makapa ko ang cover ng isang notebook. Sa loob ng cover pocket ng notebook, nakakita ako ng limang mahahalagang sertipiko: sertipiko ng kapanganakan ng kapitbahay ko, sertipiko ng pagkamatay ng kanyang ina at kasal, sertipiko ng pagkamatay ng kanyang lola, at sertipiko ng libing ng kanyang ama.

Nang tingnan namin ng mga kamag-anak ng kapitbahay ko ang mga dokumento, may napansin akong dalawang salita: Vagaysky District,” sa kanlurang Siberia. Kaagad kong nadama na dapat kong tingnan ang sarili kong family tree. Nang gawin ko ito, nalaman ko na may lumitaw na Vagaysky sa malalayong kamag-anak sa family tree ng aking ama. Sa patuloy na pagsasaliksik nakita ko na magkamag-anak kami ng pumanaw na kaibigan ko!

Hindi pala imposible ang ipinapagawa sa akin ng Panginoon. Hindi ko mailarawan ang kagalakan ko nang malaman kong kamag-anak ko pala ang kapitbahay ko. Ang link na ito ang magagamit ko para matiyak na naisasagawa ang kanyang mga ordenansa sa templo sa hinaharap.

Mahal ng Panginoon ang Kanyang mga Anak. Inihanda Niya ang plano ng kaligtasan para sa lahat, pati na sa aking kapitbahay at sa kanyang anak.