Digital Lamang
Paano Ko Maibibigay ang Aking Mensahe sa Wikang Pinag-aaralan Ko pa?
Bilang mission leader, natuto akong magtiwala sa Panginoon kahit dama ko na may kakulangan ako.
Habang naglilingkod sa Santiago, Chile, bilang mission leader kasama ng asawa ko, na isang mission president mula 2012 hanggang 2015, natuto ako ng ilang aral na nagpapabago ng buhay tungkol sa katotohanan ng mga himala at kung paano nangyayari ang mga ito. Ang pagtanggap sa tungkuling ito ay naging dahilan para magawa ko ang maraming bagay na hindi ako komportableng gawin dahil sa hindi ako marunong magsalita sa wikang gamit sa aming misyon. Noong una’y nakadama ako ng matinding kakulangan.
Sa simula ng misyon, sa isang tawag mula sa isang kapamilya ay napagtanto ko na masyado akong nakatuon sa sarili ko at sa mga paghihirap ko. Nang maalala ko ang payong ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) mula sa kanyang ama na “kalimutan mo ang sarili mo at magtrabaho ka,”1 nagpasiya akong baguhin ang aking tuon. Tuwing pinanghihinaan ako ng loob, itinatanong ko sa sarili ko, “Sino ang iniisip mo?” Ang sagot ay palaging ako. Kaya nagsisisi ako at ibinabaling ko ang aking isipan sa iba. Pinili kong magtuon ng pansin sa mga missionary, sa mga tinuturuan nila, o sa pamilya ko.
Sinikap ko ring alalahanin kung ano ang kaya kong gawin, na hindi magtuon sa hindi ko kayang gawin. Kaya kong ngumiti, yumakap, at magsikap na matuto ng Espanyol, kahit nangahulugan iyon ng madalas na kabiguan. Madalas akong lumabas noon kasama ng mga sister missionary (kaysa magtago sa mission home kung saan ligtas), kahit pakiramdam ko ay wala akong gaanong maidaragdag.
Basta’t handa akong patuloy na gumawa ng maliliit na hakbang nang may pananampalataya, nadama ko na tinutulungan ako ng nagpapalakas na kapangyarihan ni Cristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo na madaig ang aking mga kahinaan (tingnan sa Jacob 4:7). Habang pinagninilayan ko ang mga karanasan ko, natanto ko ang gayon ding huwaran sa buhay ng mga paborito kong tao sa mga banal na kasulatan. Narito ang journal entry ko noong Oktubre 2014:
“Maraming halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa mga taong pinipiling gumawa ng maraming bagay na hindi sila komportableng gawin—tulad nina Maria na ina ni Jesus, Ruth, Esther, Pablo, Enoc, Lehi at Nephi, Alma, Ammon at kanyang mga kapatid, Samuel, Abinadi, ang 2,000 kabataang Lamanita, Joseph Smith, at marami pang iba. Tinanggap nilang lahat ang mga pagkakataon na nagpahina sa kanila. Hindi nila kayang hulaan o kontrolin ang kahihinatnan ng kanilang mga sitwasyon. Nalagay sila sa mga sitwasyong hindi pamilyar sa kanila na kinailangan nilang gawin ang maraming bagay na hindi sila komportableng gawin, at posibleng lahat ang peligrong manganib, masaktan, magdusa, matanggihan, at mabigo, na lumikha ng pangangailangang masagip ng Espiritu at mga kaloob mula sa Diyos.
“Ang likas na tao [tingnan sa Mosias 3:19] ay gusto ng katiyakan, seguridad, at kontrol, pero natutuhan ko na hindi karaniwang nagsisimulang gumawa ang Diyos ng mga himala habang komportable ang kanilang sitwasyon. Naituro sa akin ng karanasan ko rito na kapag pinipili ng mga tao na limitahan ang kanilang magagawa at gagawin, batay sa kung ano ang komportable sa kanila o para maiwasang mabigo, nililimitahan nila ang magagawa ng Diyos sa kanila. Tila mas madalas Siyang naghihimala sa atin kapag isinuko na natin ang ating sarili [sa Kanyang kalooban], kapag handa tayong gawin ang mga bagay na hindi natin dating ginagawa … at mas lubusan tayong sumandig sa ating pananampalataya sa Kanya at hindi sa sarili nating mga kakayahan. Natutuhan ko na kung mas aalalahanin ko ang pag-aaral, paglago, at pagpapakabuti kaysa sa peligrong mabigo, binubuksan ko ang aking sarili sa nagpapalakas na kapangyarihang inaalok sa akin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Ang isang karanasan na nakatulong para matutuhan ko ang aral na ito ay noong bisitahin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mission namin, pati na ang tatlong iba pang mission sa Santiago. Mahigit 1,000 missionary ang nagtipon sa chapel namin kung saan nahilingan ang asawa ko na mangasiwa sa miting. Pumasok si Elder Holland sa chapel, umupo sa tabi ng asawa ko, humilig sa amin, at nagsabing, “Okey, ito ang gagawin natin. Sister Wright, ikaw muna ang magsasalita at kakatawan sa lahat ng asawa ng mga mission president dito. Susunod naman si President Wright.”
Ang totoo’y hindi ko narinig ang iba pang bahagi ng agenda. Hindi ko naisip kailanman na hihilingan ako ni Elder Holland na magsalita, kaya hindi ako nakapaghanda. Mas gusto kong magkaroon ng oras para maghandang magsalita, oras para pag-isipan iyon kahit paano, pero magsasalita ako kaagad pagkatapos ng pambungad na himno at panalangin.
Habang nagkukumahog akong mag-isip, bigla kong ginustong ibahagi ang mensahe ko sa Espanyol. Gayunman, kahit isang taon na kami sa misyon, at nagsikap akong matuto ng Espanyol, hirap pa rin ako sa wika, at talagang hindi pa ako matatas magsalita nito. May nakahandang tagapagsalin kung magsasalita ako sa Ingles, pero Espanyol ang wikang gamit sa mission na ito, at talagang gusto kong magsalita sa Espanyol. Mahihirapan akong magsalita sa Ingles; ang pagsasalita sa Espanyol ay parang napakalaking hakbang. Kaya sa gitna ng pagkanta ng 1,000 missionary ng “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Mga Himno, 151), huminga ako nang malalim, ipinagtapat ko sa aking Ama sa Langit ang aking mga kakulangan, at humingi ako ng tulong na masagip ng Espiritu.
Sinabi ko sa Ama sa Langit na wala akong ideya kung ano ang sasabihin o kung paano sasabihin iyon sa Espanyol, pero nangako ako sa Kanya na ibubuka ko ang aking bibig at gagawin ang lahat ng kaya ko, na sumasampalataya na pupunan Niya ito (tingnan sa Moises 6:32). Sa sandaling iyon, nakadama ako ng payapang katiyakan. Pagkatapos ng panalangin, umakyat ako sa pulpito at nagsimulang magsalita. Nagbalik ang mga salitang napagnilayan ko dati sa sandaling kinailangan ko iyon, maging sa wikang banyaga na nahihirapan akong gamitin sa pagsasalita. Umupo ako pagkatapos ng aking maikling tatlong-minutong mensahe, na payapa pa rin ang damdamin pero hindi sigurado kung gaano kaepektibo ang mensahe ko.
Pagkatapos ng miting, nilapitan ako ng brother na nagsalin para kay Elder Holland at sinabing, “Sister Wright, hindi ko alam na napakahusay mo palang magsalita ng Espanyol!” Sagot ko, “Hindi naman.” Tiniyak niya sa akin na wala akong mali.
Natitiyak ko na wala ni isa sa mga missionary na iyon ang nakakaalala sa maikling mensahe ko noong araw na iyon. Pero para sa akin, isang karanasan iyon na nagpapabago ng buhay. Natuto akong magtiwala sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, na mapapalakas at palalakasin Nila ako sa kabila ng aking mga kahinaan kapag naging handa akong gumawa ng malaking hakbang ng pananampalataya. Kung napili ko ang ligtas na daan at gumamit ako ng tagapagsalin, baka hindi ko kailanman nalaman kung paano Nila tayo sinasagip kapag hinahayaan nating manaig ang Diyos.2
Gustung-gusto ko ang bahaging ito ng kahulugan ng “Grace” sa Bible Dictionary: “Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon, ang mga indibiduwal, sa pagsampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ay tumatanggap ng lakas at tulong na gumawa ng mabubuting gawa na hindi nila patuloy na magagawa kung sila lamang mag-isa.”
Nadama ko ang Kanyang biyaya sa araw na iyon. Ang malaking hakbang na iyon ng pananampalataya ay nagbigay sa akin ng lakas-ng-loob na paulit-ulit na gawin sa hinaharap ang mga bagay na hindi ako komportableng gawin. Ang kabiguan ay palaging magiging bahagi ng proseso ng pagkatuto, at marami akong naranasang ganyan sa wikang iyon sa buong misyon ko. Pero nang maging pinakamahalaga ito, nadama ko ang suporta at lakas ni Jesucristo na nakaragdag sa aking likas na mga kakayahan upang maging kasangkapan ako sa Kanyang mga kamay na kailangan Niya para mapagpala ang iba. Lumago na nang husto ang aking pananampalataya at tiwala sa Kanya, na siyang pinakadakilang regalong iniuwi ko mula sa aming misyon. Nang makauwi na kami, matatas na akong magsalita ng Espanyol, at nagagamit ko na ito ngayon para maglingkod sa iba bilang boluntaryo sa aming komunidad at sa Spanish branch kung saan kami kasalukuyang nagsisimba.
May patotoo ako na “kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Mga Tala