2022
Subukan Lang Muli
Setyembre 2022


“Subukan Lang Muli,” Liahona, Set. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Subukan Lang Muli

Abala ako sa paggawa ng mabubuting bagay, ngunit naapektuhan ang kaugnayan ko sa Panginoon dahil napabayaan ko ang isang bagay na mas mahalaga.

Larawan
bukas na aklat ng mga banal na kasulatan

Nang matapos ko ang aking misyon noong Enero 2019, sigurado ako na madali kong maipagpapatuloy ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Noong una, totoo iyan. Pagkatapos ng trabaho, uuwi ako at babasahin ko ang aking mga banal na kasulatan na palagi kong ginagawa. Masaya ako na masigasig ko pa ring nababasa ang mga banal na kasulatan at natututo ako tungkol sa Tagapagligtas.

Nagbago iyan noong Hunyo 2019 nang bumalik na mula sa misyon ang kasintahan ko. Nagsimula kaming magdeyt kaagad at nagbalak na magpakasal pagkatapos ng anim na linggo.

Dahil abala sa pagpaplano ng kasal, pagtatrabaho, pag-aaral sa kolehiyo, at pag-uukol ng oras sa aking kasintahan, hindi nagtagal ay ilang beses sa isang linggo na lang akong nagbabasa ng banal na kasulatan. Dahil natuon ang pansin ko sa iba pang mabubuting bagay, hindi ko namalayang napabayaan ko na pala ang kaugnayan ko sa Panginoon.

Ikinasal kaming mag-asawa noong Nobyemre 2019. Pagkatapos ng mga pista-opisyal, sinikap kong ipagpatuloy ang pagbabasa kung saan ako nahinto sa mga banal na kasulatan. Sa loob ng ilang buwan, magkasama naming pinag-aralang mabuti ng aking asawa ang mga banal na kasulatan. Tuwing umaga sa loob ng ilang minuto, nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan at tinatalakay ang isang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bago kami magmadaling magtrabaho o pumasok sa eskuwela.

Pagkatapos ay dumating ang pandemyang COVID-19. Dahil walang mahigpit na sinusunod na iskedyul sa eskuwela at sa trabaho, hindi na namin nagawa ang regular pag-aaral ng banal na kasulatan tuwing umaga. Ngayon pa lang kami muling nakakapag-aral, at naapektuhan ang aming kaugnayan sa Panginoon. Kahit wala nang gaanong restriksyon at nakakapunta na kaming muli sa simbahan, nahihirapan pa rin kaming mag-aral.

Kadalasan, nahihirapan ang mga miyembro ng Simbahan na magbasa ng banal na kasulatan nang palagian. Abala tayo sa buhay, at may mga hamon tayong hinaharap sa bawat araw. Gayunman, hindi pa huli ang lahat para magsimulang muli.

“Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang-hanggang pag-unlad,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. Ngunit, idinagdag pa niya, “lahat tayo ay maaaring gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay.”1

Kamakailan ay nangako kaming mag-asawa na muling magbabasa ng aming mga banal na kasulatan. Hindi pa rin namin nagagawa ito nang perpekto, ngunit araw-araw naming sinisikap na palakasin ang aming mga patotoo. Nagpapasalamat ako sa maraming pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon para magsisi, gumawa nang mas mabuti, at maging mas mabuti.

Print